Inday TrendingInday Trending
Labis na Nagtataka ang Lalaking ito kung Saan Galing ang Pera ng Kaniyang Asawa, mga Pulis ang Nagpaliwanag sa Kaniya

Labis na Nagtataka ang Lalaking ito kung Saan Galing ang Pera ng Kaniyang Asawa, mga Pulis ang Nagpaliwanag sa Kaniya

“O, mahal, saan na naman galing ‘yang sandamakmak mong pera? Sumweldo ka na ba? Wala pang kinsenas, ha?” pang-uusisa ni Hanber sa kaniyang asawa, isang gabi nang makita niya itong patagong nagbibilang ng pera.

“Ah, eh, wala, ipon ko ‘to!” natatarantang sagot ni Missy saka agad na isinilid sa kahon ang kaniyang mga pera.

“Ang dami mo naman yatang ipon, mahal? Saan ba talaga galing ‘yan?” pangungulit niya rito habang sinisipat-sipat ang kahong nasa likod na nito ngayon.

“Bakit ba hindi ka naniniwala, ha? Saan ko naman kukuhanin ang ganitong kalaking pera, ha? Pinaghihinalaan mo ba ako?” galit na tanong nito dahilan upang siya’y mabigla.

“Hindi naman sa ganoon, mahal, nagtataka lang ako kung paano ka nakapag-ipon ng ganyang kalaking pera, eh, maliit lang naman ang sweldo mo, tapos hati pa tayo sa gastusin dito sa bahay,” paliwanag niya rito, ngunit imbis na kumalma lalo pa itong nagalit at nagsimula nang magdabog.

“Eh, wala naman akong pinagkakagastusang ibang bagay kaya hindi imposibleng makaipon ako!” sigaw nito sa kaniya matapos sipain ang lamesitang nasa gilid ng kanilang kama.

“O, huwag kang magalit, mahal, nagtatanong lang naman ako,” kalmado niyang tugon.

“Bahala ka sa buhay mo! Pati pera ko, kinukwestiyon mo pa!” bulyaw pa nito sa kaniya saka siya iniwan sa kanilang silid bitbit-bitbit ang kahong pinakatinatago nito dahilan upang mapailing na lang siya at mapabuntong-hininga.

Labis na pinagtataka ng padre de pamilyang si Hanber ang kinikilos ng kaniyang asawa nitong mga nakaraang linggo. Bukod kasi sa palagi itong wala sa bahay tuwing uuwi siya galing trabaho at panganay lamang nilang anak ang nagbabantay sa kanilang dalawa pang anak, palagi pa itong may bagong gamit katulad ng bag, sapatos, alahas at pati make-up.

Sa tuwing tatanungin niya ito kung saan galing ang mga bagong gamit nito, palagi nitong sinasagot, “Bigay lang ‘yan sa akin ng mga katrabaho ko, natutuwa kasi sila sa sipag ko,” na labis niya pang pinagtataka dahil nang magpasalamat siya sa isa nitong katrabahong nakasalubong niya sa daan, nagtaka rin ito at sinabing, “Kami? Nagbibigay sa kaniya? Eh, kapos din kami,” dahilan upang lalo siyang mapaisip.

Sa katunayan pa nga, tuwing inuusisa niya ito mabuti, agad itong nagagalit sa kaniya at dahil ayaw niyang nakikita o naririnig ng kanilang mga anak na nag-aaway sila, madalas, tumatahimik na lang siya at nag-iisip kung ano ang pwede niyang gawin upang malaman ang sikreto ng asawa.

Noong gabing iyon, hindi ito tumabi sa kaniya pagtulog at paggising niya, wala na ito sa kanilang bahay.

“Maaga pong pumasok si mama, papa, nagpapasama raw po sa kaniya ang amo niya sa Maynila,” sambit ng kaniyang panganay na anak habang buhat-buhat ang bunso niyang anak.

“Hindi ba nasa Japan ang amo niya ngayon? Paanong…” hindi na niya natapos ang sasabihin sa anak dahil nakita niyang may mga pulis na sumisilip sa kanilang bintana, “Magandang umaga po, mga sir, ano pong maitutulong ko sa inyo?” tanong niya sa mga ito.

“Magandang umaga po, sir, asawa niyo po ba si Missy? Pinaghahanap na po kasi siya ng batas ngayon,” sambit ng isang pulis dahilan upang siya’y mabigla at agad niyang papasukin sa kwarto ang kaniyang mga anak upang huwag marinig ang mga impormasyong sasabihin ng pulis.

Doon niya nalamang ang asawa niya pala’y isa sa mga miyembro ng isang grupong nang-uuto ng mga mayayamang negosiyante. Nagbibigay daw ito ng mga pekeng impormasyon upang mapagkatiwalaan ng mga tao at kapag nakapagbigay na ng pera, hindi na ito magparamdam.

Nang malaman niya ito, labis siyang nanlumo at napaupo na lang sa kanilang sofa. Hindi siya makapaniwalang ang butihin niyang asawa, nagawang manloko ng tao para lang sa pera.

Ayaw man niyang isuko sa mga pulis ang kaniyang asawa, wala siyang magawa dahil mali ang ginagawa nito.

Nang makauwi ito, kitang-kita niya kung paano ito dakipin ng mga pulis. Nagmakaawa man itong pagtakpan siya, wala siyang masabi sa mga pulis at naiyak na lamang.

Hindi niya labis na matanggap na pati silang mag-aama, nagawa nitong lokohin at paikutin sa kasinungalingan.

“Pasensiya ka na, mahal, kailangan mong matutunan ang leksyon mo. Mahal kita, pero ayokong mabuhay ka sa maling paraan. Pwede naman nating kitain sa malinis na paraan ang pera, eh, hindi sa madali ngunit maling paraan,” hikbi niya sa asawa bago ito tuluyang isakay ng mga pulis sa patrol.

Hindi man niya alam kung saan at paano magsisimula, ginawa niyang magpakatatag para sa kaniyang mga anak.

Advertisement