Naaawa Siya sa Anak dahil Pinagtataksilan Ito ng Kinakasama; May Alas Naman Pala Itong Itinatago
Agad na nagpantig ang tainga ni Marilou nang malaman niyang makikitira sa bahay ng kaniyang anak ang kaibigan nitong dalaga. Hindi niya mawari kung bakit nang makita niya ito, agad siyang nakaramdam na may masama itong balak sa kinakasama ng kaniyang anak.
Bukod kasi sa pulang-pula ang labi nito nang araw na dumating ito sa bahay ng kaniyang anak at nakikiusap na makitira, nakita niya pa kung paano nito binaba ang damit para makita ng kinakasama ng kaniyang anak ang itaas na bahagi ng dibdib nito.
Doon na niya unang binalaan ang kaniyang anak. Ngunit kahit sinabi niya ritong, “Mag-ingat ka, anak, at manmanan mo ‘yang kaibigan mo. Lalo na ngayong nagdadalantao ka dahil pakiramdam ko, may maitim ‘yang balak sa nobyo mo. Kawawa naman ang magiging anak mo kung lalaking walang ama!” siya’y tinawanan lang nito.
Tugon pa nito, “Mama, hinding-hindi magagawa sa akin ‘yon ng matalik kong kaibigan! Para na kaming magkapatid noon, sigurado akong hindi niya ‘yon sisirain dahil lang sa tawag ng laman!”
“Paano ka nakakasiguro, ha, mukhang malandi pa sa bayarang babae ang kaibigan mo! Paano na lang kapag pumasok ka sa trabaho at silang dalawa lang ang maiiwan d’yan sa bahay niyo?” sabi niya rito.
“Imposible po iyon, mama, huwag na kayong mag-isip ng kung ano pa,” sabi lang nito sa kaniya dahilan para siya’y mapailing na lamang.
Bawat araw na umaalis ang kaniyang anak, siya’y sumisilip-silip sa bahay nito para makita kung anong ginagawa ng kinasama nito at ng kaibigan nito.
Isang araw pagdalaw niya sa bahay ng anak, nakita niyang magkasabay na nagsisipilyo ang dalawa at nang hindi siya mapansin ng mga ito, siya’y umubo nang napakalakas kaya dali-daling nagsilayuan sa isa’t-isa ang dalawa.
“Hoy, ikaw, lalaki, kailan mo balak magtrabaho? Hindi pupwedeng anak ko lang kumakayod habang ikaw, nagpapalaki lang ng katawan dito sa bahay habang kumakain ng pagkaing pinaghirapan ng anak ko!” sermon niya rito para rin mabalaan ang kaibigan ng anak kung gaano katalas ang dila niya.
“Nag-aapply na po ako, mama,” nakatungong tugon nito saka agad na nagmumog.
“Huwag mo akong matawag-tawag na mama! Ilang buwan mo nang sinasabing nag-aapply ka, hanggang ngayon, wala pa!” sigaw niya pa rito saka padabog na tiningnan ang ref ng anak na ngayon ay wala nang laman.
Buong akala niya, iyon na ang huling pagkakataon na makikita niya ang dalawa na magkadikit. Ngunit kinagabihan, nang malaman niyang gagabihin ng uwi ang kaniyang anak, siya’y agad na nagpunta sa bahay nito at siya’y labis na nagulat sa narinig niya sa sala pa lang ng bahay.
Naglalangit-ngitan ang kama ng kaniyang anak habang rinig na rinig niya ang ungol ng dalaga. Sa sobrang inis niya, dali-dali niyang tinawagan ang anak saka pinarinig dito ang ingay na nagagawa ng dalawa.
“Pauwi na po ako, mama, sa bahay niyo po tayo magkita,” tangi lang nitong sabi kaya siya’y labis na nakaramdam ng awa sa anak.
Mangiyakngiyak niya itong hinintay habang nagdadasal na sana’y huwag umiyak sa harapan niya ang anak. Maya maya pa, dumating na nga ito sa kaniyang bahay kaya agad niya itong niyakap.
“Umuwi ka na sa bahay mo! Tiyak maaabutan mo pa sila, anak! Ipahiya mo silang dalawa! Hindi maaaring tapakan nila ang pagkatao mo sa sarili mong bahay!” payo niya rito.
“Hayaan niyo po sila, mama,” tangi lang nitong sabi.
“Paano na ang anak mo? Hindi pupwede ito!” sigaw niya.
“Hindi naman po siya ang ama ng anak ko, eh,” pagtatapat nito na ikinatigil ng mundo niya.
“Tingin niyo po ba magpapabuntis ako sa isang lalaking wala na ngang trabaho, tamad at palaasa pa? Matalino at madiskarte ako, mama, kaya ko nga nabingwit ang boss ko, eh. Matagal na kaming hiwalay ng lalaking ‘yon, mama, kaya ayos lang sa akin kahit magkaanak siya sa kaibigan kong walang kahihiyan sa katawan,” dagdag pa nito, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang mapalunok na lang ng laway dahil sa buhol-buhol na pangyayaring nasasaksihan niya.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, hinila siya ng kaniyang anak sa bahay nito saka pinalayas ang dalawa.
“Maghanap-buhay kayong dalawa para may pang-motel kayo!” sigaw nito na bahagya niyang ikinatawa.
Ilang araw pa lumipas, tuluyan nang namanhikan sa kanila ang boss ng kaniyang anak kasama ang pamilya nito. Hindi niya lubos akalaing maikakasal ang kaniyang anak sa isang pamilyang marangya na nga ang buhay, mababait at maka-Diyos pa.
“Salamat sa Diyos, nasa mabuting kamay na ang anak ko,” sabi niya sa sarili habang sabay-sabay silang kumakain sa isang mamahaling restawran.