“Ate, mayroon ka ba riyang isang daang piso? Ibibili ko lang sana ng bigas at sardinas pangkain natin. Hindi pa kasi nakakauwi si mama, eh, umiiyak na si bunso dahil sa gutom,” daing ni Gina sa panganay niyang kapatid nang bahagya na siyang makaramdam ng gutom at hirap na sa pag-aalaga ng ngumangalngal nilang kapatid.
“Wala akong pera, Gina, tumigil ka kakahingi sa akin!” sigaw ni Claire sa kapatid habang panay ang pagpipindot sa bagong bili niyang selpon.
“May napangbili ka nga ng bagong selpon, ate, eh, tapos pangbili ng pagkain natin, wala ka?” tanong nito na ikinagulat niya.
“Aba, kinukwestiyon mo pa ako ngayon? Hoy, para sabihin ko sa’yong bata ka, pera ko ‘to kaya wala kang karapatang pagsabihan ako! Tandaan mo, pabigat ka lang sa bahay na ito!” sigaw niya rito saka niya ito bahagyang sinipa sa hita dahilan para magalit ito.
“May trabaho ka nga, ate, hindi ka naman tumutulong kila mama at puro sarili mo ang iniisip mo kaya pabigat ka rin sa bahay na ito! Ni hindi mo nga naaalagaan si bunso tuwing namamasada si mama, ang lakas ng loob mong pagsalitaan ako!” tugon nito saka siya nilayasan.
“Aba, sumosobra ka na, ha!” habol niya pa saka niya ito binato ng nahablot na baso.
“Lalo ka na!” sagot nito sa binalik sa kaniya ang naturang baso.
Basta pangluho ay mayroong pera ang dalagang si Claire, ngunit kapag humihingi na sa kaniya ang kaniyang kapatid o ina pangbili ng kanilang makakain sa tuwing walang kita sa pamamasada, panay ang tanggi niya at nagbibitaw pa nang masasakit na salita.
May pagkakataon pang magrereklamo siya sa sardinas at kaunting kanin na hinahanda ng kaniyang ina kahit na wala naman siyang naiaambag sa kanilang pamilya.
May trabaho man siyang pinagkakakitaan dito, ni hindi siya nagbibigay sa kaniyang ina kahit na singkwenta pesos dahil katwiran niya, siya ang naghirap na kumita ng pera kaya siya lang ang dapat na makinabang dito.
Ito ang dahilan upang sa tuwing sasahod siya, imbis na magbigay ng tulong sa pamilya, bibili siya ng mga pangluho niya at ipagmamamalaki pa ito sa kaniyang buong pamilya.
Nang araw na ‘yon, sa sobrang inis niya sa kapatid at sa labis na pagkarindi sa bunsong kapatid na iyak nang iyak, napagdesisyunan niyang magtungo na lang sa bahay ng kaniyang nobyo at doon siya labis na naglabas ng sama ng loob dahil sa pagtatalo nila ng kaniyang kapatid.
“Bakit ba kasi ayaw mong mabigay? Isang daang piso lang pala ‘yong hinihingi, eh. Nilayasan mo pa sila, kanino na lang sila lalapit? May pera ka naman, eh,” sambit ng nobyo niya na ikinabigla niya.
“Huwag mong sabihing kinakampihan mo pa ‘yon?” inis niyang tanong.
“Wala akong kinakampihan, Claire. Ang akin lang, kung may pera ka naman, magbigay ka sa kanila, pamilya mo ‘yon, eh, ikaw lang naman ang inaasahan nila,” paliwanag nito sa kaniya. “Pinaghihirapan ko ang perang mayroon ako!” giit niya.
“Pinaghihirapan din naman ng nanay mo ang perang ipinambibili ng pagkain niyo, pangbayad sa kuryente niyo, pangbayad sa tubig niyo, hindi ba? Nagdamot ba siya sa inyo?” wika nito dahilan para mag-isip siya.
“Hi-hindi,” uutal-utal niyang sagot.
“Kasi nga, anak niya kayo. Pamilya kayo, Claire, magdamot ka na sa iba, huwag lang sa pamilya mo. Kasi kung gan’yan ang ugali mo sa pamilya mo, pakiramdam ko, hindi na natin dapat ituloy ‘yong relasyon natin. Baka kapag nagkapamilya na tayo, pagdamutan mo rin kami ng anak mo,” sambit pa nito na talagang ikinabukas ng isip niya sa maling ginagawa niya, “Ano pang hinihintay mo? Halika na, bumili tayo ng makakain ng mga kapatid mo. Tiyak, wala pang kita ang nanay mo ngayon,” yaya pa nito dahilan para agad na siyang kumilos.
Bumili siya ng biling lutong ulam at kanin saka agad na umuwi sa kanilang bahay. Naabutan niyang namimilipit na sa gutom ang kapatid niyang babae habang panay pa rin ang iyak ng bunso nilang kapatid kaya agad niyang hinanda ang nabiling pagkain at agad na pinakain ang mga ito.
At doon lamang siya naramdaman ng labis na saya habang pinagmamasdan ganadong kumakain ang kaniyang mga kapatid. “Sa pamilya, hindi dapat kayo nagbibilangan ng pera, mga masasayang alaala at pagtutulungan ang dapat na binibilang niyo,” pangaral pa ng nobyo niya na labis niyang ikinapasalamat.
Simula noon, nagtrabaho na siya hindi lang para sa kaniyang sarili kung hindi pati na rin para sa kaniyang pamilya. Sa ganoong paraan, nakatulong na siya sa kaniyang inang namamasada lamang, natutugunan niya pa ang gutom sa tiyan ng kaniyang mga kapatid.