Pinuslit ng Binatang ito ang Motor ng Kaibigan, Isang Aksidente ang Nagpaiyak sa Kaniya nang Labis
“Zeo, paganda na nang paganda ‘yang motor, ha? Parang kailan lang, pang kalakal lang ‘yan!” bati ni Renzo sa kaniyang kababata, isang umaga nang makita niya itong naglilinis ng motor sa kanilang eskinita.
“Oo nga, eh, dito ko kasi binubuhos lahat ng sahod ko. Alam mo naman, pangpaakit ng chiks ‘yan!” biro nito saka siya kinindatan dahilan upang siya’y mapatawa.
“Alam ko ‘yon! Kaya nga tiniyempuhan kita ngayon, para hiramin ‘yan, pupwede ba? Susunduin ko kasi ang nobya ko sa Maynila. Gusto ko sanang ipasyal sa Tagaytay pagkasundo ko sa kaniya. Papahiramin mo naman ako, hindi ba?” tanong niya pa rito habang sinisipat ang ganda ng motor na nasa harapan niya.
“Naku, ‘tol, pasensiya ka na, ha? Hindi ko na pinapahiram ‘to, eh,” sagot nito habang nakamot ng ulo, dahilan upang mapakunot ang noo niya.
“Hanep, parang dumamot ka na, ha?” sambit niya rito.
“Hindi naman sa ganoon, tol, bukod kasi sa alam kong kaskasero ka, kaya mo nga nasira ‘yong dating motor ko, wala ka pang lisensya. Mahirap na, ‘tol, pinag-ipunan ko talaga ‘to,” paliwanag nito na labis niyang ikinagalit.
“Naku, ewan ko sa’yo, isaksak mo ‘yan sa baga mo. Umayos lang nang kaunti ang buhay mo, nagdamot ka na agad!” bulyaw niya rito saka bahagyang sinipa ang timbang pinaglalagyan ng tubig panlinis ng naturang motor.
Bata pa lang si Renzo, nahumaling na siya sa iba’t ibang klase ng motorsiklo. Sa katunayan, sa sobrang hilig niya rito, pati kaniyang mga kaibigan, kaniya na niyang nainpluwensyahan.
Pero dahil nga siya ang pinakakapos sa kanilang magkakaibigan, hanggang ngayong bente kwatro anyos na siya, wala pa rin siyang sariling motor. Madalas lang siyang manghiram ng motor sa kaniyang mga kaibigan, lalo na sa kaniyang kababatang si Zeo.
Makailang ulit man siyang masangkot sa aksidente, ilang tahi man ang palagi niyang nakakamit sa mga pangyayaring ito, wala pa ring siyang tinag sa paggamit ng motor.
Makailang ulit man siyang pagsabihan ng kaniyang mga kaanak at magulang na huwag masyadong kaskasero, hindi niya pa rin iniintindi ang mga ito at pinapatakbo pa rin ang motorsiklong hinihiram niya na para bang siya ang hari ng kalsada.
Kahit pa ganoon, malaki ang tiwala sa kaniya ng kababata niyang iyon dahilan upang kahit bagong motor nito, pinahiram nito sa kaniya. Ngunit tila nadala itong pahiramin siya nang minsan niya itong masira dahil sa isang aksidenteng nakapagpabasag sa kaniyang bungo.
Noong araw na ‘yon, labis siyang nainis at nagtampo sa naturang kababata. Sinubukan man niyang manghiram sa iba pa niyang kaibigan, ayaw na rin siyang pahiramin ng mga ito.
Kaya naman, nakaisip siya ng isang paraan upang matuloy pa rin ang pagsundo niya sa kaniyang nobya.
Kinagabihan, nang masigurado niyang tulog na ang kaniyang kaibigan, agad niyang kinuha ang motor nitong nakaparada lang sa kanilang eskinita.
Nang siya’y makalayo na, tinusok-tusok niya ito nang alambre bilang susi upang bumukas ang makina at dahil nga gawain niya ito sa ibang motorsiklong hinihiram niya tuwing nawawala niya ang susi, napagana niya ito.
“Pasensya na, ‘tol, ibabalik ko naman!” patawa-tawang niyang sambit saka hinarurot ang motorsiklo ng kaibigan.
Matagumpay niya ngang nasundo ang kaniyang nobya. Hangang-hanga ito sa ganda ng motor na dala niya dahilan upang labis siyang matuwa at lalo pa itong ibida.
Ngunit nang sila’y papunta na sa Tagaytay, bigla siyang nagpasikat sa angkas na dalaga. Hinarurot niya ang dalang motorsiklo upang mapayakap ang dalaga sa kaniya, sinipat niya ang reaksyon nito mula sa salamin ng motorsiklo ngunit bago pa siya muling mapatingin sa kalsada, mayroon nang malaking trak ang nasa kanilang harapan at ang huling nakita niya, ang duguang dalagang naipit pa ng naturang trak.
Nagising na lang siyang nasa ospital na, nakatungo sa kaniyang paanan ang kaniyang ina pati na ang kaibigan niyang si Zeo.
“‘To-tol, pasensiya na, ha?” bungad niya rito dahilan upang mapatingin ito sa kaniya, “Nasaan ang nobya ko, mama?” tanong niya sa ina, umiling-iling lang ito habang nakatungo kaya agad siyang nagtaka.
Kahit na siya’y bagong opera na naman, pinilit niyang itayo ang sarili upang hanapin ang dalaga dahilan para mataranta ang kaniyang ina at kaibigan.
“Wala na siya, anak, naipitan siya ng trak at kayo’y tinakbuhan ng drayber,” sabi nito na ikinatigil ng mundo niya.
“Mas mahalaga ka, Renzo, kaysa sa motor kaya ayaw ka namin pahiraming lahat upang makaiwas ka sa disgrasya. Nakaligtas ka man ulit, isang buhay ang nawala sa’yo,” nakatungong pangaral ng kaniyang kaibigan na labis niyang ikinaiyak.