Inday TrendingInday Trending
Nagawang Kunin ng Ginang na Ito ang mga Pinamili ng Kaniyang Kumare Dala ng Labis na Inggit, Napahiya Siya sa Social Media

Nagawang Kunin ng Ginang na Ito ang mga Pinamili ng Kaniyang Kumare Dala ng Labis na Inggit, Napahiya Siya sa Social Media

“O, mars, ang dami mong pinamili, ha? May handaan kayo, ‘no?” bungad ni Krisha sa kaniyang kumare, isang araw nang makita niya ito sa palengke habang hirap na hirap buhatin ang mga pinamiling pagkain at bumibili pa ng baboy.

“Ah, oo, kakauwi lang ng anak galing abroad, eh, kaya ito, lulutuan ko siya ng mga paborito niyang ulam na hindi niya nakain doon!” sagot nito sa kaniya saka nagpunas ng pawis na tumatagaktak.

“Naku, panigurado, ang yaman yaman mo na!” sabi niya pa rito saka bahagyang tinapik ang braso nito.

“Hindi naman, mars, sakto lang. Matumal din ang negosyo ko ngayon, eh,” paliwanag nito dahilan upang siya’y mapaisip dahil alam niyang nagsisinungaling ito.

“Mabuti ka nga at may pang negosyo, eh, ako? Ang panganay na anak ko, ayon, andoon sa mga tropa niya, abala sa pag-iinom! Nakakainis nga, eh!” kwento niya pa rito.

“Magtitino rin ‘yan, magtiwala ka lang! Gan’yan din ang anak ko dati, hindi ba? Sinusundo pa jga natin sa bilyaran bago tayo mamalengke dahil inuumaga na ro’n!” wika nito dahilan upang magtawanan silang dalawa, “O, paano, mauna na ako sa iyo, ha? May iba pa akong bibilhin, eh, baka tanghaliin ako,” dagdag pa nito saka na siya tuluyang nilisan. Napairap na lang siya nang tumalikod na ito dahil pakiramdam niya niyayabang siya nito.

Hindi maiwasan ng ginang na si Krisha na mainggit sa kumare niyang unti-unti nang umaangat sa buhay dahil sa negosyo at anak nitong nagtatrabaho sa abroad. Walang araw na hindi niya naiisip ang sarap ng buhay nito lalo na sa tuwing nakikita niya sa social media ang masasarap na pagkain na kinakain nito at naggagandahang lugar na napupuntahan nito.

Palagi niyang tinatanong sa sarili, “Kailan ko kaya mararanasan ang ganyang kasarap na buhay? ‘Yon bang kapag naisipan kong kumain ng hipon, o kung hindi naman cake, agad akong makakabili? O kung hindi naman, kapag nagustuhan kong magpunta ng Baguio, agad akong makakapunta roon dahil marami naman akong pera? Hay, nakakainis na buhay ‘to! Pati pangbili ng mineral na tubig, piniproblema ko kada araw!”

Subukan man niyang negosyo upang makatulong sa binabayaran ng kaniyang asawa, palagi naman itong pumapalpak. Hikayatin man niyang magtrabaho ang kaniyang panganay na anak na tapos na sa kolehiyo, hindi siya pinakikinggan nito dahilan upang labis siyang mainis sa buhay na mayroon siya at mainggit sa ganda ng buhay ng kaniyang kumare.

Noong araw na ‘yon, habang pinagmamasdan niyang mahirapan sa pagbibit-bit ng mga pinamili ang kaniyang kumare, napansin niyang may maliit na bagay ang nahulog dito dahilan upang agad siyang tumakbo at tingnan kung ano ‘yon.

Nakita niyang ito ang binibigay na numero sa isang grocery store kapag may iiwang gamit dahilan upang agad niya itong pulutin.

Sinubukan niyang hanapin ang kumare upang maisauli ang bagay na ito ngunit hindi niya ito makita. Kaya naman, nagtungo na lang siya sa naturang grocery store upang tingnan kung ano bang pinaiwan nito.

Nang makita niya kung gaano karami ang pinamili nitong grocery items, hindi siya nagdalawang-isip na kuhanin ito at iuwi sa kanilang bahay.

Tuwang-tuwang ang kaniyang maliliit na anak nang makita ang dami ng mga chichirya at tsokolateng dala niya dahilan upang siya’y natuwa rin.

“Siguro naman, hindi niya malalamang ako ang kumuha, ano? Saka, panigurado, hindi naman niya ikahihirap ‘to,” pangungumbinsi niya sa sarili nang minsang makaramdam ng pangongonsensya.

Maya maya pa, umuwi na ang kaniyang asawa. Akala niya, matutuwa ito sa dami ng mga pagkaing mayroon sila ngayon, ngunit labis niyang ikinagulat nang bigla nitong sinilid sa karton ang mga grocery items na ito.

“Mahal, magbukas ka nga ng social media, tignan mo, ang mukha mo, kalat na kalat na! Bakit ka ba kumuha ng grocery na hindi sa iyo, ha? Kaya naman nating bumili ng ganiyan, hindi ba? Hindi man ganyan karami, pero nakakaraos naman tayo! Nakakahiya sa mga taong nakakita! Isauli mo na ito sa kumare mo!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang agad siyang nagbukas ng selpon.

Tumambad sa kaniya ang bidyong kuha mula sa CCTV ng naturang grocery store. Kitang-kita niya ang sarili niya ro’n habang hindi hirap na hirap na binubuhat ang mga pinamili ng kaniyang kumare kaya agad siyang napailing.

“Diyos ko,” tangi niyang sambit.

Doon niya napagtantong pinahiya niya ang sarili dahil lang sa inggit na nararamdaman niya.

Maya maya pa, may mga tanod at kagawad nang nagpunta sa kanilang bahay. Kinukuha ng mga ito ang kinuha niyang grocery items at inanyayahan siyang magpunta sa barangay.

Doon niya nakita ang kaniyang kumare, hiyang-hiya man siya sa ginawa niya, wala siyang magawa kung hindi ang humarap dito at humingi ng tawad. Mabuti na lang talaga’t mabait ito at ayaw siyang kasuhan.

Advertisement