Inday TrendingInday Trending
Limang Buwan na Siyang Buntis Saka pa Nakikipaghiwalay sa Kaniya ang Nobyo; Pababayaan na Kaya Sila Nito?

Limang Buwan na Siyang Buntis Saka pa Nakikipaghiwalay sa Kaniya ang Nobyo; Pababayaan na Kaya Sila Nito?

“Please, Richard, huwag namang ganito. Ano ang gagawin ko kung iiwanan mo ako?” nakikiusap na wika ni Mae sa nobyo.

Limang buwan na siyang nagdadalantao. Kung kailan siya nabuntis ay saka naman nito gustong makipaghiwalay sa kaniya. Dalawang taong mahigit na silang magkasintahan ng lalaki at may mga pangarap nang nabuo na magkasama at ngayon nga’y magkakaanak na sila. Hindi niya lubos maisip kung ano’ng nangyari’t bakit nakikipaghiwalay ito sa kaniya ngayon.

“Patawarin mo ako, Mae, pero hindi na talaga kita mahal,” nahihiripan nitong sambit. “Minahal naman kita noon, pero hindi ko alam bakit hindi na ganoon ‘yong nararamdaman ko ngayon.”

“Bakit? Ano’ng nangyari? May nagawa ba akong masama?” naguguluhang sambit ni Mae.

“Hindi na ako nagagandahan sa’yo, Mae. Hindi na ako nasasabik na makita’t makasama ka. Hindi na ikaw ang laman ng puso ko. Kaya please, pumayag ka nang maghiwalay tayo,” ani Richard.

“Ha?! Paano ang magiging anak natin?”

“Hindi ko kayo pababayaan. Susuportahan ko ang anak ko. Pero hanggang doon na lang ang kaya kong ibigay sa’yo, Mae,” anito.

Ano ba ang basehan ng pagmamahal? Ganda? Pagkasabik? Kilig? Kapag ba hindi na iyon nararamdaman at nakikita sa’yo ng isang tao, pwede ka na nilang ibasura basta-basta, kasi wala ka nang kwenta para sa kanila?

Hindi man direktang sinabi ni Richard sa kaniya’y para bang nais nitong palabasin na ginayuma lamang niya ito noon. Paano naman niya ito gagayumahin? Gayong hindi naman siya manggagamot at wala siyang alam sa mga gano’ng bagay, at siya nga mismo’y hindi naniniwala sa gayu-gayuma.

Masakit man sa kaniyang loob ay pinilit ni Mae na tanggapin ang katotohanan. Mahal niya si Richard, pero hindi niya ito pwedeng itali sa kaniya, kung talagang hindi na ito masaya. Pinilit ni Mae na magpatuloy sa buhay para na rin sa batang nasa kaniyang sinapupunan. Tinupad naman ni Richard ang ipinangako. Sinuportahan siya ng lalaki sa pinansyal at kung ano man ang kailangan niya, ngunit talagang malamig na ang pakikitungo nito sa kaniya. Makalipas ang ilang buwan ay nanganak si Mae sa babaeng sanggol.

“Hi mother,” nakangiting wika ng nurse sa kaniya habang hawak nito ang kaniyang bagong silang na anak. “Babae po ang anak niyo,” dugtong nito sabay abot sa kaniya nang kaniyang anak na agad na umiyak nang maramdaman ang kaniyang presensya.

Mangiyak-ngiyak na tinitigan niya ang anghel na nasa kaniyang mga bisig ngayon. Lahat ng sakit na naranasan niya sa kaniyang panganganak ay napawi nang masilayan niya ang mukha ng kaniyang anak.

“Iniwan man tayo ng papa mo anak, ipinapangako kong bubuhayin kita sa abot nang makakaya ko at hindi kita pababayaan at iiwanan,” humagahulhol niyang wika.

Makalipas ang dalawang araw ay naging bisita niya si Richard. Sabik itong hawakan ang kanilang anak at nagpasalamat ito sa kaniya sa maayos niyang panganganak. Kinumusta siya ng lalaki at kahit papaano’y inalagaan nang ilang oras na pagbisita nito sa ospital.

Alam ni Mae na hindi na talaga siya mahal ni Richard, pero ramdam niyang mahal na mahal nito ang anak nila. Hindi man siguro naging maayos ang relasyon nila bilang magkasintahan, alam naman niyang magiging mabuting ama ang lalaki sa anak nila. At para kay Mae at sapat na iyon upang pasalamatan niya ang lalaki.

Habang hindi pa siya maaaring pumasok sa trabaho ay naging katuwang niya si Richard sa pag-aalaga sa anak nila at kahit papaano’y tinutulungan siya nito sa mga gastusin. Minsan nga’y biniro niya ito kung pwedeng maging sila na lang ulit, ngunit tumawa lang ito sabay sabing, “Kahit naman walang tayo, hindi ko naman kayo pinabayaan. Mas okay naman tayo na ganito… magkaibigan.”

Ngumiti na lang si Mae saka tinitigan ang dating nobyo. May mga tao nga sigurong mas swak kung magkaibigan lang, at gano’n yata silang dalawa ni Richard. Naging magulo at palaging may away ang pagsasama nila noong sila pa, ngunit mas naging maayos ang samahan nila ngayong wala na sila at nagsasama na lang para sa anak nila.

Darating ang panahon na makakahanap ulit ng bagong mamahalin si Richard, sana kahit gano’n ay hindi magbago ang pagmamahal nito sa anak nila.

Makalipas ang limang buwan ay muling bumalik sa trabaho si Mae. Kaya na rin naman niyang magtrabaho at medyo nakakabawi na ang kaniyang katawan mula sa panganganak. Upang masigurong ligtas siya’y inihatid siya ni Richard sa kaniyang trabaho na labis na ikinagulat ng lahat.

“Hoy! Bruha ka, akala ko ba wala na kayo ni Richard? Bakit nakita ko siya kaninang hinatid ka?” sita ni Jai sa kaniya.

Ngumiti si Mae sabay iling. “Magkaibigan na lang kami ni Richard. Walang ibang ibig sabihin ang nakita mo kanina.”

“Talaga lang ah. Bakit parang kayo pa rin?” tukso nito.

“Magkaibigan na lang talaga kami ni Richard,” aniya. “Maganda lang talaga ang samahan namin dahil may anak kami. Pero kung sasabihin mo na magbalikan kami, mukhang malabo na talagang mangyari iyon dahil prangka naman siyang hindi na niya ako mahal. Kumbaga nand’yan pa rin siya dahil mahal niya ang anak namin,” paliwanag niya.

“Ayos lang sa’yo iyon?”

“Oo. Ano ba’ng magagawa ko? Ang mahalaga’y hindi niya pinapabayaan ang anak namin. Kahit hindi siya naging mabuting nobyo sa’kin, mabuting ama naman siya para sa anak namin at okay na ako roon,” aniya saka tinapik sa balikat ang babae at naglakad patungo sa kaniyang mesa.

Magulo man at hindi maintindihan ng iba ang sitwasyon nila ni Richard ay wala na iyon kay Mae. Dahil para sa kaniya, malinaw ang sa kanila ni Richard at tanggap niya na iyon. Hindi sila ang para sa isa’t isa, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay tatalikuran na nito ang obligasyon nito sa anak nila.

Nagpapasalamat pa rin si Mae dahil nagpaka-ama ang lalaking dati niyang minahal. Hindi ito kagaya ng ibang lalaki na takot sa obligasyon. At doon siya bilib sa lalaki.

Tuwing uwian niya’y palagi siyang sinusundo ni Richard upang hindi na siya mahirapang mag-commute at para makauwi agad upang maalagaan ang anak nila. Araw-araw ay gano’n palagi ang set-up nilang dalawa, bilang magulang ng anak nila.

Hindi man sila swak bilang magka-ibigan, swak na swak naman sila bilang magkaibigan. At sapat na siguro iyon upang maging mabuting magulang silang dalawa sa anak nila.

Advertisement