Inday TrendingInday Trending
Inilalako ng Misis na Ito ang Sariling Mister sa Pagbebenta ng Aliw; Makaahon Pa Kaya Sila sa Kumunoy na Kanilang Kinasasadlakan?

Inilalako ng Misis na Ito ang Sariling Mister sa Pagbebenta ng Aliw; Makaahon Pa Kaya Sila sa Kumunoy na Kanilang Kinasasadlakan?

Malalim na ang gabi ngunit hindi para kay Carlota. Nagsisimula pa lamang ang gabi, para sa kaniya. 11:45 ng gabi, ayon sa kaniyang relong pambisig. Ang bango-bango niya. Ang totoo, inutang lamang niya sa suking tindahan ang mumurahing baby cologne na ginamit niya upang humalimuyak siya. Nakatayo siya sa gilid ng isang footbridge. Tila may hinihintay siyang hindi naman niya kilala kung sino.

Maya-maya, isang kotseng kulay-itim ang pumarada sa kaniyang tapat. Ibinaba nito ang windshield.

“Magkano?” tanong ng drayber.

Lumapit si Carlota.

“Hindi ako. Ano ba ang trip mo, lalaki o babae?”

“Ikaw ang trip ko eh. Puwede na,” sagot ng driver.

“Naku, hindi ako ang inilalako. Bug@w ako. Pero kung gusto mo talaga ako, 5,000 okay na.”

“Ikaw? 5,000? Eh mukha ka nang l*spag. Huwag na lang sa iba na lang,” bargas na sagot ng driver. Itinaas na ulit nito ang wind shield ng kotse at pinaharurot na.

Nagkibit-balikat na lamang si Carlota. Puwede naman siyang tanggihan, pero bakit kailangan pa siyang sabihang l*spag na? Sa isang iglap ay tila sinayang ng mga pahayag na ito ang mga sabong pampaputi, ang mga pampaganda at koloreteng inilalagay at ipinapahid niya sa kaniyang mukha at katawan.

Naghintay ulit siya ng limang minuto, pagkaraan ay may pumarada ulit na isang pulang kotse. Agad na lumapit si Carlota. Lalaki pa rin ang driver, ngunit sa tingin pa lamang ni Carlota, hindi mga kagaya niya ang kailangan nito.

“Sir? Hanap nila?”

“Kailangan ko, lalaki. Malinis. Mabango. May maibibigay ka ba? May kakilala ka ba?” tanong nito.

“Ay sir, tamang-tama. Malinis, mabango, saka malaki. Mabubulunan ka,” sagot ni Carlota.

“Talaga? Baka may sakit iyan ah.”

“Wala, sir. Pero kung duda ka, gamit ka na lang ng proteksyon,” sansala ni Carlota.

“Magkano ba?”

“2,000 sir.”

Kumamot sa ulo ang lalaki.

“Baka puwedeng 1,500 na lang?”

“Naku sir, kailangang-kailangan eh, kahit mga 1,700 na lang. Huling tuwad este tawad na ‘yan.”

“Sige. Game. Bilisan mo na’t dalhin na rito.”

Agad na umalis si Carlota at nagtungo sa may bandang bangketa. Naroon ang isang lalaking nakapostura, nangingintab ang buhok na hindi malaman kung gel o pomada ba ang inilagay, at kaamoy ni Carlota ng gamit na baby cologne. May kalong itong sanggol na nasa tatlong buwan pa lamang, pinadedede sa bote.

“Punta ka na ro’n sa kotse. Bilisan mo ha. Huwag kang papayag na wala kang proteksyon. 1,700 ang bigay pero lambing-lambingin mo, baka sakaling magdagdag. Pababakunahan natin si Baby,” bilin ni Carlota sa kaniyang mister.

Tumalima naman ang kaniyang mister na si Dolfo. Nagtungo na ito sa pulang kotse, pagkaraan ay sumakay na sa loob nito. Hinabol na lamang ng tanaw ni Carlota ang papalayong sasakyan.

Samantala, naghanda naman si Carlota pauwi. Kampante na siya dahil naibugaw na niya ang mister. Dati na nilang ginagawa ito, bago pa sila magkakilala at magpakasal sa huwes. Ipinangako nila sa isa’t isang tatalikuran nila ang gayong gawain.

Subalit pareho silang natanggal sa trabaho dahil sa idinulot ng pandemya, kung kailan naman niyayakap na nila ang pagsisimula ng bagong yugto sa kanilang buhay.

Balik sila sa pangangalakal ng katawan.

“Ako lang ang aarya, huwag ka na,” paalala ni Dolfo sa kaniya.

“Sige. Hindi pa rin naman naghihilom ang tahi ko sa panganganak. Ikaw na muna. Ako nang bahalang humanap ng parukyano mo.”

Malinaw rin ang pagpapaalala ni Carlota sa kaniyang mister na titiyakin nitong protektado siya upang hindi sila magkasakit pareho.

Sanay na sa mga ganitong galawan si Carlota, at sa tuwing kinakapa ba niya ang damdamin kung nakararamdam pa ba siya ng selos, hungkag na ang kaniyang nararamdaman. Para sa kaniya, trabaho lang ito. Ang mahalaga, napapakain nila ang mga sarili, ang kanilang anak, at nakabibili ng mga pangangailangan nila sa araw-araw.

Wala na siyang pakiramdam.

Pagkauwi sa bahay, naglinis lamang siya ng kaniyang katawan at naghanda na siyang matulog kasama ang sanggol.

Kinabukasan, paggising niya, wala pa rin si Dolfo. 10:00 nang umaga.

“Loko ‘yon ah. Baka napasarap,” naibulong ni Carlota.

Sinulyapan niya ang anak. Tulog pa. Payanag-payapa sa pagkakahimbing. Maya-maya’y napasulyap siya sa sahig, malapit sa bandang mesa. May mga bubog. Nabasag ang paboritong baso ni Dolfo.

“Naku, baka ang mga mababait na daga… nabawasan na naman ang mga baso.”

Habang winawalisan ang sahig upang matanggal ang bubog, binulabog siya ng kaniyang kapitbahay na si Aling Marta.

“Carlota! Carlota!”

“Aling Marta? Bakit ho? Anong nangyari?”

“Sumama ka sa akin, dalian mo… kailangan mong sumama sa akin.”

Hindi na rin siya nakapagtanong sa bilis ng mga pangyayari. Hila-hila na siya ni Aling Lourdes. Nagtungo sila sa kulumpon ng kaniyang mga kapitbahay, tila may tinitingnan ang mga ito. Laking-gulat niya nang makita ito.

Si Dolfo.

Duguan.

Walang buhay.

Isa nang malamig na b*ngkay…

Lumabas sa imbestigasyon na nakalakad pa umano ang biktima mula sa pinagbabaan dito sa kaniya, batay sa bakas ng tulo ng dugo nito. Pinilit sigurong makauwi.

Hindi naman matukoy kung sino ang gumawa nito sa kaniya. Isinalaysay ni Carlota ang lahat-lahat sa pulis, kahit ang dahilan kung bakit napunta sa gayong imbestigasyon ang mister.

Sa kasamaang-palad, nanatiling misteryo ang dahilan ng pagkawala ni Dolfo. Walang nahuli. Walang nadakip. Walang hustisya.

Sa puntod ng kaniyang mister, ipinangako ni Carlota na aayusin na niya ang kaniyang buhay. Itutuwid na niya ang lahat. Ibabangon niya ang sarili sa kumunoy na kaniyang kinasadlakan, alang-alang sa kanilang anak. Hinding-hindi na siya babalik sa dating trabahong lalong nagsadlak sa kaniya.

Advertisement