Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Babae na Matinong Lalaki ang Tumulong sa Kaniya Ngunit Isa rin Pala Itong Mandurugas; Nang Muling Magtagpo ang Kanilang Landas ay Makikilala Niya ang Tunay na Katauhan Nito

Inakala ng Babae na Matinong Lalaki ang Tumulong sa Kaniya Ngunit Isa rin Pala Itong Mandurugas; Nang Muling Magtagpo ang Kanilang Landas ay Makikilala Niya ang Tunay na Katauhan Nito

Advertisement

“Kundi lang kailangang makarating agad ako sa ospital, hindi ako sasakay sa kakarag-karag na jeep na ito! Hmp!” inis na sabi ni Dra. Alisson sa isip.

Nasiraan kasi siya ng kotse sa daan at puro punuan naman ang taxi kaya napilitan siyang sumakay ng jeep ng araw na iyon dahil nagmamadali siya. Mayroon siyang operasyong gagawin at kailangan na makahabol siya sa oras.

Ngunit maya-maya ay may ibinulong sa kanya ang isang lalaking katabi niya sa jeep.

“Miss, holdap ito. May bar*l na nakatutok sa tagiliran mo. Ibigay mo sa akin ang pera mo’t mga alahas na suot. Kapag nagpahalata ka, pat*y ka,” wika ng lalaki na pilit itinatago sa loob ng suot na jacket ang bar*l na hawak.

Dahil sa matinding takot ay agad na sinunod ni Dra. Alisson ang utos ng lalaking holdaper.

“H-heto, a-ang kailangan mo,” tugon niya sa nanginginig na boses.

Tatawa-tawa ang lalaki habang kinukuha ang wallet niya at mga alahas.

“Salamat, miss!”

Mabilis na bumaba ang holdaper sa jeep. Saka lamang nabuhayan ng loob si Dra. Alisson.

“Eeee! Sakloloo! Hinoldap ako! Ayun ang holdaper!” malakas niyang sigaw.

Nabulabog ang mga pasahero sa jeep at agad na nakisimpatiya sa kanya. Inis na inis naman ang holdaper nang marinig ang pagsigaw niya.

“Aba’t eskandalosang babae! Lint*k!” bulong ng holdaper sa isip.

Isang lalaking pasahero sa jeep ang matapang na hinabol ang holdaper at mabilis naman itong nasukol.

“Hay*p kang mandurugas ka, ha! Eto ang sa iyo, um!”

Sinunggaban ng matapang na lalaki ang holdaper. Tangkang babar*lin siya nito ngunit naagaw niya iyon at pinagsusuntok ito hanggang sa hindi na nakapanlaban pa. Nabawi ng lalaki ang wallet at mga alahas at ibinalik kay Dra. Alisson. Matapos na maipadampot sa mga pulis ang holdaper ay nilapitan ng doktora ang magiting na lalaki.

“Naku, maraming salamat, kuya! Pinahanga mo ako sa ginawa mo,” aniya.

“Pasensya na miss, pero hindi papuri ang kailangan ko kundi pabuya,” sagot ng lalaki.

Ikinagulat ng babae ang sinabi ng lalaki ngunit kahit nabigla sa narinig ay dali-dali siyang kumuha ng pera sa wallet.

“S-sorry, nalimutan ko, o, tanggapin mo itong pabuya!” sambit niya sa lalaki saka iniabot ang pera.

“Limangdaan piso? Katumbas ba ‘yan ng buhay ko?” tanong ng lalaki.

Mas ikinabigla ng doktora ang inasal na iyon ng lalaking tumulong sa kanya.

“B-bakit, magkano ba ang akala mong dapat kong ibayad sa iyo?” tanong niya.

“Patingin nga ng wallet mo!” anito saka tiningnan ang laman niyon. “Ang dami naman palang perang laman itong wallet mo, eh, tama na ang sampung libong piso para sa pabuya mo sa akin,” wika ng lalaki.

Nag-init na ang bumbunan ni Dra. Alisson at hindi na nakapagtimpi.

“Ano? Nababaliw ka na ba?”

“Buhay ko ang pinuhunan ko diyan, kaya dapat na magbayad ka ng utang na loob mo sa akin. Ikaw na nga ang tinulungan, ikaw pa ang galit!” sambit pa ng lalaki.

Sa sobrang gigil ng doktora at pagkapahiya ay agad siyang dumukot ng pera sa wallet at ibinato sa mukha ng lalaki.

“O, ayan ang pera mo! Maginoong mapagsamantala na bastos at wala pang modo!”

“Ayan, salamat sa iyo! Sa ginawa ko’y dapat lang na bigyan mo ako ng malaking pabuya,” hirit pa ng lalaki at nagmamadali nang umalis.

Wala nang nagawa pa si Dra. Alisson kundi ang sumakay ulit ng jeep patungong ospital kahit nanggagalaiti pa rin siya sa galit.

Hanggang sa makarating sa operating room ay nakakunot pa rin ang kanyang noo. Kahit masama ang loob ay matagumpay pa rin niyang naisagawa ang operasyon sa kanyang pasyente.

“Ang walang hiyang iyon, akala ko’y matino, mandurugas din pala!” inis na sabi niya sa isip.

Maya-maya ay tinawag siya ng nurse.

“Dra, nariyan po ang anak ng pasyente niyong inoperahan. Binayaran na ang hospitalization bill at mga gamot. Gusto rin daw kayong makausap para personal na magpasalamat sa ginawa niyong operasyon,” wika ng nurse.

“A, eh, sige, susunod na ako,” aniya.

Hinarap ng doktora ang anak ng pasyente na naghihintay sa labas ng operating room.

“Dra, kumusta ang nanay ko?” tanong ng lalaki.

“Ligtas na siya, nagpapagaling na lang, t-teka, siya ang anak ng pasyenteng inoperahan ko?!” gulat na sambit ni Dra. Alisson nang makilala ang lalaki.

Ang lalaking tumulong sa kanya kanina na mahuli ang holdaper sa jeep ay ang anak ng babaeng pasyenteng inoperahan niya. Dahil nakasuot siya ng surgical mask ay hindi agad siya nakilala nito.

“Buti na lang at nakadelihensiya ako kanina, kundi ay baka ikinasawi na ni inay ang hindi pag-opera sa kanya,” wika ng lalaki.

Biglang nawala ang inis at galit ng doktora sa kausap nang malaman kung saan nito ginastos ang pabuyang ibinigay niya.

“Mahal na mahal mo ang nanay mo ‘no?” tanong niya.

“Oo naman po. Kahit kung minsan ay hindi kami nagkakasundo at nagkakaroon ng tampuhan, eh, nanay ko pa rin siya na pinagkakautangan ko ng aking buhay. Hindi ko matitiis na makita siyang nagugupo ng kanyang karamdaman, mabuti na lang at matagumpay ang inyong operasyon sa kanya kaya wala na akong dapat na ipangamba pa. Kaya nga kanina, kahit galit na galit sa akin ‘yung babaeng mukhang mayaman na tinulungan ko, piniga ko pa rin nang husto’t pinagbayad ko ng utang ng loob para madugtungan lang ang buhay ni inay,” sagot ng lalaki.

‘Di namalayan ni Dra. Alisson na pumapatak na pala ang luha sa mga mata niya. Sa tingin niya ay kailangan na niyang ipakilala ang sarili sa kausap. Agad niyang tinanggal ang suot na surgical mask.

“Kanina ay galit na galit ako sa iyo, pero ngayon ay hindi na dahil sa mabuti mo naman pala dinala ang pera ko. Ako nga pala si Alisson, ikaw ano ang pangalan mo?” aniya.

Gulat na gulat ang lalaki nang makilala siya nito.

“I-Ikaw?!”

“Oo, ako nga. Nauunawaan na kita ngayon dahil sa mga sinabi mo. Sabi ko, ano ang pangalan mo?”

Napilitang sumagot ang lalaki.

“A-ako si Landon. Sorry talaga kanina ha? Wala na kasi akong ibang mahingan ng tulong para kay inay, eh. Wala akong trabaho ngayon dahil nagtanggalan sa pinapasukan kong pabrika. Wala ring magpautang sa akin kaya nang maganap ang holdap kanina’y sinamantala ko na ang pagkakataon para magkapera, para maoperahan na ang inay. Huwag kang mag-alala, babayaran ko sa iyo ang perang iyon kapag nakahanap na ako ng bagong trabaho,” tugon ng lalaki sa mapagkumbabang tono.

“Huwag mo nang alalahanin iyon. Ang mahalaga ay ligtas na ang nanay mo,” sambit ng doktora sa lalaki. “Kung alam mo lang na higit mo akong natulungan, Landon,” bulong pa niya sa isip.

Habang pauwi na si Dra. Alisson sa kanilang bahay ay masayang-masaya siya dahil nakilala niya si Landon. Dahil sa lalaki ay naalala niya na may obligasyon din pala siya na kailangang gampanan.

“Salamat sa iyo, Landon, sa walang kapantay mong pagmamahal sa iyong ina. Lahat ay gagawin mo para sa kanya. Dahil doon ay minulat mo ako. Sa sobra kong pagiging abala sa aking propesyon ay nakalimutan ko nang dalawin ang may sakit kong ina. Sana ay hindi pa huli na maalagaan ko siya at madamayan sa pinagdaraanan niya ngayon. Napagtanto ko na mas mahalaga pa rin sa akin ang nanay ko kaysa ano pa man,” bulong niya sa sarili.

Makalipas ang ilang araw ay mabilis na nakabawi ng lakas ang ina ni Landon at ‘di nagtagal ay nakalabas na rin ito sa ospital. Maayos na rin ang pakiramdam ng ina ni Dra. Alisson dahil sa ginawa niyang pag-aalaga rito.

Sa kabila ng pagiging magkaiba nila ng antas sa buhay, pareho silang anak na nagmamahal sa kanilang mga ina.

Advertisement