Nainggit ang Dalagang ito sa Pag-asenso ng Kanilang Kapitbahay, Nagulantang Siya nang Makita ang Kahindikdik na Sikreto nito
“Mama, nakakainggit sila, ano? Wala pang tatlong buwan simula noong magbenta sila ng mga mamahaling damit, sapatos at alahas sa palengke, hindi ba? Tapos napaayos na agad nila ang bahay nila,” sambit ni Hillery sa kaniyang ina, isang umaga habang pinagmamasdan niya mula sa kanilang bintana ang bagong gawang bahay ng kanilang kapitbahay noo’y nanghihingi lang ng tutong sa kanila.
“Oo nga, eh, nakakahanga talaga, pero huwag kang mainggit, anak, hindi naman natin alam kung sa malinis nilang paraan naabot ang pangarap nilang ‘yan,” sagot ng kaniyang ina habang hinahanda ang babaunin niyang pagkain dahilan upang mapakunot ang noo niya.
“Ano pong ibig niyong sabihin, mama?” pang-uusisa niya.
“Naku, anak, ayokong magsalita. Lalo na’t kung hindi ko pa napapatunayan. Basta, ang payo ko sa iyo, huwag kang mainggit sa mga nakakamtan ng ibang tao,” tugon nito.
“Mukhang may nakarating na naman pong tsismis sa inyo, ha? Huwag kayo magpaniwala sa mga iyon, mama, maging masaya na lang tayo sa pag-asenso ng kapitbahay natin,” sabi niya rito saka muling sinipat ang bagong tayong bahay.
“Masaya naman ako, eh, pinapayuhan lang kitang huwag mainggit,” paliwanag nito saka siya kinindatan, “O, siya, ito na ang pananghalian mo, pag-igihan mo ang pagtatrabaho, ha? Para tumaas ang sahod mo at mapagawa na natin ‘yong bubong natin, kapag naulan, naulan din dito sa loob!” sabi pa nito dahilan upang siya’y mapatawa saka na siya tuluyang umalis ng kanilang bahay.
Bata pa lang ang dalagang si Hillery, pinangarap na niyang mapaayos ang kanilang bahay na unti-unti nang nabubulok dahil sa tagal. Dahil nga sakto lang ang kinikita ng kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng mga kakanin sa palengke, wala silang pera pampaayos ng kanilang bahay.
Ito ang ginawa niyang inspirasyon upang magsumikap sa buhay. Sa katunayan, noong siya’y nag-aaral pa lamang sa kolehiyo, sinimulan na niyang pag-ipunan ang pagpapagawa ng kanilang bahay mula sa kaniyang baon. Hindi siya gumagastos sa paaralan at imbis na sa labas kumain kasama ang mga kaklase, minamabuti niyang itabi ang kaniyang pera at sa bahay na lamang kumain.
Ngunit ang mga ipon niyang iyon, agad niya rin namang nagagastos para sa kaniyang mga proyekto. Kaya naman nang siya’y makapagtapos na, agad siyang humanap ng trabaho upang tuluyan nang makaipon.
Sa kabutihang palad naman, wala pang isang buwan simula nang siya’y makapagtapos, agad na siyang nakahanap ng trabaho sa Maynila dahilan upang kahit paunti-unti, siya’y makapag-ipon na at makatulong sa gastusin ng kanilang bahay.
Sa hirap na pinagdadaanan niya sa trabaho, hindi niya maiwasang mainggit sa tagumpay na naabot ng kapitbahay nilang noo’y nanghihingi lang sa kanila ng tirang pagkain upang mairaos ang isang araw. ‘Ika niya, “Nakakainggit naman! Sobra-sobrang swerte ang nakamit nila ngayong taon!”
Noong araw na ‘yon, pagkauwi niya galing trabaho, agad na siyang nahiga sa kaniyang silid sa pangalawang palapag ng kanilang bahay. Sumagi na naman sa kaniyang isip ang magandang bahay na kinaiinggitan niya dahilan upang siya’y mapasilip sa kaniyang bintana.
Ngunit, habang pinagmamasdan niya ang ganda ng naturang bahay, nakita niyang may mga taong tila gumagamit ng pinagbabawal na gamot doon dahilan upang siya’y mataranta at bumaba upang sabihin ito sa kaniyang ina.
“Nakita mo ba ang ginagawa sa taas?” agad na tanong ng kaniyang ina nang makita siyang humahangos pababa dahilan upang agad siyang mapatango, “Magtago tayo sa likod bahay, sigurado, maglalaban ‘yan sa mga pulis, baka tamaan pa tayo ng ligaw na bala,” dagdag pa ng kaniyang ina saka isinarado ang kanilang pintuan, doon niya napansing tila napalilibutan na pala ang bahay na ito ng mga pulis.
Katulad ng sinabi ng kaniyang ina, nagtago nga sila sa kanilang likod bahay at wala pang ilang minuto, ilang putok na ng baril ang kanilang narinig dahilan upang sila’y mapadapa sa semento upang makaiwas sa ligaw na bala.
Pagkatapos ng putukang iyon, dahan-dahan silang sumilip sa bintana ng kaniyang ina, doon niya nasilayan ang hindi bababa sa sampung lalaking nakadapa sa kalsada, tatlo sa mga ito, kabilang ang kanilang kapitbahay na may-ari ng naturang bahay ay wala nang buhay at duguan.
Doon niya napagtantong tila tama nga ang kaniyang ina, wala siyang dapat ikainggit sa buhay ng iba dahil hindi niya alam kung sa malinis na paraan ito naabot.
“Mas maigi nga talagang maghirap sa buhay kaysa umasenso sa maling paraan,” tangi niyang sambit habang pinagmamasdan ang kahong-kahong pera at pinagbabawal na gamot na nilalabas sa bahay na iyon.