Inday TrendingInday Trending
Sa Muling Paglitaw ng Babae ay Isang Lihim ang Nabunyag; Magawa Pa Kaya Nilang Makalaya Mula sa Bangungot ng Nakaraan?

Sa Muling Paglitaw ng Babae ay Isang Lihim ang Nabunyag; Magawa Pa Kaya Nilang Makalaya Mula sa Bangungot ng Nakaraan?

Advertisement

Habang mag-isang naghihintay sa loob ng silid si Evelyn ay isa lang ang paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan. “Panahon na para malaman ng lahat ang katotohanan. Dumating na ang araw ng kanilang kalayaan mula sa bangungot ng nakaraan na ilang taon na ring nagpapahirap sa kanila. Tila isang anino na ayaw silang lubayan.”

Muling ginunita ni Evelyn ang gabing wumasak sa buhay nilang magkapatid.

Malalim na ang gabi. Matutulog na ang karamihan sa kanilang mga tahanan pero ang bahay ng mga Dela Merced ay punung-puno pa rin ng ingay at kasiyahan. Kaarawan kasi ni Justine, ang nag-iisang anak nina Marlon, isang retiradong pulis at Elizabeth, isang mahusay na negosyante.

Walang patid ang magkapatid na sina Evelyn at Bernie sa kakasilbi sa mga bisita ng kanilang amo. Alas diyes na ng gabi ngunit hindi pa rin sila tapos sa kanilang trabaho. Kaninang umaga ay ang mga bisitang kamag-anak ng pamilya ang pinagluluto ng dalaga. Pagsapit ng gabi ay mga pulutan naman ang sunud-sunod na nakasalang sa kusinilya para sa mga kabarkada ni Justine. Ang nakababatang kapatid naman ng babae ay hindi magkandaugagang magpabalik-balik sa kung saan-saang tindahan para bilhin ang mga pinapabili ng kanilang mga amo. Palibhasa paisa-isa kung mag-utos ang mga ito.

“Mga walang utang na loob! Pagkatapos namin kayong kupkupin, ito pa ang igaganti niyo sa amin! Binigyan namin kayo ng masisilungan, dinamitan, pinag-aral, at pinakain. Kung hindi ko kayo iniligtas sa bar na ni-raid namin noon baka matagal ka nang nalulong sa dr*ga tulad ng kr*minal mong ama. Iyang malandi mong kapatid, isang laspag na p*kp*k na!” bulyaw ni Mr. Dela Merced sa magkapatid habang inaalo niya ang kaniyang asawa na walang tigil sa pag-iyak.

Dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari, ang masayang kaarawan ng amo ng magkapatid ay nauwi sa isang madugong bukang-liwayway. Habang sumisikat ang panibagong araw, ang mag-asawang Dela Merced ay ipinagluluksa ang kam*tayan ng kanilang nag-iisang anak.

Nais sanang batiin ni Mrs. Dela Merced ang kaniyang anak ng magandang umaga ngunit pagkabukas niya ng pinto ng kwarto ng anak ay hindi ang masayang ngiti ni Justine ang bumungad sa kaniya. Ang duguan at walang buhay na katawan ng binata ang kaniyang nakita. Isang basag na bote ng alak ang malalim na nakabaon sa katawan nito. Ang kabilang dulo ng bote ay hawak-hawak ng kasambahay nilang si Bernie. Ang kapatid nitong si Evelyn ay nasa loob din ng kwarto ng kaniyang anak. Kumot lang ang tanging saplot nito sa katawan. Nakatitig sa duguan niyang anak. Tulala. Tuluy-tuloy ang pag-agos ng mga luha mula sa mga mata nito.

Noong araw ding iyon ay nakulong si Bernie sa salang pagp*slang kay Justine. Si Evelyn naman ay dinala sa mental. Hindi ito makausap nang matino. Wala sa sarili. Nabaliw sa hindi malamang dahilan.

Muling nakabalik si Evelyn sa kasalukuyan nang makaramdam siya ng marahang pagtapik sa kaniyang balikat. “Handa ka na ba? Ikaw na ang isasalang sa witness stand,” pahayag ni Pamela, ang sekretarya ng abogado ni Bernie. Tumango lang si Evelyn sa babae bago tahimik na lumabas ng silid para magtungo sa korte kung saan isinasagawa ang paglilitis kay Bernie.

Matagal nang tanggap ni Bernie na habang buhay na siyang mabubulok sa bilangguan kahit na inosente siya. Wala siyang laban sa kapal ng bulsa at malakas na kapit sa kapangyarihan ng mag-asawang Dela Merced na walang humpay sa pagbabaliktad ng katotohanan mapatunayan lang sa korte na pin*slang niya ang kaisa-isa nilang anak sa pag-aakalang pinagsam*ntalahan nito si Evelyn gayong ang kaniyang kapatid naman ang pilit na gumagawa ng paraan para mapikot ang kanilang anak kahit ilang beses na nitong ipinamukha sa babae na hindi niya ito gusto. Ngunit nabuhayan si Bernie ng pag-asa nang tinawag ang bagong testigo na ni sa hinagap ay hindi niya inakalang makikita pa niyang muli, ang kaniyang kapatid na si Evelyn, ang bukod tanging nakakaalam kung ano ang tunay na naganap sa loob ng silid ni Justine.

“Hindi pin*tay ng kapatid ko si Justine. Buhay pa si Justine nang pumasok si Bernie sa kwarto. Narinig niya ang sigaw ko, ang paghingi ko ng tulong. Sinubukan niyang sagipin ang buhay ni Justine ngunit ‘di nagtagal ay tuluyan nang huminto ang pagtibok ng puso nito. Iyon ang tagpong nakita ni Mrs. Dela Merced,” saad ni Evelyn.

Simula noong damputin si Bernie ng mga pulis ay wala na siyang nabalitaan pa tungkol sa kaniyang kapatid. At sa muli nilang pagkikita ay hindi niya inaasahan na isang malaking pasabog pala ang ibubunyag nito sa korte.

“Isang aksidente ang nangyari. Matagal na kaming may lihim na relasyon ni Justine. Alam naming hindi ako matatanggap ng kaniyang mga magulang dahil katulong lang ako sa kanilang pamamahay kaya wala kaming ibang sinabihan tungkol sa tunay na namamagitan sa aming dalawa. Sa katunayan ay dalawang taon na kaming kasal ni Justine bago siya sumakabilang buhay. Noong gabing iyon, maliban sa kaarawan niya, ipinagdiriwang din namin ang isang magandang balita. Magkakaanak na kami. Noong gabi ding iyon ay natuklasan ni Mr. Dela Merced ang namamagitan sa aming dalawa. Nahuli niya kaming nagtat*lik. Nagtalo ang mag-ama. Nagkasagutan. Tinangka akong kaladkarin ni Mr. Dela Merced palabas ng kwarto ngunit prinotektahan ako ni Justine. Bago lumabas ng kwarto si Mr. Dela Merced ay natulak niya nang malakas si Justine. Napasalampak ito sa sahig kung saan may nakakalat na basag na bote. Bumaon ang basag na bote sa kaniyang katawan,” mangiyak-ngiyak na kuwento ni Evelyn.

Naglabas din si Evelyn ng mga ebidensiya na magpapatunay na may relasyon sila ni Justine. Mga litrato nilang dalawa, mga sulat ng binata sa dalaga at marami pang iba. Pati ang marriage certificate nilang mag-asawa ay prinisinta niya sa korte.

Dahil sa pagharap ng babae sa korte ay napawalang-sala sa kasong pagp*tay si Bernie. Labis na ikinatuwa ng magkapatid ang naging hatol ng korte. Niyakap nila nang mahigpit ang isa’t-isa. Bagama’t walang tigil ang pagtulo ng kanilang mga luha ay abot tenga naman ang kanilang mga ngiti.

Habang papalabas na si Evelyn sa silid kung saan nilitis ang kaniyang kapatid ay nahagip ng kaniyang mga mata ang mag-asawang Dela Merced na hindi pa rin umaalis sa kanilang kinauupuan. Tahimik na umiiyak ang dalawa. Bagama’t kinakabahan ay naglakas loob siyang lapitan ang mga ito habang kinakapa ang laman ng kaniyang bulsa.

“Iniimbitahan ko po kayong dumalo sa birthday ni Justine,” paanyaya ni Evelyn habang iniaabot ang isang pulang sobre sa mag-asawa. Bagama’t naguguluhan ay tinanggap ni Mr. Dela Merced ang imbitasyon.

“Justine Jr. po ang pinangalan ko sa anak namin. Kamukhang-kamukha ng anak ko ang tatay niya,” paliwanag ng babae.

“Noong mawala ang anak niyo, pakiramdam ko ay nawala ang lahat sa akin. Wala nang saysay ang buhay ko. Tinakasan ko ang realidad na wala na ang taong pinakamamahal ko nang buong puso. Mas pinili ko ang mabuhay sa sariling mundo kung saan maaari ko pa rin siyang makapiling. Nakalimutan kong pangalagaan ang huling regalo niya sa akin. Kulang po sa buwan ang anak namin noong iniluwal ko siya sa mundo. Nang masilayan ko ang mukha ng munti naming anghel habang nag-aagaw buhay sa ospital ay saka lamang ako natauhan. Hindi nawala sa akin ang lahat. Kasama ko pa ang naging bunga ng aming pagmamahalan. Kailangan kong lumaban para sa aming anak. Ginawa ko po ang lahat para gumaling. At sa awa ng Diyos ay hindi Niya pinabayaan ang anak namin. Lumaki itong malusog at masigla,” malungkot na paglalahad ng babae.   

Kinuha ni Evelyn ang litrato ng kaniyang anak sa kaniyang pitaka at ibinigay niya ito kay Mrs. Dela Merced. “Sigurado po akong matutuwa ang anak ko kung makikilala niya ang kaniyang lolo at lola sa kaniyang kaarawan.”

Habang papaalis si Evelyn sa korte ay isa lamang ang kaniyang dasal. Na tulad niya sana ay makalaya na rin ang mag-asawang Dela Merced mula sa mapait na nakaraan. Na sana sa pamamagitan ng kaniyang anak ay mabawasan ang labis na kalungkutan at pangungulila nila kay Justine.

Advertisement