Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Labis na Matanggap ang Pagkawala ng Ina; Ito kaya Talaga ang dahilan upang Multuhin Siya nito?

Hindi Niya Labis na Matanggap ang Pagkawala ng Ina; Ito kaya Talaga ang dahilan upang Multuhin Siya nito?

“O, anak, ano na namang problema mo? Bakit nakatungo ka na naman d’yan at nakayakap sa mga binti mo? Tiyak ako hindi magugustuhan ng nanay mo na makita kang ganyan mula sa langit,” payo ni Dino sa kaniyang anak nang makita niya itong tila natatakot na naman, isang hapon bago ilibing ang yumao niyang asawa.

“Nakikita ko na naman po si mama, papa, eh,” sagot ni Ben sa kaniyang ama, saka muling tinignan ang lugar kung saan niya nasilayan ang ina, wala pang dalawang minuto ang nakalilipas.

“Huwag mo nang pansinin, anak, nais ka lang bantayan ng mama mo. Alam mo namang mahal na mahal ka no’n, hindi ba? Huwag kang matakot sa kaniya. Mabantayan ka lang niya, masaya na ‘yon,” sambit pa nito sa kaniya saka bahagya siyang niyakap.

“Hanggang kailangan niya ako babantayan, papa? Eh, malaki na naman ako, natatakot lang po ako sa kaniya dahil parang galit ‘yong mukha niya sa tuwing makikita ko siyang nakatingin sa iyo,” kwento niya rito dahilan upang bahagya itong mapangiti.

“Naku, bakit naman ako titingnan nang masama ng mama mo? Eh, mahal na mahal ako no’n. Huwag ka na masyadong mag-isip d’yan, anak, magsisimula na ang misa para mailibing na ang nanay mo at matahimik na ang kaluluwa niya,” payo pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y manahimik na lang habang hinihintay na magsimula ang misa.

Sa edad na labing-limang taong gulang, nangulila na sa ina ang batang si Ben na labis niyang ikinabigla at ikinalungkot. Sa kaniyang mga magulang, ang ina niya ang pinakakasundo niya. Mula sa paglalaro ng basketball, kahit hindi ito gaano karunong, hanggang sa pag-aaral ng mga leksyong hindi niya maintindihan sa klase, ito ang kasama niya.

Sa katunayan, kahit siya’y may nagbibinata na, hindi pa rin siya makatulog kapag wala sa tabi niya ang kaniyang ina. Madalas, kung ito’y ginagabi man ng uwi dahil sa mga inaasikaso nitong dokumento para sa minana nilang lupa mula sa mga magulang nito, hinihintay niya pa itong makauwi bago siya matulog.

Kaya naman, nang pumutok ang balita na ito’y tinambangan ng mga kawatan habang nasa kalsada, labis siyang nabigla sa pagkawala nito. Nais man niya itong makita, kahit isang sulyap lang bago ito tuluyan ilagay sa kabaong, labis siyang pinagbawalan ng kaniyang ama. Ika nito, “Mas mahihirapan ka lang na makalimot, anak, kung makikita mo ang itsura ng nanay mo ngayon.”

Ito ang dahilan upang kahit noong ito’y pinaglalamayan pa lamang, hindi pinapabukas ng kaniyang ama ang kabaong nito. Magpumilit man siya at ilan nilang kaanak na makita ang kaniyang ina, hindi ito pinapayagan ng kaniyang ama.

Sa unang lamay ng kaniyang ina, doon na ito nagpakita sa kaniya. Nakita niya ito sa kanilang eskwelahan, sa tapat ng bahay ng kaniyang kaklase kung saan sila gumagawa ng proyekto, sa kanilang garahe, at kung saan pa dahilan upang labis siyang matakot dito at ipagbigay alam ito sa kaniyang ama. Laging sinasabi nito, “Nais ka lang no’n bantayan,” dahilan upang ipasawalang bahala niya na lang ito at tumungo na lang tuwing nakikita niya ito.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos ng misa sa sementeryo para sa libing ng kaniyang ina, agad nang pinuwesto ang kabaong nito sa hukay. Ngunit bago pa man siya makapaghulog ng rosas sa kabaong nito, hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang kamay dahilan upang bigla siyang mapahiyaw.

Buong akala niya’y siya lang ang nakakakita rito ngunit napansin niyang pati ilan nilang kaanak pati ang kaniyang ama, nanlaki ang mga mata.

“Ma-mama?” tanong niya rito, nginitian lang siya nito saka bahagyang niyakap.

“Matagal na akong nagmamatiyag, pero mukhang walang balak umamin ang asawa ko sa kr*meng ginawa niya sa akin, kaya ito, sa mismong araw nang paglibing sa kabaong walang laman, lalabas ang baho niya,” sambit nito dahilan upang siya’y labis na mabigla.

Pagkatapos na pagkatapos na magsalita ng kaniyang ina, biglang nagtangkang tumakbo ang kaniyang ama na ikinagulat ng lahat. Ngunit tila huli na ang lahat dahil sila’y napalilibutan na ng mga pulis at handa na itong hulihin.

Doon niya nalamang malaki pala ang interes ng kaniyang ama sa lupang mamanahin ng kaniyang ina. Nais nitong makuha ito nang buo kaya naman, humanap ito ng mga taong pupwedeng tumapos sa buhay ng kaniyang ina. Sa kabutihang palad, nakatakas ang kaniyang ina at agad na nakipag-ugnayan sa mga pulis.

“Akala ko po, mama, minumulto niyo lang ako,” hikbi niya nang yakapin siya muli nito.

“Ginagawa ko ‘yon upang ipaalam sa’yo na walang minutong hindi kita inisip. Lumaban ako para sa’yo, anak, ayokong lumaki ka sa puder ng ama mong gahaman at kr*minal,” sabi nito saka siya mariing niyakap.

Advertisement