Inday TrendingInday Trending
Nang Ibigay ng Ale ang Lokasyon Kung Saan Nito Balak Magpunta ay Agad na Nakaramdam ang Binata ng Awa; Ulilang Lubos na ba Talaga ang Matanda?

Nang Ibigay ng Ale ang Lokasyon Kung Saan Nito Balak Magpunta ay Agad na Nakaramdam ang Binata ng Awa; Ulilang Lubos na ba Talaga ang Matanda?

Si Nestor ay isang taxi drayber at pabalik na sana siya sa paradahan upang maghintay ulit ng ihahatid na pasahero. Habang marahang pinapatakbo ang sasakyan ay panay ang abang niya kung may pasahero bang papara sa kaniya. Nagbabakasakali na makakuha ulit ng pasahero upang kahit papaano’y hindi naman lugi ang kaniyang gasolina.

Nang kaniyang mapansin ang isang ale na marahang naglalakad sa gitna ng mainit na panahon. Alas-dose na nang tanghaling tapat, kaya kahit nasa loob siya ng sasakyan at may malamig na hangin itong ibinubuga’y sadyang napakainit pa rin talaga. Papaano pa kaya ang aleng naglalakad sa tabi ng kalsada?

Naisip ni Nestor na ihinto ang sasakyan upang alukin ng sakay ang ale.

“Manang, napakainit po ng araw. Gusto niyo po bang sumakay sa loob ng sasakyan?” alok niya.

“Naku! Wala akong dalang pera para ibayad sa iyo, toto,” sagot nito.

Napansin rin niyang may bitbit itong malaking bag na sa kaniyang tantiya’y lagayan nito ng damit.

“Huwag na po kayong mag-alala, manang. Ililibre ko na po kayo ng sakay. Saan po ba kayo pupunta?” aniya saka naglakad palapit sa kinatatayuan ng ale at inalalayan itong sumakay na sa loob ng kotse.

Ibinigay ng ale sa kaniya ang address na kailangan nitong puntahan. Nang kaniyang mabasa ay agad niyang nalaman na address iyon ng isang Home for the Aged.

“Nagtanong ako sa kapitbahay ko kung saan ang address ng Home for the Aged at iyan ang ibinigay niya sa’kin,” anang ale. “Nakailang sakay na ako, toto, pero palagi akong naloloko. Sabi nila alam nila ang address na iyan, sinisingil pa ako nang malaki, kasi masyado raw iyang malayo. Pero ibinababa na lang nila ako sa kung saan, e wala naman akong makita na gusaling nakalagay na Home for the Aged! Kaya wala na talaga akong perang pamasahe. Ilang araw na akong palakad-lakad, naligaw na nga yata ako.”

Nakaramdam ng habag si Nestor sa sinabi ng ale. Bakit nais nitong tumira doon? Wala ba itong anak na pwedeng mag-alaga dito? O ‘di kaya’y apo man lang. Kaysa tanungin pa ang ale ay inalalayan niya itong ilagay ang malaking bag nito sa likod ng sasakyan, at bumalik sa unahan upang pindutin ang pansara ng likurang bahagi ng sasakyan.

Sa labis na pagtataka’y nakaupo na si Nestor sa loob, ngunit walang pumasok na ale kaya muli siyang lumabas upang hanapin ito, ngunit wala na talaga. Hindi kaya’y minumulto siya at isang multo iyong ale na nakita’t nakausap niya kanina?

Baka nga minumulto lamang siya nang tanghaling tapat. Aayusin na sana niya ang pagkakasara ng likurang bahagi ng sasakyan nang mapansin niyang parang may malaking bagay sa loob na naging dahilan kaya hindi ito maisara nang maayos. Nang kaniyang buksan ay nakita niya roon ang ale, hirap na hirap pagkasyahin ang sarili.

“Naku! Akala ko multo kayo kasi bigla-bigla na lang kayong nawala. Iyon naman pala ay dito kayo pumasok,” aniya. Inaaalalayan ang ale na lumabas at tumayo.

“Pasensya ka na, toto, ayoko ko kasing pumasok doon sa loob ng sasakyan mo’t baka maiwan ang amoy ko,” anito. “Ilang araw na kasi akong hindi nakakaligo kaya malamang kakalat ang amoy ko d’yan sa taxi mo’t baka mahirapan kang kumuha ng pasahero.”

Gustong yakapin ni Nestor ang matandang babae dahil sa awang bumalot sa kaniyang puso. Naalala niya tuloy ang kaniyang ina. Siguro kung hindi lamang ito maagang namayapa ay baka ganito na rin katanda ang ina, kagaya ng matandang kaniyang kausap ngayon.

“Manang, hindi ka po bagahe upang d’yan pumuwesto sa likuran. Kahit po sobrang baho niyo na dahil ilang araw na kayong hindi naliligo, papapasukin ko pa rin kayo sa loob dahil mas ligtas at komportable kayo doon sa loob. Kung tunay man na kakapit ang amoy mo sa loob ng sasakyan, may baon naman akong spray para pangtanggal kaya ‘wag po kayong mag-alala,” aniya at tila nakumbinsi naman ito sa kaniyang sinabi.

Habang nasa biyahe ay tinanong niya ang ale sa mga nais niyang malaman rito mula pa kanina. Nalaman niyang ito si Aling Iska, saisyenta’y singko anyos na. May lima itong anak, ang tatlo ay matagal nang namayapa. Ang dalawa’y dahil sa malubhang karamdaman, ang isa naman ay naaksidente sa motor. Ang dalawang anak nitong natitira ay parehong hindi nito makasundo. Kaya naisip ni Aling Iska na tumira na lang sa Home for the Aged, upang doon na gugulin ang katandaan hanggang sa siya’y tuluyang mawala sa mundo.

“Alam ba ng mga anak mo na doon mo balak tumira, Nanay Iska?” tanong ni Nestor.

Agad itong tumango sa mangiyak-ngiyak na mga mata. “Oo. Sila pa nga ang nagbigay sa’kin ng pamasahe papunta roon. Kaso sadyang naloloko ako ng ibang drayber, dahil na rin siguro sa matanda ako’t walang kalaban-laban, kaya mabilis na lang maloko,” anito.

Dahilan kaya pakiramdam ni Nestor ay may kamay na pumipiga sa puso niya.

“Noong sinabi ko na gusto ko nang tumira sa gano’n ay tila nabunutan ng tinik ang mga anak ko at hindi man lang nila ako sinubukang pigilan. Tila mas natuwa pa sila na hindi na nila ako kailangang alagaan, toto,” mapait na wika ni Aling Iska. “Maswerte ang mga matatanda na may mga anak na handa silang alagaan. Siguro nga para sa mga anak ko, tapos na ang pagiging nanay ko sa kanila ngayong matanda na ako’t hindi na napapakinabangan,” dugtong nito, habang ang buong atensyon ay nasa labas ng bintana.

Hindi malaman ni Nestor kung paano tutugon sa sinabi ni Aling Iska. Totoong naaawa siya sa naging kapalaran nito. Ngunit wala siyang alam na sasabihin upang gumaan ang pakiramdam nito. Hinayaan na lamang niya si Aling Iska na magmuni-muni hanggang sa marating nila ang gusaling kanilang sadya.

“Maraming salamat, toto. Hindi ko alam kung paano kita babayaran sa kabutihan mo. Pero ang Diyos na ang bahalang magsukli sa kabutihang ginawa mo sa matandang uugod-ugod na ito,” pabirong wika ni Aling Iska.

“Hayaan ninyo, Nanay Iska, kapag paparada ako’y palagi kitang bibisitahin rito at paminsan-minsan ay ipapasyal sakay ng taxi ko, upang kahit papaano’y malibang-libang ka,” pangako ni Nestor.

Isang matamis na ngiti lamang ang itinugon ni Iska sa kaniya. Labis na nagpapasalamat ang ale na tinulungan niya ito, ngunit bakas sa mga mata nito na ayaw na nitong umasa na may makakaalala pa rito sa panahong papasok na ito sa loob.

Ngunit may isang salita si Nestor, kaya tinupad niya ang binitawang pangako kay Aling Iska. Sa isang linggo ay tatlong beses niya itong binibisita at isang beses itong pinapayagan ng bantay na mamasyal sa labas kasama siya. Sa t’wing nakikita siya ni Aling Iska ay bakas sa mukha nito ang walang kapantay na saya, na kahit papaano’y may nakakaalala rito, kahit hindi man nito iyon kadugo.

Para kay Nestor ay hindi siya magsasawang bisitahin at pasayahin si Aling Iska, na para na niyang nanay kung kaniyang ituring. Hindi mahalaga kung magkadugo kayo o hindi, kapag ang awa na ang namayani. At iyon ang naramdaman ni Nestor kay Aling Iska, na tila ulilang lubos na kung kalimutan ng kaniyang dalawang anak.

Advertisement