Narinig ng Dalagang ito na Pinagpupustahan Siya ng mga Katrabaho; May Nakaligtaan pala Siyang Usapan na Labis Niyang Ikinakilig
“Inna, hindi ba’t gusto mo rin naman si Jael? Sabi mo pa nga sa akin, siya ang ideal man mo, eh, ‘di ba? Bakit ngayong nagtapat siya ng nararamdaman niya para sa’yo, pinagtabuyan mo naman siya at nilait? Nahihibang ka na ba?” ika ni Jokay sa kaniyang katrabaho, isang umaga nang mabalitaan niya ang ginawa nito sa isa pa nilang katrabaho.
“Basta, hayaan mo siya,” malamig na tugon ni Inna habang kinakain ang libreng almusal sa kanilang kantina.
“Anong basta? Sayang ‘yon, Inna! Ayaw mo bang maging masaya habang buhay kasama ang pinapantasiya mong lalaki?” pagtataka nito saka naupo sa tabi niya.
“Gusto ko, siyempre, Jokay, pero ayoko namang tanggapin ang pagtatapat niya nang alam kong dahil lang ‘yon sa pustahan nilang magtotropa,” kwento niya saka bahagyang napatigil sa pagkain.
“Anong pustahan ang sinasabi mo?” pang-uusisa pa nito.
“Narinig ko sila kahapon, nagpustahan sila na kung sino ang makakakuha ng loob ko, magkakaroon ng limang libong piso,” sagot niya saka bahagyang napatungo dahil sa pagpigil ng luha.
“Totoo ba ‘yan? Eh, walanghiya naman pala ‘yan, eh!” galit na sambit ng kaniyang katrabaho saka siya tinapik-tapik sa likuran.
“Oo nga, eh, kaya ko siya pinagtabuyan kahit na gustong-gusto ko siya,” hikbi niya dahilan upang tuluyan siyang yakapin nito.
Pihikan ang dalagang si Inna pagdating sa lalaki dahilan upang kahit siya’y magtatatlongpung taong gulang na, wala pa siya ni isang nagiging nobyo. Ligawin man siya, kapag nakitaan niya ng isang gawi o bagay ang lalaking nanliligaw sa kaniya na ayaw niya, agad na niyang tatapusin ang koneksyon niya rito.
Sa katunayan nga, mayroong binatang nanligaw sa kaniya na anak ng pinakamayamang basketbolista sa bansa, ngunit dahil nakita niya kung gaano kabagal kumilos ito na ayaw na ayaw niya sa isang tao, agad niyang sinabi rito na, “Ayoko sa’yo, pasensiya ka na,” dahilan upang agad din siyang ayawan nito.
Ngunit, ang pihikang puso niya, nabihag ng isa niyang katrabaho. Bukod kasi sa napakakisig nito, napakamaginoo pa nito dahilan upang kahit makitaan niya ito ng mga bagay na ayaw niya, hindi niya mapigilang mahulog dito.
Lalo pa nang unti-unti niyang maramdamang tila may pagtingin din ito sa kaniya. Madalas kasi siyang hinihintay nitong kumain, kung minsan pa, sinasabayan pa siya nitong umuwi. Ito ang dahilan upang tuluyan niyang pantasiyahin ang binatang ito.
Kaya lang, isang araw, hindi niya sadyang marinig ang usapan ng mga katrabaho niyang lalaki. Narinig niyang siya’y pinagpupustahan ng mga ito dahilan upang labis siyang magalit sa naturang binata nang minsan itong magtapat sa kaniya.
“Siguro, hindi pa talaga siya ang para sa akin. Sigurado ako ang lalaking nakatadhana sa akin, mas pipillin ako kaysa sa pera,” mangungumbinsi niya sa sarili.
Noong araw na ‘yon, habang siyang umiiyak sa balikat ng katrabahong babae, bigla na lang siyang nilapitan ng isa pa nilang katrabaho. Kabilang ito sa mga lalaking narinig niyang pinagpupustahan siya. Kaya wika niya rito, “Ano, magtatapat ka rin ba sa akin upang magbakasakaling manalo sa pustahan niyo?”
“Ah, eh, narinig mo nga siguro ang usapan namin, pasensiya ka na, pero hindi na namin ‘yon tinuloy. Nagalit kasi si Jael sa amin, eh, ayaw niya raw na ginaganoon na kaniya dahil balak ka na niyang ligawan simula pa lang noong makita ka niya rito,” kwento nito na labis niyang ikinagulat.
“Nagsasabi ka ba ng totoo, ha? Umayos ka!” sigaw niya rito.
“Oo, bawian man ako ng buhay! Diyos ko, nakakatakot ka! Ito o, kuhanin mo na, para makapagtrabaho na ako!” natatarantang sabi nito saka inabot sa kaniya ang isang tupperware na pagkain, “Gawa ‘yan ni Jael, pananghalian mo raw. Umalis siya, eh, sinama ni boss sa business trip. Huwag ka raw magpalipas,” nakangising sabi pa nito dahilan upang bahagya siyang kiligin.
Pagkaalis na pagkaalis ng katrabaho nilang iyon, agad silang nagtinginan ni Jokay saka sila nagtilian dahil sa kilig na nararamdaman.
Ang pagpaparamdam na iyon ng naturang binata ay nasundan pa nang nasundan hanggang siya’y tuluyan na nitong yayaing lumabas.
“Sigurado ka bang hindi ito kabali sa pustahan niyo?” tanong niya rito.
“Kahit kailan hindi ka kailangan pagpustahan, mahalaga ka sa sa’kin kaya hindi ka dapat kinukumpara sa pera,” nakangiting sabi ni Jael saka mahigpit na hinawakan ang kaniyang kamay.
Doon niya labis na napagtantong kahit na mapili siya, may lalaki pa rin pa lang makakaintindi sa kaniya at mamahalin siya nang tunay higit sa pera at karangyaan.