Inday TrendingInday Trending
Ipinagkatiwala ng Ginang ang Anak na May Kapansanan sa Kaniyang Ate; Nagulat Siya sa Tunay na Ginagawa Nito sa Bata

Ipinagkatiwala ng Ginang ang Anak na May Kapansanan sa Kaniyang Ate; Nagulat Siya sa Tunay na Ginagawa Nito sa Bata

“Ate, sigurado ka ba na ayos lang sa’yo na iwan ko muna ang anak kong si Miko sa iyo?” tanong ni Carla sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Precy.

“Walang anuman sa akin. Iwan mo dito ang anak mo at ako na ang bahala sa kaniya,” saad ng ginang.

“Pasensiya ka na talaga, ate. Alam kong abala ka rin sa mga anak mo at ngayon ay iiwan ko pa itong anak ko sa iyo. Wala na kasi akong ibang alam na pagdadalhan sa kaniya. Kailangan kong magtrabaho para sa mga pangangailangan niya. Lalo pa sa kaniyang kundisyon. Hayaan mo ate, sa iyo naman ako magpapadala ng pera,’ saad muli ni Carla.

“Huwag ka nang mag-aalala, Carla, iwan mo na ang anak mo dito at ako na nga ang bahala sa kaniya. H’wag mo nang isipin ang kalagayan niya dahil hindi ko siya pababayaan,” sambit pa ng kapatid.

“Gusto nga sana ni Ate Belen na sa kaniya ko na lang iwan ang anak ko dahil malalaki naman na ang kaniyang mga anak. Kaso hindi naman siya gaanong nakikita ni Miko kaya ayaw sumama,” pahayag pa ni Carla.

“Mas mainam nang narito si Miko, Carla, dahil nandito ang mga pinsan niya at may makakalaro siya,” wika ng nakakatandang kapatid.

Isang dalagang ina itong si Carla. Hindi kasi siya nagawang panagutan ng nakabuntis sa kaniya dahil hindi niya alam na mayroon pala itong ibang pamilya.

Mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang anak na mayroong espesyal na kalagayan. Upang matustusan niya ang pangangailangan nito ay kailangan niyang magpakalayo at magtrabaho sa ibang bansa.

Dahil walang ibang mag-aalaga sa kaniyang anak ay minabuti niyang ipagkatiwala na lamang ito sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Precy. Simple lamang ang buhay ng ginang at kaniyang pamilya. Ang asawa nitong si Gardo ay isang tricycle drayber at si Precy naman ay isang maybahay. Siya ang nag-aalaga sa kaniyang dalawang mga anak.

Nang makalipad na si Carla sa ibang bansa upang magtrabaho ay pinapadalhan na lamang niya ang kaniyang Ate Precy ng pantustos sa pangangailangan ng kaniyang anak. Nagbibigay din siya ng panggastos sa mga ito bilang pasasalamat sa kaniyang kapatid sa pag-aalaga sa kaniyang anak.

Sa loob ng ilang buwan ay naging ganito ang kanilang sitwasyon. Ngunit isang araw ay nakatanggap na lamang siya ng balita mula sa kaniyang Ate Belen na may mga pasa nga raw si Miko at tingin niya ay sinasaktan ito sa tahanan ng kaniyang Ate Precy.

“Nagpunta ako doon kila Ate Precy upang dalawin si Miko. Kaso napansin kong may mga pasa ito. Nang tanungin ko si Precy ay pinabulaanan niya ang lahat. Sabi ko sa iyo ay sa akin mo na lang ipaalaga ang anak mo!” kwento ng kaniyang ate.

Hindi naman lubos na makapaniwala si Carla sa nabalitaan.

“Hindi magagawa ni Ate Precy ang bagay na iyan sapagkat siya pa ang nagsabi sa akin na hindi niya pababayaan ang anak ko,” wika naman ni Carla.

“Siyempre ay ganoon ang sasabihin niya. Sa tingin ko nga ay hindi talaga ibinibili ni Precy ng mga pangangailangan si Miko dahil pumapayat ito,” patuloy pa sa pagkukwento ang ginang.

“Bahala ka, Carla, baka mamaya ay mahuli na ang lahat. Sabi ko sa iyo ay sa akin mo na lang ipagkatiwala ang anak mo!” giit pa ni Belen.

Labis na sumama ang loob ni Carla sa kaniyang Ate Precy. Sa kabila kasi ng pagtulong niya at paninigurado nitong aalagaan ang kaniyang anak ay taliwas pala ang tunay nilang ginagawa sa bata. Naaawa siya sa kaniyang anak dahil may espesyal pa naman itong pangangailangan.

Alam niyang kapag tinanong niya ang kaniyang Ate Precy ay itatanggi ito ng ginang. Kaya nagpasya siyang umuwi para siya mismo ang makasaksi sa ginagawang pagmamaltrato ng kapatid. Hindi niya ipinaalam kahit kanino ang gagawing pag-uwi.

Nang makatuntong muli ng Pilipinas ay kinakabahan si Carla sa kaniyang maaabutan sa bahay ng kaniyang Ate Precy. Hindi niya kasi alam ang kaniyang gagawin kapag napatunayan ngang sinasaktan ito doon.

Marahan siyang lumapit sa tahanan ng nakatatandang kapatid at sa bintana ay sinilip niya ang anak.

Doon ay nakita niya na nagpupumilit ito sa gusto niyang gawin habang ang kaniyang Ate Precy ay ginagawa ang lahat upang pigilan si Miko na masaktan ang kaniyang sarili. Nariyan na masaktan na ni Miko ang kaniyang ate ngunit hindi ito iniinda ng kapatid. Ni wala ngang sigaw na maririnig mula rito. Malambing niyang inaalo ang kaniyang pamangkin.

Bigla namang pasok ng asawa ni Precy at doon ay nakita ni Carla kung paano mahalin ng mag-anak ang kaniyang anak.

Napaluha na lamang siya at nagsisi sa pag-iisip ng masama sa kaniyang Ate Precy.

Marahan siyang pumasok sa bahay upang ipabatid ang kaniyang pagdating. Nagulat na lamang ang mag-anak sapagkat umuwi siya nang walang pasabi.

Niyakap na lamang niya ang kaniyang Ate Precy at humingi siya ng pasensiya sa pag-iisip nito ng masama. Ngunit ipinagtataka ng ginang ay kung bakit ganito ang iniisip sa kaniya ng kapatid.

“Ginigiit kasi sa akin ni Ate Belen na nakikita niyang nangangayayat ang anak ko at marami raw pasa sa katawan nang siya ay dumalaw dito para tingnan si Miko,” paliwanag ni Carla.

“Pumunta si Ate Belen dito hindi para tingnan si Miko kung hindi tanungin kung may padala ka na, Carla. Inuutang niya sa akin ang budget na nakalaan para sa gamutan ni Miko. Hindi ko ito ipinautang sa kaniya dahil alam kong mas kailangan ni Miko ito,” saad pa ng ginang.

Doon napagtanto ni Carla na sinsiraan lamang pala ng kaniyang Ate Belen ang kaniyang Ate Precy upang mapunta sa kaniya si Miko nang sa gayon ay doon siya magpadala ng pera.

“Lubog kasi sa utang iyang si Belen dahil sa pagsusugal niya. Hindi ko ito masabi sa’yo, Carla dahil ayaw ko nang makadagdag pa sa mga iniisip mo. Kaya kahit mahirap at alam kong kailangan ng matinding atensyon at oras ay mas nanaisin ko nang mahirapan basta nandito lang si Miko at wala sa kaniyang puder. Baka doon pa siya mapano,” pahayag muli ni Precy.

Labis na ikinalungkot ni Carla ang ginawang paninira ni Belen sa kaniyang ate. Dito niya napatunayan na mabuti na lamang at iginiit ng kaniyang Ate Precy na doon na lamang si Miko sa kaniya. Nakakasigurado siyang maaalagaan ang kaniyang anak.

Bumalik si Carla sa ibang bansa at nagpatuloy sa kaniyang pagtatrabaho na panatag ang kalooban dahil alam niyang ang kaniyang anak ay nasa mabuting mga kamay at hindi mapapabayaan.

Advertisement