Isang Bata ang Makikitang Nagtitinda ng Ice Candy sa Ilalim ng Tirik na Tirik na Araw; Marami ang Naantig sa Istorya Niya
Saglit na sumilong ang batang si Onyok nang makakita siya ng isang malaking puno ng mangga. Mag-iisang oras na rin kasi siyang naglalako ng tinda niyang ice candy at tagaktak na ang pawis niya.
“Naku, kailangan ko nang makaubos bago pa matunaw ang mga paninda ko,” problemadong himutok niya.
Nabuhayan siya ng loob ng makita ang isang grupo ng kababaihan na nagkukwentuhan. Kilala niya ang isa sa mga iyon, dahil isa ito sa mga suki niya.
Dali-dali siyang lumapit sa mga ito.
“Aling Cora!” masiglang tawag niya sa isang babae.
Gulat itong napalingon sa kaniya bago malawak na ngumiti.
“Uy, Onyok! May tinda ka ba?” magiliw na tanong ng ginang.
Tumango siya bago binuksan ang hawak niyang lalagyan. “Meron po, marami pa nga po eh! Paborito niyo po ito, buko,” aniya sa babae bago ito inabutan ng isang piraso ng ice candy.
Nagliwanag ang mata ng ginang. “Naku, paborito ko nga ito!”
Bumaling ito sa mga kasama. “Mga mare, bili na kayo! Masarap ang tinda ni Onyok. Murang-mura pa, limang piso lang!” anito sa mga kumare.
Walang pag-aatubiling um-oo naman ang mga ito at kumuha ng tag-iisa.
“Uy, oo nga! Masarap ang ice candy!” natutuwang komento ng isang ale.
“Oo, alam mo ba na inaangkat pa ‘yan ni Onyok mula sa bayan. Wala kasi silang sariling ref. Kaya tulungan natin na maubos!” pagbibida naman ni Aling Cora.
“Naku, napakasipag mo naman pala, Onyok! Ilang taon ka na ba, hijo?” tanong ng isang pang ginang.
“Sampung taon po,” magalang na sagot niya.
Nanlaki ang mata nito. “Sampu? Kaedad mo lang ang bunso ko! Bakit ka nagtatrabaho?” tila takang-takang tanong nito.
“Kakapanganak lang kasi ng nanay niyan, hindi pa nakakapagtrabaho. Nagtatrabaho siya para makatulong sa pambili ng gatas ng kapatid niya,” paliwanag ni Aling Cora.
“Nasaan ang tatay?” muling tanong ng babae.
“Wala pong nakakaalam kung nasaan si Tatay. Bigla na lang po niya kaming iniwan nung nabuntis si Nanay,” turan niya.
Marahil ay naawa sa kaniya ang mga babae kaya naman pinakyaw ng mga ito ang tinda niyang ice candy.
Nagsabi pa ang mga ito na araw-araw sila bibili ng tinda niya.
Isang nagpapasalamat na ngiti ang ipinukol ni Onyok sa mabait na si Aling Cora. Masayang naglakad si Onyok palayo sa mga mababait na ginang.
Nang mga sumunod na araw ay mas naging madali para sa kaniya ang pagpapaubos ng tinda niya. Mas marami na kasi ang bumibili sa kaniya. Napag-alaman niya na dahil pala iyon hinikayat ng mga mababait na ginang na bumili sa kaniya ang mga residente.
Kinailangan niya pa ngang damihan ang mga inaangkat niya dahil marami pa rin ang nagnanais na bumili kahit na ubos na ang tinda niya.
Bumili na rin siya ng mas malaking lalagyan para magkasya ang lahat ng tinda niya. Higit itong mabigat at masakit sa balikat dalhin ngunit malaki ang pasasalamat ni Onyok dahil mas malaki ang kinikita niya.
Isang tanghali, bitbit ang paninda niya ay muli siyang napadaan sa grupo ng kababaihan na kasama si Aling Cora.
Masigla siyang naglakad palapit sa mga ito. Agad napuna ng mga ito na mas malaki na ang bitbit niyang lalagyan.
“Hindi ba’t mas mabigat ‘yan? Kaya mo pa ba ‘yan, Onyok?” nag-aalalang tanong ng babaeng nakilala niya na si Aling Mercy.
Isang matamis na ngiti ang isinukli niya sa mabait na ginang.
“Oo naman po, Aling Mercy. Konting sakit ng balikat lang naman po ito. Mas malaki na ngayon ang kinikita ko kaya maraming salamat sa inyong lahat. Dahil po sa inyo ang lahat ng ito,” sinserong pasasalamat niya sa mga ito.
“Bilang pasasalamat po ay ililibre ko kayo ng ice candy!” malawak ang ngiting pahayag niya.
Natawa naman ang mga ito, kapagkuwa’y nagpasalamat. Pinilit pa nilang magbayad ngunit naging matigas ang pagtanggi ni Onyok.
“Hindi na po. Tinuruan po ako ng nanay ko na magbahagi ng biyaya. Mas malaki na po ang kita ko, at nais ko po itong ibahagi sa inyong mga suki ko,” paliwanag niya.
Naiwang tulala at puno ng paghanga ang mga ginang. Naisip nila na talaga namang napakapalad ng ina ng Onyok dahil sa pagkakaroon nito ng napakabuting anak. Dahil doon ay isang sorpresa ang naisip nilang ihandog sa mabait na bata.
Kinabukasan ay araw ng Linggo, pahinga ni Onyok. Kasalukuyan siyang kumakain ng tanghalian kasama ang kaniyang ina nang gulantangin sila ng malalakas na katok.
Nabungaran ni Onyok ang nakangiting mukha ni Aling Cora. Sa likod nito ang ang grupo ng mababait na ginang na nakilala niya na rin sa paglipas ng mga araw.
“Bibili po ba kayo ng ice candy? Pasensya na po, bukas na po kasi ulit ako magtitinda,” nagkakamot ng ulong bulalas ni Onyok.
Umiling ang babae. “Naku, hindi. Alam namin na pahinga mo ngayong araw. Pero may sorpresa kami sa’yo,” nakangiting wika ni Aling Cora.
Nakita niya na binuhat ng dalawang lalaki palapit sa bahay nila ang isang malaking kahon.
Nang makita niya ang nakasulat sa labas ng kahon ay nanlaki ang mata niya.
“Sa akin na po ito? Pero bakit po?” gulat na tanong niya.
“Bumili kami ng ref para sa iyo at sa pamilya mo, para hindi ka na pabalik-balik sa bayan, hijo. Pwede kang magpatulong sa nanay mo para kayo na mismo ang gumawa at mas malaki ang kita. Dito ka na lang magtinda sa bahay niyo para hindi ka na naglalakad sa tirik na tirik na araw,” paliwanag ni Aling Mercy.
Narinig niya ang tinig ng kaniyang ina mula sa likod.
“Naku, napakabait niyo naman po! Maraming salamat po!” nasorpresang bulalas ng nanay niya.
Ngumiti si Aling Cora. “Mas lalo naman hong mabait ang anak niyo, misis. Napakaganda ho ng pagpapalaki niyo kay Onyok. Napakabuting bata,” komento ni Aling Cora.
Ang batang si Onyok ay napaluha sa sobrang saya. Hindi niya inaasahan ang magandang regalo na iyon!
Nagulat siya sa sumunod na sinabi ni Aling Cora.
“”Wag kang umiyak, Onyok. Alam mo ba na may isa pa kaming regalo sa’yo? Sigurado na magugustuhan mo ito!”
Mula sa likod ay hinila ni Aling Tinay palapit sa kaniya ang sinasabi ng mga ito na regalo. Isang bagong-bagong bisikleta!
Tuluyan nang napahagulhol sa sobrang saya at pasasalamat si Onyok. Bata pa kasi siya ay pangarap niya nang magkaroon noon! Hindi lang siya mapagbigyan ng kaniyang magulang dahil sa kahirapan.
“Itong bisikleta na ito, pwede mong gamitin sa paglalaro. Onyok, ‘wag mo sanang kalimutan na isa ka pa ring bata na nararapat na maramdaman ang saya ng buhay,” payo ni Aling Tinay.
“Isa kang inspirasyon sa aming lahat. Ipagpatuloy mo ang pagiging mabuti mong anak,” wika ni Aling Cora bago umalis ang mga ito.
Naiwan si Onyok at ang kaniyang ina na masayang-masaya. Malaki ang tulong ng mga natanggap nilang regalo para sa araw-araw nilang buhay!
Napatunayan ni Onyok na tama ang madalas na pangaral ng kaniyang ina. Ang mabait na bata ang siyang pinagpapala!