Pinagtatawanan ng Kapwa Tindero ang Tindero ng Uling na Ito, Sino Kaya ang Magbibigay Pag-asa sa Kaniya?
Umaga na naman sa palengke ng Bulakan. Rinig na rinig na naman ang ingay ng mga tinderang todo kung makaalok ng kani-kanilang paninda sa mga mamimiling nagkukumahog din sa pamimili.
“O, murang-mura na lang ‘tong aking mga gulay! Trente kilo na lang ang repolyo, bili na!” sigaw ng isang tindera habang hinaharang ang mga dumadaang mamimili sa kaniyang pwesto.
“Bangus kayo riyan! Mura na, sariwa pa! Tatanggalan ko pa ng tinik sa mga mamimiling sexy!” sigaw ng isang tindero habang tinataboy ang mga langaw sa kaniyang paninda.
Sa kabila ng ingay ng palengke, tahimik lang na naghihintay ng kustomer ang tindero ng uling na si Harold. Kahit anong ingay man kasi ang gawin niya upang makuha ang atensyon ng mga mamimili, walang gustong bumili sa mga paninda niya dahil halos lahat ng tao ngayon, kung hindi gumagamit ng kalan na de gasolina, ang iba’y nakakalan na de kuryente na.
Maswerte na siya kapag siya’y pinupuntahan ng iba niyang kapitbahay na gumagamit pa rin ng kalan de uling para bumili sa kaniya dahil kung wala ang mga ito, lilipas ang isang araw na wala siyang kita dahilan para siya’y pagtawanan ng mga kapwa niya tindero’t tindera sa palengke kapag napapadaan sa pwesto niya.
“Sabi ko naman sa’yo, Harold, magsara ka na! Sino ba naman kasing bibili ng uling ngayon? Iilan lang naman ang gumagamit niyan dito sa bayan natin! Wala ka ring diskarte, eh! Ang dami-dami mo pang inangkat!” patawa-tawang sabi ng isang tindero sa kaniya.
“Oo nga, nagsasayang ka lang ng pera at panahon! Kung ako sa’yo, maghanap ka na ng trabaho para mabawi mo ‘yang pinangpuhunan mo riyan!” payo pa ng isa habang tinitingnan ang lagayan niya ng benta na walang laman.
“Baguhan ka pa talaga sa pagnenegosyo!” tawang-tawang segunda pa ng unang tindero na talagang ikinawala na niya ng pag-asa.
Dahil sa ginawang iyon ng mga kapwa tindero sa kaniya, kahit hindi pa siya nakakalahating araw sa palengke, agad na rin siyang nagsara para matigil na lang ang pangungutya sa kaniya.
“O, bakit ang aga mong umuwi, mahal? May nangyari bang masama sa pwesto mo?” bungad ng kaniyang asawa dahilan para ikuwento niya rito kung anong ginawa sa kaniya ng mga kapwa tindero, “Ano ba naman ‘yan sila? Imbes na kayong mga tindero ang magtulungan, pagtatawanan ka pa! Kuhanan mo lahat ng binili mong uling, ilalako natin sa buong bayan!” galit na sabi nito na ikinapagtaka niya.
“Sino namang bibili sa atin ng mga uling, mahal?” tanong niya rito.
“Hindi maaaring walang may kailangan niyan, mahal! Pupuntahan natin ‘yong mga ihawan sa parke, mga restawran na gumagamit ng kalan de uling at kung saan pa! Hindi ako papayag na inaapi-api ka nila!” sambit nito saka agad na tumawag sa kapatid niyang may tricycle.
Gusto man niyang pigilan ang asawa dahil hindi siya sigurado sa plano nito, hindi niya na nagawa dahil mainit na ang ulo nito.
Pagkadating ng kapatid niya, agad itong nagpahatid sa palengke saka hinakot lahat ng kaniyang biniling uling. Wala na rin itong sinayang na panahon at agad na nagtungo sa mga nagtitinda ng inihaw sa parke ng kabilang lalawigan. Laking gulat niya, nang ito’y maubos pagkarating na pagkarating nila roon.
“Pa-paano mo nabenta lahat ‘yon, mahal?” manghang-mangha niyang tanong.
“Tandaan mo, kapag wala kang swerte sa isang lugar, lumabas ka at humanap ng lugar kung saan swerte ang lalapit sa’yo. Isipin mo kung saan bebenta ang paninda mo. Kung hahanay ka sa mga gulay at prutas, tiyak na lalangawin ka talaga, mahal,” malumanay nitong paliwanag sa kaniya habang hawak ang kamay niya dahilan para ganoon na lang muling bumalik ang kasabikan niya sa pagtitinda.
“Manong, may uling pa ba kayo? Naubusan ako, eh!” sabi ng isang tinderang hindi nakabili ng kanilang uling.
“Makakapaghintay po ba kayo? Mag-aangkat lang kami tapos didiretso na kami rito!” sagot niya na sinang-ayunan naman nito kaya sila’y dali-daling nag-angkat ng uling.
Doon nagsimula ang pag-arangkada ng kanilang negosyo hanggang sa pati mga negosiyante sa kalapit na bayan, sa kanila na rin kumukuha ng uling at iba pang paninda kagaya ng kaldero, ihawan, kalan na gawa sa semento, at marami pang iba.
Halos dalawang taon lang ang binilang nila ng kaniyang asawa at sila’y tuluyan nang umasenso sa buhay. Ngayon, ang pwesto ng mga tindero’t tinderang pinagtatawanan at minamaliit ang kaniyang mga paninda ay pagmamay-ari na niya. Nabili niya ito dahil sa panindang pinagtatawanan ng mga mapanghusgahang tindero noon.
Kung dati’y “baguhang negosiyante” ang tawag ng mga ito sa kaniya, “boss” na ngayon ang bati ng mga ito.