Nang Kumuha ng Tubong Bakal ang Lalaki ay Inakala Niyang Ipapalo Nito Iyon sa Kaniya; Ano nga ba ang Kasalanan Niya’t Gano’n na Lang ang Kaniyang Takot?
Hirap na pinapadyak ni Mang Arsenio ang kaniyang padyak na punong-puno ng mga nakolektang kalakal. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nadikitan ng kaniyang kinakalawang at lumang traysikel ang isang mamahaling kotse.
Agad na hininto ni Mang Arsenio ang traysikel at ngali-ngaling bumaba upang tingnan kung ano ang nangyari sa gilid at muntikan na nga siyang mahimatay sa nakitang malaking gasgas na nagawa ng kaniyang traysikel sa isang mamahaling sasakyan.
Kagaya niya’y bumaba rin ang may-ari ng sasakyan at sinilip rin kung anong naging pinsala ang nangyari sa sasakyan nito. Kung pwede lamang hilingin ni Mang Arsenio na kunin na siya ng Panginoon sa mga oras na iyon at lamunin na siya nang lupa ay kaniya nang ginawa. Tiyak na malaki ang sisingilin ng lalaking ito sa kaniya, at ano ang ipambabayad niya gayong ang pangangalakal nga lang ang kaniyang inaasahan.
“Ano’ng pangalan mo?” matigas na tanong ng lalaking may-ari ng sasakyan.
Kung ang anyo nang mukha nito ang pagbabasehan ni Mang Arsenio ay masasabi niyang galit ang lalaki. Sa klase ng pangangatawan nito’y malamang isang suntok lang ay mawawalan na siya nang malay.
“Ako si Arsenio, sir,” aniya. “Pasensiya na po talaga kayo, sir, hindi ko po natantiya na tatama pala ang padyak ko d’yan sa sasakyan niyo, sa sobrang puno ng kalakal ay hindi ko na nakita ang gilid. Patawarin niyo po ako, sir,” nakayuko niyang pakiusap.
Kung sasabihin nito na lumuhod siya’y kaniyang gagawin.
“Ano ang ginagawa mo sa mga kalakal na ito?” imbes ay tanong muli ng lalaki.
Tumingala si Mang Arsenio. “Ibinebenta ko po sir, para may mabili akong bigas at ulam na pangkain namin ng asawa ko’t mga apo,” sagot niya.
“Ilang taon ka na ba? Bakit ikaw pa ang naghahanap buhay, gayong sa tantiya ko’y mukhang ka-edad mo na ang papa ko. Tama ba ako, na nasa saisyenta ka na mahigit?”
Sunod-sunod nitong tanong. Ipinaliwanag ni Mang Arsenio na ang dalawa niyang anak ay nasa Maynila at nagtatrabaho, upang may maipadala sa kanilang mag-asawa pandagdag sa gastusin, ngunit hindi naman kalakihan ang ipinapadala ng mga ito kaya kulang pa para sa kanilang mag-asawa at limang mga apo.
Tumango-tango ito saka umikot upang tingnan ang itsura nang kaniyang luma’t kalawanging traysikel. Kinakabahan si Mang Arsenio sa susunod na gagawin ng lalaki. Ano kaya ang pina-plano nito? Balak kaya nitong kunin ang mga kalakal niya, kasama ng traysikel bilang pambayad sa pinsalang nagawa niya sa kotse nito?
Kung gano’n man ang plano nito’y wala siyang magagawa, pero paano na lang ang hanapbuhay niya kapag kinuha nga nito ang kaniyang traysikel? Kahit luma na iyon, malaki pa rin ang pakinabang nito para sa kaniya at sa pamilya niya.
Maya-maya ay may hinugot na bakal ang lalaki sa kaniyang kalakal at malakas na ipinalo nito ang kaniyang traysikel! Ang buong akala ni Mang Arsenio ay sa kaniya iyon ipapalo ng binata. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang sa padyak iyon ipinalo ng lalaki.
“Kwits na tayo tatay, maaari ka nang magpatuloy sa pagpadyak para maipagbili mo na iyang mga kalakal mo’t makabili ka na ng pagkain para sa pamilya mo,” anang lalaki.
Mangiyak-ngiyak na tinitigan ni Mang Arsenio ang binata.
“Nakita ko ang labis na takot sa mga mata mo noong nakita mong nagasgasan ang sasakyan ko. Pero mas natakot ako na baka bigla kang atakehin d’yan sa kinatatayuan mo’y mas malaking pinsala pa ang mangyari,” muling wika ng binata, saka marahang lumapit kay Mang Arsenio at umakbay.
“Hindi na kayo dapat nagbabanat ng buto, tatay. Ang dapat sa inyo’y nagpapahinga na lang sa bahay. Pero bilib ako sa inyo dahil kasing lakas niyo pa rin ang kalabaw kung kumayod. Wala po kayong dapat ikabahala, tatay, sa nagasgas kong kotse, mas mahalaga ang buhay kaysa sa kasangkapan na naririto sa mundo. Iyang gasgas na iyan, maipapaayos ko pa iyan. Pero kung inatake ka kanina sa puso at tuluyang minalas, hindi ko kayang ibalik ang buhay niyo,” nakangiting wika nito.
Hindi na napigilan ni Mang Arsenio ang hindi humagulhol nang iyak. Nakakabasa ba ng isipan ang binatang kaharap niya? Paano nito nalaman na ginusto na nga niyang mawala na lang kanina dahil sa hindi malamang paraan kung paano mababayaran ang pinsalang naidulot ng kaniyang traysikel sa kotse nito.
“Tahan na, tatay, mag-iingat na lang po kayo sa susunod ha. Huwag punuin masyado ng kalakal ang traysikel ninyo, para hindi kayo nahihirapan,” tugon ng lalaki, bago muling sumakay sa sasakyan nito.
Labis ang pasasalamat ni Mang Arsenio dahil hindi masamang tao ang nagawan niya ng kasalanan. Dahil sa aksidenteng nangyari iyon ay hindi na muling umulit si Mang Arsenio na punuin nang sobra-sobra ang kaniyang padyak ng kalakal.
Tinandaan niya ang huling bilin ng lalaking kaniyang nabangga noon. Dahil tama naman ito.