Niyaya ang Babae ng Kaniyang Nobyo na Magkita Sila Para Mag-Date; Magugulantang Siya Sa Kanilang Pagkikita
Habang nagluluto sa kusina si Emily ay biglang tumunog ang cell phone niya. May nagtext.
Nang tingnan niya ang mensaheng naroon ay labis niya iyong ikinatuwa.
“Aba, si honeybabe pala!”
Nabasa niya sa text na gustong makipagkita sa kaniya ng boyfriend niyang si Alexis. Magkita raw sila sa mall kung saan palagi silang nagde-date. Bigla niya ring naalala na ikatlong anibersaryo na pala nila bilang magkasintahan kaya naisip niyang baka gustong iselebra ng nobyo ang kanilang anibersaryo sa araw na iyon. Excited naman siya dahil may sasabihin din siya sa lalaki na siguradong ikatutuwa rin nito. Siya ay dalawang buwan nang nagdadalantao at gusto niya itong sorpresahin si Alexis sa magandang balita.
“Sasabihin ko na sa papa mo ang tungkol sa iyo baby ko,” nangingiting wika ni Emily sa isip.
Pagkatapos niyang magluto ay agad siyang naghanda para sa pakikipagkita sa nobyo. Dali-dali siyang pumunta sa kuwarto niya at inilabas ang susuotin. Namili siya ng damit sa aparador.
“Alin kaya rito sa mga bago kong damit ang magugustuhan ni Alexis? Kailangan na maganda ako sa paningin niya.”
Hanggang sa makuha niya ang isang kulay rosas na bestida. Naalala niya na iniregalo iyon ng kaniyang nobyo noong nakaraang buwan ngunit hindi pa niya nasusuot kaya iyon ang isusuot niya sa date nila.
“Bagay na bagay sa akin ito. Tiyak na kapag nakita ako ni honeybabe ay maglalaway siya sa akin,” nakangiti pa ring sabi niya sa sarili.
Matapos ihanda ang susuotin ay pumasok na siya sa banyo para maligo. Maya maya ay nagbihis na siya at nagpaganda sa espesyal na araw.
“Matagal kong hinintay ang araw na ito. Parang nakikita ko na ang magiging reaksyon ni Alexis kapag nalaman niya na dinadala ko ang aming anak,” aniya sa isip.
‘Di nagtagal ay lumabas na siya ng bahay at pumara ng taxi. Ilang minuto lang ay narating na niya ang mall kung saan sila magkikita.
“Ang bilis lang ng biyahe. Mabuti at nakarating ako agad.”
Sinulyapan niya ang kaniyang wristwatch at nakitang alas onse y media pa lang ng umaga. May ilang minuto pa bago siya pumunta sa restaurant na binanggit ng nobyo sa text kung saan sila magde-date.
Naisip niyang ibili muna ito ng regalo sa gift shop.
Pagdating sa bilihan ng mga pangregalo ay hindi niya malaman kung ano ang ibibigay niya kay Alex.
“Ano kaya ang puwede kong iregalo kay honeybabe?”
Napansin niya ang isang kulay asul na panyo na may binurdahang disenyo. Naalala niya na kulay asul ang paboritong kulay ng nobyo kaya iyon na lang ang binili niya para iregalo rito.
“O, ayan, bukod sa iyo baby, may regalo pa ako sa papa mo,” nakangiting sabi ni Emily sa isip habang hinihimas ang tiyan.
Nang tingnan niya ulit ang oras sa wristwatch ay nakita niyang eksaktong alas dose na ng tanghali. Nagmamadali siyang pumunta sa restaurant na sinabi ni Alexis kung saan sila magkikita. ‘Di nagtagal ay narating niya iyon. Naka-reserve na pala ang mesa na pagkakainan nila pero nagulat siya na wala pa roon ang nobyo. Hindi naman ito nale-late kapag nagkikita sila. Maya maya ay may biglang dumating na babae at dumiretso sa kinauupuan niya.
“Hello, ikaw ba si Emily?” seryosong tanong ng babae na nakasuot ng kulay pulang bestida. Napansin niya na maganda rin ito at may mahabang buhok.
“A-ako nga. Anong kailangan mo sa akin?” nagtataka niyang tanong.
Bigla na lang itong umupo sa upuan na nakaharap sa kaniya.
“Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Ako si Grace, ang asawa ni Alexis!” hayag ng babae.
“Hindi nakakilos si Emily sa sinambit ng babaeng kaharap.
“A-asawa? A-anong ibig mong sabihin?” nauutal niyang tanong.
“Hindi ba niya sinabi sa iyo na mayroon siyang asawa? Heto o, kasal kami at may dalawa na rin kaming anak,” bunyag pa ng babae saka ipinakita sa kaniya ang suot na singsing.
Labis na ikinabigla ni Emily ang natuklasan niya. Ang lalaking minahal niya ng tatlong taon, ang lalaking pinagbigyan niya ng sarili at pinagkatiwalaan ay niloko lang pala siya. May asawa na pala ito, kasal at may mga anak pa!
“Kailan ko lang nalaman ang tungkol sa iyo at sa lihim niyong relasyon ng asawa ko. Mabuti na lang at nabasa ko ang mga text messages niyong dalawa sa cell phone niya kundi ay hindi ko matutuklasan ang pambababae niya. Ako rin ang nag-text sa iyo para magkita tayo rito at ako rin ang nagpa-reserve sa restaurant na ito. Nagpanggap akong si Alexis para makita ko at makaharap ang kabit niya.”
Gusto nang maluha ni Emily sa kinauupuan.
“H-hindi ko alam na may-a-asawa na siya… h-hindi ko talaga alam…”
“Kung gayon ay nagoyo ka ng asawa ko. Niloloko ka lang niya at ginawang parausan. Wala siyang balak na seryosohin ka kaya kung ako sa iyo, kalimutan mo na ang asawa ko at putulin mo na ang ugnayan niyong dalawa kung ayaw mong maeskandalo ka pa!” galit na pagbabanta ng babae.
Walang mukhang maiharap si Emily sa tunay na asawa ni Alexis. Kahit hiyang-hiya na ay sinagot niya ito.
“Huwag kang mag-alala. Hinding-hindi na ako magkikipagkita pa sa kaniya. Ayoko rin ng eskandalo,” aniya.
“Maayos ka naman palang kausap, e. Puwes kung gayon ay nagkakaintindihan tayo. Ayoko nang malalaman na nagkikita pa kayo, naiintindihan mo? Sa ngayon, i-enjoy mo na lang ang moment na ito sa restaurant para hindi naman sayang ang ginastos ko. Pampalubag loob ko na ito sa iyo, ” kutya pa ng kaharap.
‘Di nagtagal at umalis na ang babae at naiwan siyang nakatulala. ‘Di na rin niya napigilan ang luhang kumawala sa mga mata niya.
“Hay*p ka, Alexis. Manloloko ka!” hiyaw niya sa isip.
Masamang-masama ang loob ni Emily na nilisan ang lugar na iyon at nagmamadaling umuwi sa kaniyang bahay.
Buong araw siyang nag-iiyak sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Alexis. Napagdesisyunan niya na hindi na siya makikipagkita pa rito. Hindi na rin niya ipapaalam pa sa lalaki na nagbunga ang kanilang minsang pagniniig.
“Wala kang karapatang malaman na nagkaanak tayo. Kaya kong buhayin at mahalin ang anak ko kahit wala ka. Hindi rin kaya ng konsensya ko na manira ng isang pamilya,” giit niya sa isip.
Nag-empake ng mga damit ni Emily at napagpasyahan na magpakalayu-layo na, sa hindi na siya mahahanap at masusundan pa ng lalaking nanloko sa kaniya.
Sa isang iglap ay biglang gumuho ang pagmamahal niya kay Alexis. Sa ngayon ay mas mahalaga ang kaniyang anak, bubuhayin niya ito kahit mag-isa lang siya. Mas pinili niyang gawin ang tama kaysa may mawasak na pamiya nang dahil sa kaniya.