Inday TrendingInday Trending
Sobrang Paghihigpit ang Ginagawa Niya sa Nag-iisang Anak; Iyon pa ang Naging Dahilan Para Manganib ang Buhay Nito

Sobrang Paghihigpit ang Ginagawa Niya sa Nag-iisang Anak; Iyon pa ang Naging Dahilan Para Manganib ang Buhay Nito

“Mama, bakit po hindi niyo ako payagan? Debut ni Elise, ang best friend ko na kilala mo na simula pagkabata, hindi pwedeng hindi ako magpunta!” halos naghihisteryang reklamo ng nag-iisa niyang anak na si Jackie.

“Jackie, ‘wag mo nang ipilit. Akala mo ba hindi ko alam kung anong mayroon doon? Alak at mga lalaki. Masyado ka pang bata. Baka mapahamak ka roon!” nandidilat ang matang tugon ni Anabelle sa anak.

Tila hindi ito makapaniwala sa narinig sa kaniya.

“Mama, ano pong sinasabi niyo na bata pa ako? Nakalimutan niyo na po ba na nag-18 na ako noong nakaraang buwan? Mama, dalaga na po ako!” Halos magpapadyak ito sa sobrang inis.

“Isa pa, si Elise po ‘yun, Mama. Kilalang-kilala niyo po siya. Pababayaan ba ako nun?” pangungumbinsi pa nito.

Para matigil na ito ay sinabi niya na pag-iisipan niya kung papasamahin niya ito. Tila nakuntento naman ito sa naging sagot niya.

“Kailan ba ‘yan? Saan gaganapin?” usisa niya.

Sinabi nito ang pangalan ng hotel, at mas lalo siyang nakumbinsi na hindi niya nga ito papayagan.

Pakiramdam niya ay binigyan siya ng babala ng tadhana. Bakit? Dahil iyon din ang hotel kung saan siya nalasing, nakalimot, at naging dahilan para maaga niyang ipagbuntis si Jackie!

At hindi siya papayag na mangyari rin iyon sa anak niya.

Ilang araw bago ang pinakahihintay na araw ni Jackie ay nagsimula na itong umungot, nagtatanong kung pumapayag na siya na pasamahin ito.

Subalit pinal na ang desisyon niya. “Hindi, Jackie. Hindi ka sasama.”

Nakita niya ang labis na pagkadismaya sa maganda nitong mukha. May iilang butil ng luha na tumulo mula sa mga mata nito ngunit naging matigas siya.

Alam niya kasi na wala namang ibang magpoprotekta sa kaniyang anak kundi siya na ina nito.

“Mama, hindi na po ba talaga magbabago ang isip mo?” umiiyak na tanong nito.

Isang iling lamang ang naging sagot niya.

Sa gabi ng debut ni Elise ay nasakto naman na kailangan niyang dumalo sa kaarawan ng malapit niyang kaibigan.

“Anak, birthday ni Tita Diane mo. Sumama ka sa akin, para malibang ka naman,” yaya niya sa anak.

Matamlay lamang itong umiling bago nagtalukbong ng kumot. Masama pa rin kasi ang loob nito sa hindi niya pagpayag na dumalo ito sa party ng matalik nitong kaibigan.

Napailing siya. Alam niya na tatakas ang anak kung hindi niya ito isasama. Subalit hindi naman niya maaaring hindi siputin ang kaibigan na matagal niya nang hindi nakikita.

Alam niya na magagalit si Jackie sa gagawin niya, ngunit pinal na ang desisyon niya. Nilagyan niya ng lock ang bahay mula sa labas para masiguro na hindi ito makakalabas.

Matapos masiguro na ayos na ang lahat ay kampante siyang tumungo sa bahay ng kaniyang kaibigan.

Habang nasa biyahe, sa hindi niya malamang kadahilanan ay malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Ngunit inignora niya iyon, sa pag-aakala na dahil lamang iyon makakaharap niya ang ilan sa mga kaibigan niya na matagal niya nang hindi nakikita.

Subalit nasa kalagitnaan na siya ng party, hindi pa rin maalis ang kaba sa kaniyang dibdib. Balisa siya at hindi mapakali.

Dahil doon ay naisip niyang tawagan ang naiwang anak sa bahay. Ngunit dumoble lamang ang kaba niya nang hindi niya ito ma-kontak.

Pakiramdam niya ay may mali, ngunit hindi niya lubos na matukoy kung ano.

Dahil doon ay maaga rin siyang nagpaalam sa kaibigan upang umuwi at siguraduhing ligtas ang kaniyang anak.

Subalit malayo pa siya ay nakikita niya na ang malaking apoy na naglalabas ng makapal na usok. Halos paliparin niya ang sasakyan dahil alam niya kung saan iyon banda – sa lugar kung saan nakatirik ang bahay nila.

Nang makarating siya roon ay nakita niya na nasa limang bahay na ang natutupok ng apoy, kasama ang bahay nila.

Walang patid ang pagluha niya habang mahigpit na nakakapit sa kaniya ang dalawang bumbero na pawang pumipigil sa kaniya na sumugod sa nagliliyab na bahay.

“Nasa loob ang anak ko! Wala siyang kasama! Kailangan ko siyang iligtas!” naghihisteryang sigaw niya.

“Kailangan ho nating sundin ang protocol, Ma’am. Hindi ho kami pwedeng magpapasok ng sibilyan dahil lubhang mapanganib.”

Para siyang mababaliw habang minamasdan ang bahay niya na nilalamon ng apoy. Sa isang tingin pa lang ay alam niyang imposibleng makaligtas ang sinumang nasa loob noon.

Tulala siya sa isang tabi nang isang pamilyar na boses ang narinig niya. Ang boses ni Jackie.

“Mama! Mama!”

Iyon ang huling narinig niya bago siya tuluyang mawalan ng malay.

Nang magising siya ay sa ospital ay umaga na. Awtomatikong tumulo ang luha niya nang maalala ang nangyari noong nagdaang gabi. Hindi niya alam kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan.

Isang pulis ang pumasok. “Ma’am, gising na po pala kayo. Ang anak niyo po–”

Tinakpan niya ang sariling tainga dahil hindi niya kayang marinig ang sasabihin nito.

“Hindi! Buhay pa anak ko! Hindi pa siya pat*y!” sigaw niya.

Nang tumingin siya sa pulis ay maang itong nakatitig sa kaniya. Kita niya sa mata nito ang labis na pagkalito.

“Misis, hindi ho namat*y ang anak niyo. Wala ho kaming nakitang katawan sa loob ng bahay niyo,” kunot noong pagbabalita nito.

Noon bumukas ang pinto. Mula roon ay pumasok ang isang taong inakala niya na hindi niya pa makikita pa. Si Jackie.

Sa likod nito ay nakatayo si Elise, at ang mga magulang nito.

“Anak, Jackie!” lumuluhang niyakap niya ang anak. Buhay na buhay ito!

Saka lang niya nalaman ang buong istorya nang magkwento ang mga magulang ni Elise.

“Anabelle, pasensya ka na ha. Alam mo naman na magkadikit ang bituka nitong mga anak natin, hindi ba? Hindi raw itutuloy ni Elise ang party na wala si Jackie, kaya personal kaming nagtungo sa bahay niyo para sunduin ang bata at ipagpaalam na rin. Ang kaso ay wala ka at may lock sa labas, kaya sinira namin. Pasensya na talaga!”

Marahas siyang umiling sa mag-asawa.

“Mabuti, mabuti ang ginawa niyo. Diyos ko, ni hindi ko kayang isipin ang mangyayari sa anak ko kung sakaling hindi kayo dumating!” Isipin pa lang niya ay tila sumasakit na ang dibdib niya.

Nilingon niya si Jackie. Mataman lamang itong nakatitig sa kaniya.

“Sorry, anak. Sa sobrang pagnanais ko na maprotektahan ka, ako pa ang nagtulak sa’yo sa kapahamakan,” aniya habang hinahaplos ang buhok ng anak.

“Alam ko po na ginagawa mo ‘yun kasi mahal mo ako, at gusto mong mapabuti ako, Mama, Pero gusto ko rin po na pagkatiwalaan niyo ako. Makakaasa po kayo na hindi ako gagawa ng mga bagay na ikakagalit mo, o ng ikapapahamak ko,” malumanay na paliwanag nito.

Niyakap niya nang mahigpit ang anak. Ipinangako niya sa sarili na kailanman ay hindi na siya magiging hadlang sa kaligayahan nito nang dahil lang sa mga pagkakamali niya noon.

Advertisement