Inday TrendingInday Trending
Nakiusap ang Batang Lalaki na Pagbilhan Siya ng Binata Upang Makakain na Siya ng Tanghalian; Maawa Kaya ang Binata Rito?

Nakiusap ang Batang Lalaki na Pagbilhan Siya ng Binata Upang Makakain na Siya ng Tanghalian; Maawa Kaya ang Binata Rito?

Inis na hinampas ni Joshua ang manibela ng kaniyang sasakyan. Kanina pa hindi gumagalaw ang trapiko at gustong-gusto na niyang makauwi upang magpahinga na’t pagod na pagod ang kaniyang katawan sa araw na iyon.

Nang may kumatok sa bintana ng kaniyang kotse. Sa naiinis na mukha ay nilingon niya ang batang lalaking bakas ang takot sa mukha nang makita siya. Nababasa niya sa mukha nito na parang gusto na lang nitong umalis at magsisisi kung bakit pa siya nito kinatok.

Agad naman siyang nakaramdam ng pagkakonsensya sa natunghayang reaksyon ng batang lalaki, na sa kaniyang tantiya ay nasa edad sampu pataas.

“Ano iyon, totoy?” tanong niya nang maibaba ang salamin ng sasakyan.

Tila nagdadalawang-isip pa itong magsabi sa kaniya kung ano ba talaga ang sadya nito. Makalaunan ay tila naipon na nito ang lakas nang loob at nagsimula nang magsalita.

“Kuya, pasensya na po kung na istorbo ko kayo,” panimulang wika nito. “Gusto ko lang po sana kayong alukin kung pwede ba kayong bumili ng ibinebenta kong facemask at face shield,” anito sabay pakita ng dala-dala.

“Magkano ba iyan?”

Sinabi naman nito kung magkano ang presyo nang mga ibinebenta. Kung tutuusin ay hindi naman niya iyon kailangan dahil marami naman siyang naka-stock na ganun sa kaniyang bahay— ngunit nang titigan niya ang mukha ng batang lalaki’y tila may isang kamay ang pumiga sa puso niya.

“Sige na po kuya, tulong niyo na lang po iyon sa’kin,” untag nito. “Wala pa kasi akong tanghalian, kuya, kung bibilhan mo ako ngayon, may maipambibili na po ako ng pagkain,” dugtong pa nito.

Pasado alas kwatro na, tapos wala pang kain ang batang nakikiusap sa kaniya. Nilingon ni Joshua ang traffic light at nakita niyang nagkulay berde na ito kaya pinakiusapan niya ang bata na sumakay sa kaniyang sasakyan upang mas makausap ito nang maigi. Hindi naman ito mukhang masama, kaya walang dapat ikabahala.

“Kalalabas mo lang ba, Paolo? Bakit hanggang ngayon wala ka pang benta?”

“May benta naman na po ako, kuya, pero hindi ko na ito pwedeng kunan para sa pangkain ko,” sagot nito na mas lalo niyang ikinalito.

“May syento-singkwentang benta na ako rito, mula pa kaninang alas otso nang umaga ko ‘tong pangangatok at pag-aalok nang mga tinda ko. Nakuhanan ko na nga ito nang singkwenta pesos, kasi pinangkain ko kaninang agahan. Ang mahal kasi nang ulam ni Aleng Jo, dalawang daan na sana itong pera ko rito,” ani Paolo.

“Oh! May pera ka naman pala, bakit ‘di mo ‘yan kuhanan para makapananghalian ka na?” ani Joshua.

“Kulang pa nga ito, kuya, e. Kasi itong syento-singkwenta na ito, puhunan ‘to na kailangan kong i-remit kay Pareng Nando. Kumbaga, itong hawak kong facemask at faceshield, ito pa lang ang tubo ko, tapos kakain pa ako mamaya kasi talagang gutom na gutom na ako. Tapos ‘yong sobra, bali ibibigay ko kay mama saka ipapangload ko, para sa online class ko, kuya. Kaya pagbilhan mo na ako, kuya, ang gara-gara ng sasakyan mo e, ‘di ka makabili nito. Ang mura na nga nito e,” mahabang paliwanag ni Paolo.

Bahagyang napangiti si Joshua sa sinabi ni Paolo. Ang kaninang inis na naramdaman dahil sa pagod at trapik, ngayon ay biglang nawala nang dahil kay Paolo.

“Sige, ako na ang bahala d’yan,” maya-maya’y aniya. “Gutom ka na ba?”

“Sobra!”

Ngumiti si Joshua saka tumango. “Ako nga rin e, gutom na ako. Kumain na muna tayo bago maghiwalay.”

Gaya nang kaniyang sinabi ay dinala niya muna sa isang kainan si Paolo at pinakain upang mawala ang nararamdaman nitong gutom. Ayon kay Paolo, nagbebenta lang ito tuwing sabado’t linggo at kung minsan kapag walang klase. Nakakapaglaro pa rin naman daw ito, pagkatapos ng klase. Pero mas gusto raw talaga nitong magbenta at tumulong sa pamilya, lalo na’t tanging ang ina lang nito ang inaasahan ng anim na anak at si Paolo ang panganay, dahil matagal nang namayapa ang ama nito.

Pagkatapos nilang kumain ay binili na ni Joshua ang lahat ng tinda nito sa halagang tatlong daang piso.

“Oh, tipirin mo iyan ah,” ani Joshua sabay abot ng limang daan.

“Nge, ano naman ito, kuya?”

“Bigay ko na iyan sa’yo, kaya tipirin mo. Gamitin mo lang sa mahalagang bagay, gaya nang pang-load o ‘di kaya pang-biling pagkain,” aniya.

Mangiyak-ngiyak na tumingala si Paolo sa kaniya sabay yakap. “Ang bait mo talaga, kuya, salamat rito. Palagi kong tatandaan ang plate number ng sasakyan mo, para batiin ka. Sana paglaki ko, kuya, kagaya mo ako na may ganyang kagarang kotse,” ani Paolo.

Natawa na lamang si Joshua sa sinabi nang batang si Paolo. Walang imposible, basta magsisipag at magsisikap lang ito sa buhay. Sa nakikita niyang ugali ni Paolo ay hindi malabong mangyari ang gusto nito.

Hinatid niya muna si Paolo sa bahay nito saka siya umuwi sa sariling bahay. Nakapagtataka man ay biglang nawala ang pagod at antok na naramdaman niya kanina nang dahil kay Paolo. Mas mahirap ang ginagawa ni Paolo, dahil nakababad ito sa arawan, ngunit hindi man lang nito alintana ang bagay na iyon, dahil sa pagnanais nitong kumita ng maliit na halaga.

Kaya anong karapatan niyang magreklamo sa buhay niya, gayong bukod sa naka-aircon ang opisina niya’y nakaupo lamang siyang maghapon. Ngayo’y natuto na siyang magpasalamat sa kung ano ang mayroon siya nang dahil sa batang nakilala niya.

Advertisement