Sinisante ng Lalaki ang Doktor na Tumanggap ng Pasiyenteng may Malubhang Kalagayan; Ito ang Nagpabago sa Mapait Niyang Pagpapalakad
“Sinong nagsabi sa’yong tanggapin mo ang pasiyenteng ‘yon, ha? Alam mo namang hindi ‘yon kayang gamutin ng ospital na ‘to!” bulyaw ni Denis sa bagong doktor, isang umaga nang makarating sa kaniya ang balitang tumanggap ito ng isang pasiyenteng nasa malalang kalagayan.
“Eh, doc, nakakaawa na po, eh. Naghihingalo na, kaya tinanggap ko na po. Huwag po kayong mag-alala, gagawin ko po lahat ng makakaya ko para maisalba ‘yon at huwag magkaroon ng isyu rito sa ospital,” paliwanag nito sa kaniya na labis niya pang ikinainis.
“Ang lakas talaga ng loob mo, ano? Akala mo namang napakadalubhasa mo na! Kabago-bago mo pa lang na doktor, ang taas na ng tingin mo sa sarili mo!” sigaw niya rito dahilan upang mapatungo na lang ang iba pang doktor na naroon sa kaniyang opisina habang nag iba’y pilit siyang inaawat.
“Hindi naman po sa ganoon, doc, gusto ko lang naman pong…” hindi na niya ito pinatapos dahil agad na siyang nagdabog.
“Gusto mo lang na magpasikat! Kapag ‘yan nawalan ng buhay dito sa ospital ko, tatanggalin talaga kita!” sigaw niya pa.
“Opo, sige po,” nakatungong sagot nito. “Alis na!” bulyaw niya dahilan upang magmadali itong magpunta sa operating room at isagawa ang operasyon sa naturang pasiyente.
Ang doktor na si Denis ang nag-iisang tagapagmana ng isang ospital na tinayo ng kaniyang lolo sa Maynila. Ito ang dahilan upang labis siyang magsumikap na maging isang doktor. Nais niya kasing mapalakad ito nang maayos at makatulong din sa kita ng naturang ospital.
Ganoon na lang ang pag-iingat niya sa pangalan ng naturang ospital lalo pa nang mailipat na ito sa kaniyang pangalan. Sa katunayan, ito ang isa sa mga ospital na bansa na may pinakamamabang bilang ng mga pasiyenteng nawalan ng buhay.
Isa sa mga istratehiya niya, bilang pinuno ng naturang ospital, bukod sa magkuha ng mga magagaling na doktor na dalubhasa sa iba’t ibang sakit, pinagbabawalan niya ang mga empleyado na tumanggap ng pasiyenteng nasa kritikal na kalagayan.
Umingay man ang pangalan ng kanilang ospital dahil sa hindi pagtanggap ng mga pasiyente, palagi niyang rason sa media upang malinis ang pangalan, “Hindi po kami tumatanggap ng mga pasiyenteng hindi namin kayang gamutin. Nagpapakatotoo lang po kami’t hindi namemera,” dahilan upang imbes na mabatikos, siya’y hinahangaan pa.
Ngunit noong araw na ‘yon, nang biglang tumanggap ng pasiyenteng nasa delikadong kalagayan ang isang bagong doktor, labis na nag-init ang kaniyang ulo.
“Kapag ang pasiyenteng ‘yon, nawalan ng buhay dito, malilintikan talaga ‘yang baguhan na ‘yan sa akin! Napakayabang tumanggap ng pasiyente nang hindi ko alam!” sigaw niya sa harap ng mga doktor habang sila’y nasa isang pulong.
At tila hindi nga umayon ang tadhana sa kagustuhan ng baguhang doktor dahil habang inooperahan ang matandang iyon, ito’y nawalan ng buhay dahilan upang ganoon na lang siya manggalaiti sa galit at ito’y agad na tanggalan ng trabaho.
Sa kabutihang palad, ilang buwan lamang ang lumipas, nawala na ang usap-usapan tungkol sa kaniyang ospital dahil sa mga interbyung ipina-ere niya sa telebisyon.
Ngunit kahit pa ganoon, labis pa rin siyang nagtataka sa pagbaba ng kita ng kaniyang ospital. Ito ang dahilan upang babaan niya ang singil sa mga pagkokonsulta at mga gamot na kanilang ibinebenta.
“Saan pa ba tayo nagkukulang? Baka may naiisip kayong magandang taktika upang maibalik sa dati ang kita natin,” sambit niya sa harap ng mga doktor sa isang pulong.
“Bakit hindi niyo po ulit kuhanin ang baguhang doktor na tinanggal niyo dahil sa isang pagkakamali? Nabalitaan ko pong unti-unti na iyong kinikilala sa kabilang ospital dahil sa kagalingan niya. Bukod pa roon, mayroon na rin siyang sariling klinik na kumikita ng halos isang daang libong piso kada kinsenas,” kwento ng isang doktor na labis niyang ikinagulat. “Pa-paano nangyari ‘yon?” tanong niya.
“Nagustuhan po ng mga tao ang pagiging makatao niya sa mga pasiyenteng nangangailangan. Kahit mahirap ang kalagayan, gumagawa po siya ng paraan upang mapagaling ang isang pasiyente,” sagot nito na labis na kinamangha ng mga doktor na naroon.
Noong araw ding ‘yon, agad niyang kinausap ang naturang doktor na iyon. Niyaya niya itong magkape at hindi niya akalain ang sinabi nito, “Pasensiya na po, doc, hindi po talaga tayo magkakasundo. Ang intensyon ko po ay magpagaling ng tao, habang ang nais niyo’y mapanatiling malinis ang pangalan ng ospital niyo. Kahit ano pong gawin niyo, hindi na po babalik sa ospital na ‘yan ang mayabang na doktor na tulad ko,” sarkastiko nitong sagot na labis na nagbigay sa kaniya ng reyalisasyon.
Ito ang dahilan upang baguhin niya ang pagpapatakbo niya ng naturang ospital. Hindi man agad na maibalik ang mga nawalang pera, muli namang naibalik ang sigla nito.