Inday TrendingInday Trending
Pinasawalang-Bahala ng Dalagang Ito ang Problema ng Kaibigan; Labis na Pagsisisi ang Naging Kapalit Nito

Pinasawalang-Bahala ng Dalagang Ito ang Problema ng Kaibigan; Labis na Pagsisisi ang Naging Kapalit Nito

“Maycie, anak, nabalitaan mo ba na wala na ang nanay ni Sandra? Kaninang madaling araw lang daw binawian ng buhay, kumusta na kaya ang kaibigan mo? Kawawang bata. Hindi mo ba muna pupuntahan?” sambit ni Aling Badet sa kaniyang anak, isang araw nang pumutok ang balitang ‘yon sa kanilang barangay.

“Naku, mama, kilalang-kilala ko ‘yon si Sandra! Kayang-kaya niya ‘yon! Sobrang tapang kaya no’n at malakas ang loob. Malamang, hindi na ako kailangan no’n,” kumpiyansang sagot ni Maycie habang nagmamadaling magsuklat at umalis ng kanilang bahay.

“Kahit na, anak, kahit magpakita ka lang sa kaniya bago ka pumasok ng trabaho. Kahit hindi ka niya kailangan, mabuti nang alam niyang nand’yan ka para sa kaniya. Hindi ba’t noong nawala ang tatay mo, walang araw na hindi ‘yon nagpunta rito upang tulungan tayong mag-asikaso ng mga nakikiramay,” habol nito dahilan upang bahagya siyang mapasimangot at mapatingin sa kaniyang relo.

“Eh, sa rest day ko na lang, mama, mahuhuli na ako ngayon sa trabaho, eh. Sigurado naman ako na kayang-kaya niya ‘yon, ang galing kaya humawak ng problema no’n. Sige na po, mama, alis na ako, ha?” sambit niya sa ina, tumango-tango lang ito at bumuntong hininga, saka na siya agad na tumakbo paalis upang hindi na makulit ng ina na dumaan sa kaniyang kaibigan.

Sa kanilang magkakaibigan, ang dalagang si Maycie ang tinuturing na bunso ng lahat dahil sa kaniyang pagiging mahinhin at iyakin. Sa katunayan, sa tuwing siya’y may problema, maliit man o malaki, ang buo nilang tropa ay palaging nakahandang siya’y tulungan.

Alam kasi ng mga ito na hindi siya marunong humawak ng problema. Iiyakan niya lang ito hanggang sa siya’y magsawa. Ikukulong niya ang sarili sa kalungkutan hanggang sa mawala ang kaniyang problema.

Bukod pa roon, palagi pa siyang nag-iisip na tapusin ang kaniyang buhay sa tuwing may mabigat na problema, kaya naman ang kaniyang mga kaibigan, lalo na ang dalagang si Sandra na siyang pinakamatanda at matapang sa kanila, ay palagi siyang sinasamahan at tinutulungan, huwag lamang siyang maagang mawala sa mundong ito.

Ang pinakitang katatagan ng kaibigan niyang iyon ang dahilan upang nang mabalitaan niya ang pagkawala ng nanay nito, ni katiting na pag-aalala, wala siyang naramdaman dahil alam niyang kayang-kaya itong hawakan at solusyunan ng kaibigan niyang iyon.

Noong araw na ‘yon, kahit mensahe, hindi niya nagawang padalhan ang dalagang iyon dahil sa pagkaabala niya sa trabaho. Pagkauwi niya naman, agad na siyang nahiga at natulog dahilan upang hindi niya na rin ito magawang kumustahin man lang. Pangungumbinsi niya sa sarili, “Sa rest day ko naman, pupuntahan ko siya. Sigurado naman akong hindi na niya kailangan ng tulong, sobrang tatag kaya ng babaeng ‘yon!” saka niya tuluyang ipinikit ang kaniyang mga mata.

Kinabukasan, pagkagising na pagkagising niya, isang mahabang mensahe mula sa kaibigan niyang iyon ang kaniyang natatangap na ganoon niya ikinagulat kaya naman agad niya itong binasa kahit pa pupungay-pungay pa ang kaniyang mga mata. Labis itong nagpapasalamat sa kaniya at paulit-ulit na sinabing magpakatatag siya sa buhay.

Tatawagan niya pa lang sana ito nang muli siyang makatanggap ng isa pang mensahe rito, “Huwag mo akong tutularan, Maycie, kita na lang tayo sa kabilang buhay, kung saan man ako mapapadpad,” dahilan upang agad siyang mapatakbo sa bahay nito, tatlong kanto mula sa bahay nila.

Doon tumambad sa kaniya ang walang buhay na kaibigan. Bumubula ang bibig nito habang nakakalat sa silid nito ang sandamakmak na panlinis ng alahas, banyo at iba pang lason dahilan upang agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay nito.

“Tulungan niyo po ako! Tulong!” sigaw niya habang pilit na hinihila palabas ang katawan ng kaibigan.

Ngunit pagkarating na pagkarating pa lang nila sa pinakamalapit na ospital, agad nang kinumpirma ng doktor do’n na ito’y wala na.

Doon na siya labis na nanghina, wala siyang ibang magawa kung hindi ang humagulgol at labis na magsisi sa pagkukulang niya sa kaibigan.

“Siguro kung dinamayan kita, hindi ka magkakaganyan, Sandra. Patawarin mo ako!” hagulgol niya habang yakap-yakap ang malamig nitong katawan.

Ang pangyayaring iyon ang labis na nagturo sa kaniya ng isang malaking leksyon sa buhay. Natutunan niyang kahit gaano pa katapang at kagaling humawak ng problema ang isang tao, kailangan pa rin nito ng kahit isang kaibigang masasandalan sa pagharap ng pagsubok sa buhay.

Advertisement