Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalagang Ito sa Regalong Halaman ng Ama, May Lihim Palang Nakatago Rito

Nagalit ang Dalagang Ito sa Regalong Halaman ng Ama, May Lihim Palang Nakatago Rito

“Papa, naman eh! Alam mo namang ika-labing walong kaarawan ko na, bakit pasong may halaman lang ang regalo mo sa akin? Aanuhin ko ‘yan?” galit na tanong ni Crisel sa kaniyang ama, isang gabi nang umuwi ito galing trabaho bitbit-bitbit ang regalong halaman para sa kaniya.

“Ah, eh, wala kasi akong maisip na pwedeng iregalo sa’yo, anak, pasensya ka na,” kamot-ulong sagot nito saka inilagay sa harap niya ang naturang regalo na agad niyang inilayo sa kaniya.

“Anong wala, papa? Sinabi ko naman sa iyo na gusto ko ng laptop o kung hindi naman, kamera para sa hilig ko sa photography!” sigaw niya rito.

“Wala kasi akong malaking pera, anak, pangbili ng mga ‘yon, ‘yan lang ang nakayanan ni papa, pasensiya ka na talaga, babawi na lang ako sa susunod na kaarawan mo,” sambit pa nito habang nagsasalin ng tubig sa baso dahilan upang mas lalo siyang magalit.

“Walang pera? Eh, kakasahod mo lang, papa! Ang sabihin mo, ginamit mo na naman sa pangbababae ang pera mo! Hindi na ako nagtataka kung bakit iniwan tayo ni mama!” bulyaw niya rito saka bahagyang sinipa ang dala nitong halaman.

Sa puder ng kaniyang ama naninirahan ang dalagang si Crisel. Nasa elementarya pa lang siya noong maghiwalay ang kaniyang mga magulang at dahil nga ang ama niya lang ang may trabaho noon, minabuti ng kaniyang ina na iwan siya rito kahit lingid sa kagustuhan niya.

At dahil alam niyang ang pagkababaero ng kaniyang ama ang dahilan ng pagkasira ng kanilang pamilya, ganoon na lang ang galit niya rito. Ni isang araw, hindi niya ito napakitaan ng pagmamahal o kahit paggalang.

Sa katunayan pa nga, kahit simpleng pasasalamat sa mga bagay na binibigay nito sa kaniya katulad ng mga gamit sa eskwela, bagong damit, selpon at make-up. Paminsan pa, nagagalit siya rito sa tuwing hindi niya nagugustuhan ang mga binibili nito.

Lalo pang umigting ang galit niya rito dahil ngayong kaarawan niya, ni hindi man lang siya nito napaghandaan. Kahit cake, wala, at ang pinakakinagalit niya, ang halamang regalo nito na hindi naman niya mapapakinabangan.

Noong gabing iyon, agad siyang nagkulong sa kwarto pagkatapos niyang sigaw-sigawan ang ama. Naririnig man niya itong humihikbi, hindi niya ito inintindi dahil sa sobrang pagkainis niya rito.

Hindi niya lubos akalaing ang pag-uusap nilang ‘yon ay ang huling pagkakataon na makikita niya itong may buhay dahil kinabukasan, bago siya pumasok sa paaralan, bandang tanghali, nakatanggap siya ng mensahe mula sa amo nito na ito’y naaksidente habang nasa trabaho at agad na binawian ng buhay.

Sa sobrang pagkagulat niya sa natanggap na balita, napasalampak siya sa kanilang sahig at doon labis na humagulgol.

Ilang oras lang, dumating na sa kanilang bahay ang labi ng kaniyang ama. Nakalagay ito sa kulay tsokolateng kabaong, kagaya ng paborito nitong kulay. Sandamakmak na bulaklak din ang nakapalibot dito dahilan upang lalo siyang maiyak.

“Hindi ko po lubos akalaing makikita kitang nand’yan ngayon, papa. Akala ko babawi ka pa sa susunod na kaarawan ko,” iyak niya habang yakap-yakap ang kabaong nito.

Tinapik-tapik lang siya ng amo nito at pinangakong lahat ng gastusin sa burol at libing nito, sasagutin ng kanilang kumpanya. Bukod pa roon, ang naiwang ipon ng kaniyang ama, mapupunta lahat sa pag-aaral niya. Imbis na matuwa, lalo pa siyang naiyak dahil napagtanto niyang tila magsisimula na ang mga araw na tatayo na siya sa sarili niyang mga paa.

Ilang araw lang ang lumipas, tuluyan na ngang nilibing ang kaniyang ama. Hindi pa man niya tanggap ang nangyari, wala siyang magawa kung hindi ang piliting maging ayos ang sarili.

Pagkatapos na pagkatapos ilibing ng kaniyang ama, agad siyang nagkulong sa silid nito. Nakita niya ang mga guhit nito na puro mukha niya simula noong pagkabata niya dahilan upang lalo siyang mangulila rito.

Habang pinagmamasdan niya ang mga ito, nakuha ng halamang regalo nito sa kaniya ang atensyon niya.

“Naku, pati pala ikaw wala nang buhay,” sambit niya rito nang makita niya itong lantang-lanta na.

Doon niya napagdesisyunang muling buhayin ang halamang iyon. Tinanggal niya ang halaman mula sa paso at kinuha ang mga ipong buto ng kaniyang ama upang muling magtanim.

Ngunit habang binubungkal niya ang lupang nasa paso, isang maliit na kahon ang tumambad sa kaniya. Agad niya itong binuksan at bumulaga sa kaniya ang mamahaling alahas ng kaniyang ama noong ito’y binata pa kasama ang ilang alahas ng kaniyang yumaong lola na dati niya pa hinihingi rito at mga katagang, “Maligayang kaarawan sa buhay ko!” dahilan upang muli siyang mapahagulgol.

“Kung alam ko lang kung gaano mo ako kamahal, papa,” pagsisisi niya.

Doon niya labis na napagtanto ang labis na pagmamahal nito sa kaniya kahit pa siya’y suwail na anak.

Advertisement