Inday TrendingInday Trending
Lumaki Bilang Ampon ang Binatang Ito; Totoo Nga Kayang Wala Raw Siyang Magandang Kinabukasan?

Lumaki Bilang Ampon ang Binatang Ito; Totoo Nga Kayang Wala Raw Siyang Magandang Kinabukasan?

Advertisement

Hindi pa man tirik ang araw ay maagang kumayod si Mang Jose na siyang tumatayong ina at ama sa kaniyang nag-iisang anak na si Bry. Hindi man niya sariling laman at dugo, itinuring niyang kaniya ito magmula nang ito ay iwan sa kaniya ng suwail niyang nakababatang kapatid labing limang taon na ang nakalilipas. Lahat ng pagod at hirap naman raw ay sulit dahil lumaking mabait at mabuting bata si Bry. 

Pagpatak kasi ng alas tres ng umaga, gumigising ang dalawa upang maghalo ng iskrambol na kaniyang inilalako sa kalye sa buong maghapon. Magsisimula niyang itulak ang kaniyang munting kariton sakay ang kaniyang paninda. Pagsapit ng alas otso ng gabi, umuuwi na siya sa bahay dahil delikado na rin ang panahon ngayon.

Habang abala sa paghahanap buhay si Mang Jose, si Bry naman ang naiiwan upang mag-asikaso ng mga gawaing bahay. Pagluluto, paghuhugas ng mga plato, pati na paglalaba ay kayang-kaya niya at kabisado na niya. Hindi na siya inaalala pa ni Mang Jose dahil responsable naman siya kahit na sa murang edad.

Kahit pa nga maraming tukso sa paligid gaya ng mga bisyo at alak, mariing tumatanggi sa mga ganitong bagay si Bry. Ang tanging nais niya ay maibalik ang lahat ng paghihirap ng kaniyang ama sa pagpapalaki sa kaniya. Ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti at kung minsan ay nakakapag-uwi pa siya ng kakaunting pera sa tuwing nabibigyan siya ng mga guro sa paaralan na nag-uutos sa kaniya ng kung ano-ano.

Isang hapon, habang pauwi si Bry, nakita niya ang ka-eskwelang si Loleng na kasama ang kumpol ng mga binata na kilala sa kanila na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Wala na raw kinabukasan ang mga iyon, kung hindi kulungan ay sementeryo na malamang ang kanilang hahantungan. 

Ilang sandali lamang ay nagtungo sa kaniyang kinaroroonan si Loleng. Kitang-kita niya ang mapula na mga mata nito, humpak na mukha at halos hinahangin na katawan sa payat nito at laki naman ng suot nitong kamiseta. Pangiti-ngiti pa ito at waring gusto siyang akapin nito. Malakas nitong isinigaw sa mga kasamahan na matalino raw at mabuting tao si Bry ngunit may halo itong pangungutya. 

¨Malaki ang bigayan dito, pre. Lika na, buhayin mo na ang tatay mo at tigilan mo na ´yang pagkukunwari mo. Sa hirap ng buhay oh? Dito na tayo, magdadala ka lang, may pangkain ka na sa isang linggo!¨ masiglang wika nito kay Bry na nakatingin naman sa kawalan at iniisip ang limpak-limpak na pera nga namang maaari niyang makuha. 

¨Bry!¨ malakas na sigaw ni Mang Jose na sakto namang pauwi na sa kanila. Agad siyang tumakbo sa kaniyang ama at tinulungan ito. Muli niyang nilinawan ang pag-iisip na mali iyon at hindi iyon makakatulong sa kanilang dalawa ng ama.

Nang gabi na iyon, masayang naghapunan ang dalawa at muli siyang pinaalalahanan ni Mang Jose na mas mabuting walang laman ang tiyan kaysa pumasok sa ganoong uri ng paghahanapbuhay. Hindi mahalaga ang pera sa kanila kung sa mali naman ito nakuha, aniya, mas importante ang buhay na marangal at malinis. Pagkatapos ng kanilang munting hapunan, maagang nagpahinga ang mag-ama.

Pagpatak ng alas tres, muli na namang nag-umpisa ang mahabang araw ng mag-ama. Pagkaalis ni Mang Jose, agad na nag-asikaso si Bry ng mga gawaing bahay at pumasok sa eskwelahan. Tanaw pa niya ang batong bahay na ipinagawa raw ni Loleng at sabay na sinipat ang kanilang tagpi-tagping bahay. Huminga siya nang malalim at tinanggal ang anumang masamang iniisip.

Nagpatuloy ang araw ni Bry na masaya siya dahil maraming mga guro ang nagpabili ng ulam sa kaniya. Ang ibig sabihin din kasi nito, maraming magbibigay sa kaniya ng pera at makakabili din siya ng masarap na ulam tulad ng litsong manok na halos isang beses lang nila makain sa dalawang buwan. Umuwi ang binata na may ngiti sa kaniyang mga labi habang iniisip na sasaya ang ama.

Bitbit ni Bry ang plastik bag na naglalaman ng litsong manok na pagsasaluhan nila ng ama. Subalit isang masamang balita ang bumungad sa kaniya. Binugb*g raw ng isang grupo ng mga kabataan ang kaniyang ama at kritikal ang kondisyon nito ngayon sa ospital. Binitawan ni Bry ang litsong manok at mabilis na nagtungo sa ospital. 

Kita ng dalawang mata ni Bry ang kaniyang uugod-ugod na ama na nakaratay sa kama ng ospital. Hindi pa raw ito maoperahan dahil wala pang bayad. Naghalong lungkot at galit naman ang kaniyang naramdaman at iisang solusyon lamang ang kaniyang naisip. Mabilis na tumakbo si Bry at nagtungo sa bahay ng kaibigang si Loleng. Kahit na masama, handa na raw siya.

Binigyan siya ng utos ni Loleng kasama ang perang kailangan niya. Mabigat sa kaniyang kalooban ang gagawin ngunit ang nagtutulak sa kaniya ay ang ama na nag-aagaw buhay. Habang lumuluha, patuloy na naglakad si Bry hanggang sa nakita na lamang niya ang sariling nasa tapat ng istasyon ng mga pulis.

Muli na namang nagdalawang isip ang binata subalit lumamang ang mga pangaral sa kaniya ng ama. Naisip niyang ano na lamang ang sasabihin nito kung malaman na nabuhay nga ito ngunit sa maling paraan naman. Mabilis siyang pumasok sa loob at isinuplong ang mga taong sangkot sa operasyon na dapat sana ay gagawin niya.

Naawa ang mga pulis sa sitwasyon ng bata at tinulungan ito pati na ang kaniyang ama na maoperahan kaagad. Habang ang mga tao sa kanilang lugar naman na sangkot sa pinagbabawal na gamot ay sinimot ng mga pulis at kinulong. Proud ang pakiramdam ni Bry dahil sinunod niya ang ama.

Isang buwan ang nakalipas, mayroon nang tindahan ng mga ulam sina Bry at Mang Jose. Palaging kumakain sa kanilang munting karinderya ang mga pulis na naging kaibigan din nila at nagbibigay proteksyon sa kanila. Laking pasasalamat ni Bry at ni Mang Jose na ginawa nila ang tama. Dahil lahat ng tama ay laging nagbubunga ng maganda sa huli.

Advertisement