Nanligaw Agad ng Iba ang Binatang ito upang Mapagselos ang Dating Nobya, Kabaliktaran ang Nangyari sa Plano Niya
“Pare, totoo ba ‘yong nakita kong post mo sa social media? May bago ka na agad na nililigawan? Hindi ba’t wala pang tatlong buwan noong maghiwalay kayo ni Candies?” nagtatakang tanong ni Proks sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang maabutan niya itong nagkakape sa bahay na kanilang pinamamalagian ngayon.
“Oo, pare, totoo lahat ‘yon. Bakit parang gulat na gulat ka at parang nakagawa ako ng kr*men? Wala namang masama sa ginagawa ko ngayon, ha? Siya ang nang-iwan sa akin, pare, baka nakakalimutan mo,” kumpiyansadong sagot ni Jonas saka pilit na hinigop ang mainit niyang kape.
“Eh, bakit ka ba niya hiniwalayan? Hindi ba’t dahil din naman sa ugali’t bisyo mo? Kung nagpakatino ka, sigurado, hindi ka iiwan noon!” sermon nito sa kaniya.
“O, teka lang, huwag kang magalit sa akin, pare! May sasabihin akong sikreto sa’yo!” sambit niya rito dahilan upang bahagya itong kumalma.
“Ano ‘yon?” tanong nito saka lumapit sa kaniya.
“Nililigawan ko lang ‘yong bagong babae para magselos si Candies at balikan ako. Huwag kang maingay, ha?” sambit niya rito dahilan upang agad itong mapailing at siya’y bahagyang suntikin sa braso.
“Diyos ko, siguro doble karma ang dadating sa’yo! Bahala ka na nga d’yan!” sigaw nito saka siya tuluyang iniwan sa kusina, napahagikgik na lang siya dahil sa reaksyon ng kaniyang kaibigan.
Isa sa mga kilalang babaero at basagulero sa kanilang lugar ang binatang si Jonas. Sa katunayan, noong kabataan niya, walang araw na hindi siya napapabarangay dahil sa mga away na kinasangkutan niya at mga babaeng ginamit niya dahilan upang labis siyang itakwil ng kaniyang mga magulang.
Ito ang dahilan upang siya’y agad na maghanap ng sarili niyang tutuluyan noong siya’y nakapagtrabaho na. Bukod kasi sa ayaw niyang nabubungangaan nang nabubungangaan ng kaniyang ina, ayaw niya rin itong mapahiya sa kanilang barangay sa tuwing siya’y nasasangkot sa gulo. Kaya naman, noong dumating ang isang babae sa buhay niya na talaga nga namang nakapagpatino sa kaniya, ganoon na lang ang saya niya at ng kaniyang mga magulang.
Sa loob ng tatlong taong karelasyon niya ito, ni isang beses, hindi siya nakapagbigay ng sakit sa ulo sa kaniyang mga magulang. Higit pa roon, puro tulong ang naabot niya sa mga ito. Napagawa niya ang kanilang bahay, nabili niya ng selpon pang-online class ang kaniyang kapatid at nasusustentuhan siya ang gamot ng kaniyang mga magulang.
Ngunit, dahil sa pag-uugaling pinakita niya sa nobya nitong mga nakaraang buwan kung saan napadalas ang pagsama niya sa kaniyang mga katrabaho sa inuman at siya’y natulog kasama ang isang babae sa hindi mabilang na pagkakataon, agad siyang hiniwalayan nito nang minsan siyang mahuli nito sa bahay ng kaniyang isang kaibigan.
Sa kagustuhan niyang bumalik ang dating nobya, agad siyang nanligaw ng isa pang babae upang ito’y magselos.
Ngunit tila iba ang nais ng tadhana dahil noong araw na ‘yon, habang inuubos niya ang kaniyang kape, bigla siyang binalikan ng kaibigan niyang si Proks at ipinakita sa kaniya ang post ng dati niyang nobya.
“Te-teka, ikakasal na siya? Nahihibang na ba siya?” gulat na gulat niyang tanong.
“Mukhang magulang na niya ang nagdesisyon, eh, nabasa ko sa post no’ng nanay niya, ayan daw ‘yong gustong-gustong lalaki ni Candies simula pa lang noong mga bata pa sila, napunta lang daw ‘yan sa Canada kaya naputol ‘yong komunikasyon nila. Hindi nga raw lubos akalain ng mga magulang nila na sila pa rin pala hanggang dulo,” kwento ng kaniyang kaibigan na labis niyang ikinagalit.
“Pare, hindi ako papayag nito!” sigaw niya saka tumayo sa kaniyang kinauupuan.
“O, anong gagawin mo? Mag-eeskandalo ka sa harap ng bahay nila Candies? Diyos ko, mag-isip ka nga! Sabi naman sa’yo, mag-isip ka bago ka gumawa ng kalokohan dahil hindi natutulog ang karma!” bulyaw nito sa kaniya habang siya’y pinipigilan dahilan upang siya’y mapaisip at maiyak na lang.
Sinubukan man niyang kausapin ang dating nobya upang makipag-ayos, tila buo na ang loob nitong magpakasal sa ibang lalaki. ‘Ika nito, “Salamat, Jonas, dahil sa’yo napagtanto ko ang halaga ko. Babae ako, hindi babae lang na pupwedeng palitan kapag nagsawa na. Ngayon, natagpuan ko muli ‘yong lalaking simula pagkabata ko, ako lang ang minahal. Pasensiya ka na, hindi na talaga tayo pupwede,” dahilan upang labis siyang malungkot at magalit sa ugaling mayroon siya noon.
Labis man ang pagsisising mayroon siya ngayon, wala siyang magawa kung hindi ang pagmasdan ang mga litrato ng minamahal niyang babae na ikinasal sa ibang lalaki.