Inday TrendingInday Trending
Pinandidirihan sa Paaralan ang Dalaga; Sinampal Niya ng Tagumpay ang mga Nang-api sa Kaniya

Pinandidirihan sa Paaralan ang Dalaga; Sinampal Niya ng Tagumpay ang mga Nang-api sa Kaniya

“Hi, Jam, totoo ba ‘yong bali-balita rito sa school natin na ro’n ka raw sa dulong bayan nanunuluyan ngayon?” maarteng tanong ni Toni, isang sikat na estudyante sa kanilang paaralan, isang umaga nang makita niyang abala sa pag-aaral ang dalagang si Jam.

“Ah, eh, oo, wala kasi akong sobrang pera pangbayad sa mga mamamahaling condominium malapit dito sa eskwelahan natin katulad niyo,” sagot ni Jam dito saka muling bumalik sa pagbabasa ng libro.

“Oh, my goodness! Nakakadiri ka! Alam mo bang pugad ng mga daga ang lugar na ‘yon? Lumayo-layo ka nga sa akin baka masira ang maganda kong kutis! Sigurado, may galis ka na!” sambit nito sa kaniya dahilan upang makuha nito ang atensyon ng mga tao.

“Naku, wala naman, malinis naman ako sa katawan kahit na ro’n ako nanunuluyan,” depensa niya ngunit lalo pa siyang minaliit nito.

“Sigurado ka ba talaga malinis? Eh, ang balita pa nga, sa banig ka lang daw natutulog! Malamang nagapangan na ‘yon ng daga! Kadiri ka talaga! Dapat hindi ka na rito napasok!” sambit pa nito habang dumuduwal-duwal dahilan upang sila’y pagtinginan at pandirihan pa siya ng ibang mag-aaral na nakarinig ng kanilang pag-uusap.

Iskolar sa isang sikat at mamahaling paaralan ng kolehiyo sa Maynila ang dalagang tubong probinsya na si Jam. Dahil sa kaniyang pagsisikap at talino, ni piso, wala siyang binabayaran sa paaralang ito.

Ang tanging pinagkakagastusan niya lang, ang kaniyang pagkain at tinutuluyang silid na kinukuha niya sa sariling sahod bilang isang serbidora sa isang restawran.

At dahil hindi naman kalakihan ang sahod niya rito, hindi niya magawang mangupahan ng mamahaling panuluyang malapit sa pinapasukan niyang paaralan dahilan upang magtiis siya sa isang silid sa dulong bayan, isang lugar malapit sa dagat at puro dagang bahay.

Ito ang dahilan upang maliit at pandirihan siya maigi ng kapwa niya mag-aaral. Mayayaman kasi ang lahat ng mag-aaral dito. Lahat ay naninirahan sa condominium sa tapat ng kanilang paaralan at naggagandahan ang mga gamit at sasakyang pagmamay-ari.

Ngunit kahit pa paulanan siya ng masasakit na panghuhusga, hindi niya ito inalintana bagkus lalo pa siyang nagsumikap at itinuon ang atensyon sa tagumpay na nais niyang makamtan. Pagpapalakas niya sa sarili, “Ang gipit sa buhay na katulad mo, Jam, ay hindi pupwedeng maging malungkot, ha? Hindi ka dapat nagpapaapekto sa sasabihin ng iba! Dahil nandito ka sa Maynila upang maging isang doktor, hindi para maging kaawa-awang nilalang habang buhay!”

Dahil sa deteminasyong taglay, ilang taon pa ang lumipas, hindi man siya tigilan ng mga nang-aalipusta sa kaniya, matagumpay niya pa ring nasungkit ang pinakamataas na karangalan nang siya’y magtapos sa kolehiyo.

“Anong pandaraya ang ginawa mo, Jam, para makuha ang pinakatamaas na karangalan? Siguro pinakulam mo o ginayuma mo ang mga propesor natin gamit ang dumi ng mga daga, ano?” sambit ni Toni sa kaniya, matapos ang seremonya ng pagtatapos.

“Pag-aaral ko kasi ang binantayan ko, Toni, hindi estado ng buhay ng iba. Ikaw, kumusta ka naman? Bakit hindi mo nagawang sumabay sa patatapos namin?” sarkastikong sabi niya rito dahilan upang manggigil ito sa kaniya.

“Hoy, mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, ha!” sigaw nito.Narinig ng mga nagpapaaral sa kaniya ang pag-uusap na ito dahilan upang labis matuwa ang mga ito sa paninindigang mayroon siya.

Sa sobrang tuwa ng mga nagpapaaral sa kaniya, agad siyang nilakad ng mga ito sa isang ospital at doon muling nag-aral.

Ilang taon pa ang lumipas, dahil sa sobrang pagmamahal niya sa ginagawa’t pangarap niya, matagumpay niya nga itong naabot.

Ang mga kamag-aral niyang nangbababa sa kaniya noon, nabalitaan niyang sumuko na sa pag-aaral. Depensa ng mga ito, “Hindi ko naman kailangang maging doktor, mayaman naman ang pamilya ko!” na para sa kaniya, isang nakakatawang depensa ng mga taong tamad sa buhay.

Doon na niya nasimulang iahon sa kahirapan ang pamilya niyang naghihintay sa probinsya. Kahit na siya’y may naabot na, hindi niya kinalimutang lumingon sa pinanggalingan niya.

Libre niyang ginagamot ang mga nagpaaral sa kaniya noon. Tila mapaglaro nga ang tadhana dahil ilang buwan pa ang lumipas, ang dalagang si Toni na nangmamaliit sa kaniya noon, isa na ngayon sa mga pasiyente niyang nagmamakaawang gamutin niya.

“Pasensiya ka na talaga sa ugali ko dati, Jam, ha? Pagalingin mo lang ako, pangako, imbes na mangmaliit, tutulong na ako sa mga nangangailangan,” sambit nito sa kaniya dahilan upang mapangiti na lang siya at ginawa ang trabaho niya.

Advertisement