Hindi raw Magtatagumpay ang Dalagang Ito dahil sa Kasalanan Noon ng Kaniyang Ama, Pinatunayan Niyang Mali ang Kaniyang Tiya
“Jennie, saan ka na naman magpupunta, ha? Hindi ba’t ang sabi ko sa’yo tumulong ka rito sa akin sa pagtitinda? Kahit kailan talaga, napakatamad mo!” galit na sambit ni Tesang sa pamangkin, isang umaga nang makita niya itong nagsusuot na ng sapatos.
“Papasok po ako sa paaralan, tita. Lunes po ngayon at marami po akong dapat na daluhang klase. Pasensya na po kung hindi po ako makakatulong sa pagtitinda,” magalang na tugon ni Jessie habang pilit na pinaiintindi sa tiyahing kailangan niyang pumasok.
“Alam mo, ikaw, nagsasayang ka lang ng oras, pera, at pagod sa ginagawa mo! Kung nagtitinda ka na lang dito, makakatulong ka pa sa akin bilang kapalit ng mga pinapalamon ko sa’yo!” sumbat pa nito na ikinabuntong-hininga niya.
“Tita, sabi ko naman po sa inyo, kapag nakapagtapos po ako ng pag-aaral at naging matagumpay sa buhay, kayo po ang uunahin kong tulungan,” wika niya na ikinatawa nito.
“Nagpapatawa ka ba? Asa ka! Kr*minal ang tatay mo, baka nakakalimutan mo, kaya malamang, kung hindi ka magiging krim*nal katulad niya, maghihirap ka lalo sa buhay! Ikaw ang sasalo ng lahat ng karma niya!” patawa-tawa nitong wika dahilan para siya’y mapatungo na lang at agad na umalis. Habulin man siya nito at pagbantaang hindi pauuwiin, nagdesisyon pa rin siyang pumasok sa paaralan.
Nakakabit na sa pagkatao ng dalagang si Jennie ang ginawang kamalian ng ama niyang ngayo’y mag-iisang dekada na sa kulungan. Dahil sa ginawa nitong kasalanan, nagawa rin siyang iwan ng kaniyang ina sa tiyahin niya na halos araw-araw siyang minamaliit at pinagtatawanan sa tuwing pinapangako niyang siya’y magtatagumpay.
Minsan, kahit napakadaming taong namimili sa talipapang tinayo nito sa labas ng tinitirhan nilang bahay, walang habas siya nitong pagagalitan at kung minsan pa, ikinukwento sa mga mamimili ang ginawa ng kaniyang ama na hindi raw malayong gawin niya rin sa hinaharap na talagang nakapagpapaluha sa kaniya.
Alam niya kasing pinagtanggol lang ng kaniyang ama ang sarili kaya nito nagawang tapusin ang buhay ng kanilang kapitan. Nasaksihan niya ang pangyayaring iyon ngunit kahit na may mga ebidensya at ibang saksi, ama niya pa rin ang nakulong dahil nga wala silang pera at binayaran pa ng pamilya ng kapitan ang ilan pang mga saksi.
Simula pa lang noon, nagkaloko-loko na ang buhay niya kaya ipinangako niya sa ama na kahit anong mangyari, mag-aaral siyang mabuti upamg mailalabas niya ito sa kulungan.
Kahit na araw-araw man siyang pagbawalan pumasok at kutyain ng tiyahin niya, hindi niya ito pinakikinggan at binibigay niya ang buong atensyon niya sa pag-aaral. May mga araw man na madaling araw na siyang nakatutulog dahil sa pagtulong niya sa pagtitinda, hindi niya ito iniinda dahil alam niyang may kahihinatnan ang lahat ng paghihirap niyang ito.
Hanggang sa dumating na nga ang pinakahihintay niyang araw, tuluyan na siyang nakapagtapos ng pag-aaral at dahil nga sa kagalingan niya at taas ng gradong mayroon siya, siya’y pinag-agawan ng mga kumpanyang malapit sa kanilang paaralan na labis niyang ikinatuwa.
At dahil nga may pangako siya sa kaniyang ama na nangangailangan ng malaking halaga ng pera para ito ay makalaya, pinili niya ang pinakamayamang kumpanya at siya’y naging sekretarya ng may-ari no’n.
Naging malapit ang loob niya sa amo niyang ito dahilan para makwento niya rito ang pinagdaanan nila ng kaniyang ama.
“Talaga bang inosente ang ama mo?” paninigurado nito.
“Opo, pinagtanggol niya lang po ang sarili niya,” mangiyakngiyak niyang sambit at laking gulat niya nang agad itong tumawag ng kilalang abogado upang pag-aralan ang kaso ng tatay niya.
Tinuloy-tuloy ng amo niyang ito ang pagtulong sa kanila ng ama niya hanggang sa naglabasan ang mga saksi, ebidensya, at iba pang makapagpapatunay na inosente ang tatay niya.
Dito na tuluyang nakalaya ang tatay niya na labis niyang ikinatuwa. Walang sawa siyang nagpasalamat sa amo niyang ito na masayang-masaya para sa kaniya.
“Totoong mahirap maging mahirap, kahit inosente ka, ikukulong ka nila,” iiling-iling nitong sambit saka kinasuhan lahat ng tao sa likod nang pagpapakulong sa ama niya.
Tuluyan nang gumaan ang buhay niya noon. Nagawa na niyang bumili ng bahay para sa kanila ng kaniyang ama, nakapag-ipon, at nakapagpatayo ng tindahan upang kawilihan ng kaniyang ama. Katulad ng pangako niya sa tiyahin, inabutan niya rin ito ng tulong na labis nitong ikinabigla.
“Totoo ba ‘to? Matagumpay ka na at nagawa mong palayain ang tatay mo?” pagtataka nito.
“Sabi ko naman po sa inyo, magsusumikap ako. Salamat po sa pagtulong sa akin no’n,” tangi niyang wika saka agad nang lumisan sa lugar na iyon.
Ngayon ay ilalaan niya ang kaniyang oras at lakas sa pagbawi sa mga panahong hindi niya nakasama ang kaniyang ama.