Pinaulanan ng Tukso ang Dalaga Dahil sa Pagpapakalbo Niya, Mayroon pala itong Kamangha-manghang Dahilan
“Kalbo! Kalbo! Kalbo, masamang tao!” kanta ni Rene at Iana, tila nagpaparinig sa katrabahong halos mag-iisang linggo nang napasok ng walang buhok sa ulo.
“Hoy, Carmela, parang gustong-gusto mong makuha ang atensyon ng mga lalaki rito, ha? Talagang nagpakalbo ka pa para lang mapansin? Ganyan ka na ba kadesperada?” mataray na sabi ni Rene nang hindi sila pansinin ng katrabahong pinariringgan nila, isang tanghali habang sila’y nanananghalian sa kanilang canteen.
“Naku, hindi na ako nagtataka, ikaw ba naman ang maagawan ng nobyo ng kaibigan mo, hindi ka ba magpapapansin sa ibang lalaki?” sagot ni Iana saka sila sabay na nagtawanan.
“Hindi naman ‘yon ang dahilan ko, kaya tumahimik na kayo. Halos araw-araw niyo na akong ginaganyan, hindi na nakakatuwa,” tugon ni Carmela saka niligpit ang mga ginamit na kubyertos sa pagkain.
“Kami, natutuwa, Carmela! Kaya wala kang magagawa, ginusto mo ‘to, eh, ngayong binibigyan ka ng atensyon, magrereklamo ka?” ika pa ni Rene dahilan upang makaramdam na siya ng galit.
“Hindi ko nga ‘to ginawa para makakuha ng atensyon!” sigaw niya sa mga ito saka na siya nagtangkang umalis sa kinauupuan niya.
“Aba, sumisigaw ka?” sagot ng isa sa dalawa saka hinablot ang braso niya dahilan upang mabasag ang pinakamamahal niyang tubigang bigay ng kaniyang lola. Pupulutin niya pa lang sana ito, agad na siyang sinabunutan ng dalawang katrabaho.
Simple at isang tahimik na empleyado sa isang kumpanya ang dalagang si Carmela. Kahit na siya’y tahimik lamang na nagmamasid at gumagawa ng kaniyang trabaho, isa naman siya sa pinakahinahangaan ng mga nakakataas sa naturang kumpanya dahil sa kalidad ng mga papel na gawa niya at sa sipag na pinapakita niya.
Ngunit dahil sa mga papuri at dagdag sahod na halos buwan-buwang binibigay sa kaniya upang mabayaran ang kaniyang pagtatrabaho, marami sa kaniyang mga katrabaho ang nakakaramdam ng inggit sa kaniya dahilan upang siya’y palaging makaranas ng pangungutiya. Minsan pa, ginagawan pa siya ng tsismis para lamang siya’y mapaalis sa naturang kumpanyang iyon.
Lalo namang umingay sa kanilang kumpanya ang pangalan niya nang minsan siyang ipagpalit ng kaniyang nobyo sa kaibigan niya. Kahit na personal na buhay niya’y nahahalungkat sa kaniyang trabaho dahil sa mga inggiterang empleyado.
Ilang buwan lamang ang lumipas, naging tampok namang usap-usapan ang pagpapakalbo niya ng buhok. Karamihan sa kaniyang katrabaho’y sinasabing siya’y nagpapapansin lang sa mga lalaking empleyado roon habang ang iba nama’y sinasabing siya raw ay sobrang sawi dahilan upang siya’y magpakalbo.
Kahit ano mang marinig niyang balita, tikom pa rin ang kaniyang bibig at tahimik na ginagawa ang kaniyang trabaho. Para kasi sa kaniya, “Hindi ko kailangang linisin ang pangalan ko, isipin na nila ang nais nilang isipin sa akin, basta ang alam ko, tama ang ginagawa ko.”
Noong araw na ‘yon, hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili. Lumaban na siya sa dalawang dalagang iyon nang siya’y pagtulungan na labis na ikinagulat ng mga empleyado roon. Buong akala kasi nila, hindi siya lalaban at magpapaapi lang.
Wala pang ilang minuto, dumating doon ang isa sa pinakamataas sa kanilang kumpanya at agad silang inawat.
“Sumunod kayo sa opisina ko,” tanging sambit nito dahilan upang mataranta silang sumunod dito.
Pagkadating na pagkadating sa ospina nito, agad na nagpaliwanag ang dalawa niyang katrabaho. Ika ng mga ito, siya raw ang nagsimula ng away, napailing na lang siya sa mga kasinungalingang kaniyang naririnig.
“May sasabihin ka ba, Carmela?” tanong nito sa kaniya dahilan upang siya’y magpaliwanag.
Kinuwento niya nang detalyado ang ginawa sa kaniya ng dalawang empleyado. Ngunit nang ikukwento na niya kung paano nabasag ang bigay na tubigan ng kaniyang lola, ro’n na siya napahagulgol.
“Pasensiya na po, sir, alam kong hindi ko kailangang dalhin sa trabaho ang personal kong buhay. Iyong tubigan po na iyon ang huling regalo ng lola ko sa akin bago siya ma-chemo. Sa katunayan po, nagpakalbo ako para damayan siya sa pagsubok na kinakaharap niya. Wala naman po talaga akong balak na labanan sila dahil para po talaga sa lola ko ‘tong pagpapakalbo ko, pero po kasi, nabasag nila ang isa sa pinakamahalagang bagay sa akin ngayon. Pasensya na po,” hikbi niya dahilan upang magulat at makaramdam ng awa ang dalawa niyang katrabaho.
Ora mismo, agad siyang binigyan ng tulong pangpagamot ng lola niya ng naturang nakatataas.
“Hanggang sa matapos ang kalbaryong ito sa buhay niyo ng lola mo, tutulong ang kumpanyang ito gaya nang pagbibigay mo ng dekalidad na trabaho,” sambit nito dahilan upang maiyak na lang siya sa tuwa, habang tungong-tungo dahil sa kahihiyan ang dalawa niyang katrabaho.
Simula noon, wala nang nagtangkang mangmaliit sa kaniya, higit pa roon, dumami ang mga humanga sa pagmamahal na mayroon siya sa kaniyang lola.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan namang gumaling ang kaniyang lola na labis niyang ikinatuwa at ikinapasalamat sa Diyos at sa kumpanyang pinagtatrababuhan niya.