Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Nanay na Ito sa Ama ng Kaniyang Anak nang Kuhanin Ito sa Kaniya, Mas Masakit pa pala ang Bubulantang sa Kaniya sa Huli

Galit na Galit ang Nanay na Ito sa Ama ng Kaniyang Anak nang Kuhanin Ito sa Kaniya, Mas Masakit pa pala ang Bubulantang sa Kaniya sa Huli

“Hinintay lang talaga ng tukmol na ‘yun magpitong taong gulang ‘yung anak namin bago niya nilason ‘yung utak ng bata! Akala ba niya mananalo siya? Kinang@n*! Hindi siya mananalo sa akin kahit saang korte kami magtuos,” galit na galit na wika ni Ruffa sa kaniyang kaibigan.

“Puntahan mo na ‘yung anak mo sa kaniya. Kuhanin mo na kaagad,” sagot naman ni Jena.

“Huwag kang mag-alala, may plano na ako at ipapahiya ko talaga siya sa mata ng anak namin,” nanggigil na sabi ng babae saka natapos ang tawag nila.

Halos limang taon nang magkahiwalay sina Ruffa at Eric. Kakapanganak lamang ng babae noon nang mag-abroad ang lalaki at isang taon lamang ang itinagal ng kanilang relasyon nang masira ito dahil sa pambababae ni Eric sa ibang bansa at iba’t ibang paninira ng pamilya ng lalaki kay Ruffa. Hindi niya nakayanan pang makisama kaya naman simula noon ay pinalaki niyang mag-isa ang anak.

Hindi siya nakakatanggap ng maayos na sustento sa ama ng bata lalo na kapag hindi niya ipapahiram ito sa pamilya ng lalaki hanggang sa lumipas ang mga taon at buong akala ni Ruffa ay magiging maayos na ang lahat lalo na noong nagsimulang mag-aral ang kanilang anak at kahit papano ay niluwagan na niya ang pagpapahiram sa bata.

“Kukuhanin ko ang anak ko, Eric, ihahatid mo ‘yan dito sa amin o ako ang mag-eeskandalo riyan sa inyo?” saad ng babae sa telepono.

“Ayaw na nga sumama ng bata sa’yo, isa pa, pitong taon na ang anak natin pwede na siyang mamili kung kanino niya gustong sumama,” sagot ni Eric sa kaniya.

“T@ng!na mo rin talaga! Walang alam ‘yung anak natin sa ganiyan pero ikaw at ang pamilya mo ang nagpakilala sa kaniya ng konsepto na ‘yan! K!ng*n@ ka!” nangigigil na sabi ng babae.

“Kahit ilang beses mo pa akong mura-murahin ay hindi mo na makukuha ang anak ko sa akin. Lagi mong sinasabi na sa nanay lang ang bata hanggang pitong taon ‘di ba? Pwes magdusa ka na kasi sa akin na ang anak ko,” banat muli ng lalaki.

“Alam mo, kaya hindi kita pinakasalan kasi tanga ka, kahit saang korte ka pumunta kapag ang mga magulang ay hindi kasal hindi pwedeng mapunta sa’yo ang bata kahit pitong taon pa ‘yan hanggat hindi ka nagfa-file ng custody! Bobo ka kasi, kaya kung ako sa’yo, ibalik mo ‘yung anak ko kung ayaw mong sampahan kita ng kidn@pping!” sigaw ni Ruffa rito.

“E ‘di magfa-file ako ng custody at makikita mong kahit makarating tayo sa korte ako ang pipiliin ng anak natin dahil wala kang kwentang nanay!” baling din ng lalaki sa kaniya.

“Bobo ka talaga, kahit makarating tayo sa korte at nalaman ng korte kung anong klaseng tatay ka sa loob ng pitong taon ay sa akin pa rin papanig ang batas! Anong sa tingin mo, uuwi ka ngayon at magpapakatatay sa anak natin na para bang isa kang superhero sa mata niya? Tapos mabubura lahat ng sakripisyo ko nung iniwan mo kami para sa babae mo? Huwag mo akong simulan, Eric, dahil marami akong baon sa’yo,” baling din ni Ruffa at mabilis na natapos angt tawag at naiwang sumasakit ang ulo ng lalaki.

Lumipas pa ang ilang linggo ngunit hindi pa rin ibinabalik ng lalaki ang bata kaya naman nagdesisyon na si Ruffa na puntahan ito kasama ng DSWD at ilang pulis.

Kaagad na nagwala si Eric at pinagmumura si Ruffa sa labas pa lang ng bahay nito.

“Ang lakas ng loob mong magsama ng mga pulis, Ruffa, talagang ipapahiya mo ako sa balwarte ko pa? Ang kapal ng mukha mo!” sigaw ni Eric sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, hindi tayo ang kailangan mag-usap. Kakausapin ng taga-DSWD ‘yung anak natin. Tama na ang drama at may dala akong arrest warrant para sa kidn@pping mo,” matapang na singal ni Ruffa sa kaniya.

Ngunit bago pa man magsalita ulit si Eric at ang iba pang kasama ni Ruffa na opisyales ay nagsalita na si Ellena, ang anak ng dalawa.

“Mama, ‘wag mong gawin ito. 7 years old na ako at pwede na akong mamili kung saan ko gustong tumira,” saad ng bata.

“Tingnan niyo na? Naturuan ho kaagad ang anak ko ng mga ganiyang bagay,” singit kaagad ni Ruffa sabay turo sa kasama nilang taga-DSWD.

“Hindi, mama, hindi ako tinuruan ni papa. Ayaw ko nang tumira sa atin kasi wala ka namang oras para sa akin. Hindi katulad dito, marami akong kalaro, masaya, masasarap ang mga pagkain at walang galit na tao,” sabi pang muli ng bata.

“Anak, hindi ka naman ganyan magsalita. Bakit ang laki ng pinagbago mo, hindi ba pinaliwanag ko naman na kailangan magtrabaho ni mama para may makain tayo kasi hindi nagbibigay ‘yang tatay mo?” mabilis na sagot ni Ruffa rito.

“Hindi ko lang masabi sa’yo ang totoo, mama, kasi sa tuwing magsasalita ako ay sasabihin mong nagrereklamo ako tapos hindi mo na naman ako papayagan na pumunta rito kay papa kasi tinuturuan niya ako ng masama. Mama, hindi, ‘di ba sabi mo sa akin matalino ako? Matalino ako, mama, kaya alam kong walang ginagawang masama si papa, gusto niya lang na makasama ako. Pero ikaw, ayaw mo na, pagod ka na. Kapag tapos na ang trabaho mo gusto mong mag selpon lang para makapagpahinga ka, ayaw mong makipaglaro sa akin. Sa umaga, palaging itlog ang ulam, hindi katulad dito, iba iba. Mama, dito na lang po ako kay papa,” iyak ni Ellena sa kaniya.

Hindi nakapagsalita si Ruffa sa kaniyang narinig at pakiramdam niya’y natalo siya sa laban ng mga oras na iyon. Kaagad na inawat ng taga-DSWD ang dalawa sa pakikipagtalo at hinayaang mapakalma ang bata saka ito nag-usap.

Hindi na pinilit pa ni Ruffa na pasamahin sa kaniya ang bata dahil sa iyak lamang ito ng iyak. Hinayaan na muna niya na humupa ang sama ng loob nito. Habang siya naman ay muling nagtanong sa kaniyang sarili kung tama ba ang naging pagpapalaki niya sa bata. Masakit man ngunit tinanggap niyang nagkamali at nabulag siya sa pagiging isang magulang. Kahit saan niya tingnan ay mahirap ang maging isang single mom ngunit mas nanaig ang hirap na iyon sa kaniyang isip at puso kaysa sa pagiging ina sa kaniyang anak na siyang naging malaking pagkakamali niya.

Halos anim na buwan din ang tinagal at naibalik sa kaniya ang bata. Simula noon ay mas pinili ng dalawa ang mas maayos na paraan upang maging magulang kay Ellena.

Advertisement