Reklamador at Hindi Marunong Magpasalamat ang Ginang; Nanghinayang Tuloy Siya sa Biyayang Hindi Niya Nakuha
Sa katirikan ng araw ay matiyagang pumila si Erin sa tapat ng malaking bahay. Nabalitaan niya kasi na namimigay raw ito ng ayuda para sa mga mahihirap na nakatira sa baranggay nila.
“Ano ba naman ‘yan, ang init-init! Bakit hindi man lang sila nagrenta ng isang lugar kung saan makakasilong ‘yung mga tao!” inis na reklamo niya.
Tinapunan siya ng kakaibang tingin ng mga kapitbahay niya na pawang nakapila ngunit wala siyang pakialam. Inilabas niya lang ang kaniyang mga saloobin.
Makalipas ang ilang oras na pagpila, sa wakas ay malapit na rin siya sa dulo, at mabibigyan na rin siya ng kung anumang pinamimigay doon.
Subalit napakunot noo siya nang iabot sa kaniya ang naka-plastik na bigas at iilang de-lata.
Hindi niya na napigilan ang kaniyang bibig.
“Ano? Sa hinaba-haba ng pinila ko, ito lang ang makukuha ko, kakarampot? Ano ba naman ‘yan, sana hindi na lang kayo nagbigay!” talak niya sa lalaking nag-abot sa kaniya nang supot.
“‘Yan lang ho kasi ang kayang ibigay. Siguro po mas maganda kung magpasalamat na lang–”
“Anong magpasalamat? Sa haba ng oras na pinila ko, kung nanahi na lang ako, baka mas malaki pa ang kinita ko at mas marami pa rito ang nabili ng pera ko!” inis na putol niya sa anumang sasabihin nito.
Marahil para matapos na ang usapin at para rin manahimik na siya ay isa pang supot ng bigas at de-lata ang inabot sa kaniya ng lalaki.
Hindi na siya nagsalita at nagdadabog na umalis na papalayo ng lugar na iyon.
Naiinis pa rin siya sa nangyari. Bakit ba kasi may mga tao na magbibigay lang din naman, hindi pa sagad-sagarin?
Nang sumunod na buwan ay nabalitaan niya na muling mamimigay ng ayuda ang may-ari ng malaking bahay.
Ngunit sa pagkakataong iyon, may isang babae at lalaki na umiikot para maglista ng pangalan ng mga residente na nais mabahaginan.
Nang makita niya ang dalawa ang tinaasan niya ng kilay ang mga ito.
“Magpapalista-lista pa sila, napakakonti naman ng pinapamigay nila! Ang laki-laki ng bahay nila, hindi sila makapamigay sa mga mahihirap. Kanila na ‘yang tatlong kilong bigas at de-lata na ‘yan!” inis na litanya niya.
“Ano ka ba naman, Erin. Mahiya ka naman sa nagbibigay. Maliit o malaking tulong man, tulong pa rin ‘yan na dapat pasalamatan!” puna ng kapitbahay niyang si Pina.
Inirapan niya lang ang kapitbahay bago pumasok sa loob ng bahay niya.
Nang dumating ang araw ng pamimigay ng ayuda mula sa malaking bahay ay napaismid siya. Para sa kakaunting pagkain kasi ay ang haba-haba ng paghihintay na gagawin ng mga tao.
Ngunit nang isa-isa nang nag-uuwian ang mga kapitbahay ay nawindang siya sa nakita. Bawat isa ay may bitbit na isang sakong bigas at isang malaking kahon. Base sa narinig niyang pag-uusap ay iba’t ibang pagkain din daw ang laman noon!
Mabilis pa sa alas kwatrong sumugod si Erin sa pila. Hindi alintana ang mainit na araw, matiyaga siyang naghintay na mabigyan.
Matapos ang ilang oras ay kaharap niya na ang pamilyar na lalaki at babae. Siya na ang huling-huling tao roon.
Ngunit ganoon na lamang ang labis na panghihinayang niya sa sinabi ng lalaki.
“Hindi ho namin kayo mabibigyan dahil wala naman ang pangalan niyo sa listahan. Sakto lang ang inihanda namin, kaya ho nagpalista ang amo namin ng mga pangalan na karapat-dapat bigyan,” paliwanag na lalaki.
“Kung gusto niyo ho ay ililista na namin kayo para sa susunod na buwan,” alok ng babae.
Isang naiinis na tingin ang ipinukol niya sa babae.
“Sa susunod na buwan? Isang buwan pa ang hihintayin ko para makakuha ulit? Nagbibiro ka ba?” iritableng tugon niya sa babae.
Sasagot pa sana ito nang isang matigas na boses ang marinig niya mula sa isang matandang lalaki na kadarating lamang. Kabababa lamang nito mula sa isang mamahaling sasakyan kaya hindi naging mahirap para sa kaniya na mapagtanto na ito ang nagmamay-ari ng malaking bahay.
“Ano’ng nangyayari rito?” usisa nito.
Ikinwento niya rito ang nangyari. Habang nagkukwento siya ay napansin niya na titig na titig ang matanda sa kaniya.
Napangisi siya. Bakit parang natipuhan pa yata siya nito?
Nang matapos siyang magkwento ay nagsalita ito. “Kilala kita. Nakita na kita noong isang buwan. Ikaw ‘yung nag-eskandalo matapos kang bigyan ng mga tauhan ko. Hindi ba?” nakasimangot na tanong nito.
Naumid ang dila ni Erin. Hindi niya alam ang isasagot kaya tumango na lamang siya. Hindi niya alam na nakita pala nito ang ginawa niya noon!
“Umalis ka na. Wala kang mapapala rito. Ang tulong na ibinibigay ko sa mga residente ay nakareserba lang para sa mga nangangailangan. Pero base sa nakita ko noon at sa kwento mo ngayon, may mga taong higit na nararapat na mabigyan ng tulong,” mahabang pahayag nito.
“‘Yung mga marunong magpasalamat,” patutsada pa ng lalaki.
Napahilamos si Erin sa kaniyang mukha sa sobrang pagkapahiya. Lalo na nang marinig niya na inutusan nito ang mga tauhan na kailanman ay ‘wag na siyang isama sa listahan.
Labis ang panghihinayang ni Erin. Tila nagising siya dahil sa pangaral ng matanda. Tama ito, ang tanging katanggap-tanggap na sagot lamang sa tulong, malaki man o maliit, ay pasasalamat. Hindi pangungutya at pang-iinsulto, o pagrereklamo.
Dahil ang sinumang hindi marunong magpasalamat sa biyaya ay hindi makakatanggap nito!