Galit sa Araw ng Pasko ang Ginang na Ito; Makulayan Kaya ng Isang Binata ang Bahay Niyang Walang Kasigla-sigla?
Kung ang iba’y sabik na sabik sa araw ng Pasko, ito naman ang araw na ayaw dumating ng ginang na si Mildred. Ni hindi siya lumalabas ng kaniyang bahay, hindi niya hinahayaang may mangaroling sa bahay niya, hindi siya naglalagay ng kung anumang dekorasyon sa kaniyang bahay katulad ng ibang ginang at lalo’t higit, hindi siya tumatanggap o nagbibigay ng regalo kanino man.
Maraming nagtataka sa pag-uugali niyang ito. Ang iba’y sinasabing normal lang ang pag-uugali niyang ito dahil siya’y matanda na at walang asawa habang ang iba niya namang kapitbahay ay sinasabing sadyang masama lang talaga ang ugali niya. Ngunit hindi alam ng karamihan ang poot na kinikimkim niya sa dibdib tuwing araw ng Pasko.
Magdadalawang dekada na ang nakalipas simula nang malaman niya na ang asawa niya at ang kaniyang ina ay may tinatagong relasyon sa kaniya. Kaniya ring napag-alamanan noon, sa mismong araw ng Pasko, na pinagbubuntis ng kaniyang ina ang anak ng kaniyang asawa na talagang nagbigay sa kaniya ng matinding galit.
Simula noon, agad niyang pinutol ang ugnayan sa kaniyang ina’t mga kapatid na galit pa sa kaniya. Nakipaghiwalay na rin siya sa kaniyang asawa at nagpakalayo-layo para makalimot.
Pero kahit siya’y malayo na at ilang taon na ang lumipas, sariwa pa rin ang sakit na nararamdaman niya dahilan para ganito na lang ang ipakita niyang ugali sa kaniyang mga kapitbahay lalo na kapag sasapit ang kapaskuhan.
May pagkakataon pa ngang pati mga bata na nangangaroling ay binuhusan niya ng kaniyang ihi mula sa arinola para lamang magtanda na huwag na siyang abalahin pa.
Ngunit kahit pa tampok ang usapan na ito sa kanilang barangay, may isang binata pa rin ang pilit na nag-aalok sa kaniyang ng parol. Naririnig man niyang pinagsasabihan ito ng iba niyang kapitbahay na baka ito’y mabuhusan lang gaya ng iba, siya’y nagulat sa sinabi nito, “Baka naman po kasi may problema siya, malay niyo po sa pag-aalok ko sa kaniya ng parol, magsimulang gumanda ang Pasko niya.”
Kahit pa narinig niya ang sinabing ito ng binata, hindi niya pa rin ito kinibo at dali-daling pinaalis nang marinig niya itong kumakatok sa kaniyang pintuan. “Umalis ka na, hijo, hindi mo pa rin ba makuha? Ayokong bumili ng parol mo!” sigaw niya rito dahilan para ito’y agad na umalis sa tapat ng kaniyang bahay.
Buong akala niya’y titigilan na siya ng binatang iyon pero kinabukasan, laking gulat niya naman nang alukin siya nito ng maliit na Christmas tree at ilang Christmas lights na inaayos pa nito sa tapat ng bahay niya. Dito na siya napuno kaya kinausap na niya ito nang masinsinan.
“Kailan ka ba titigil sa pangungulit sa akin, ha?” masungit niyang tanong dito.
“Hanggang sa magliwanag din po ang bahay niyo katulad ng mga bahay sa paligid niyo. Malapit na ang Pasko pero parang Halloween pa rin po sa bahay niyo,” patawa-tawa nitong sabi na lalo niyang ikinainis.
“Pilyong bata ka! Ano’ng pakialam mo? Sino ka ba para pakialamanan ang buhay ko?” galit niyang tanong dito.
“Ako po si June, taga-kabilang barangay lang po ako. Pagtitinda po ng mga pangdekorasyon tuwing Pasko ang kinabubuhay namin ng tatay ko. Kaya po, parang kinukurot ang puso ko kapag napapadaan ako rito sa bahay niyo at wala man lang kailaw-ilaw,” sarkastiko nitong tugon na ikinapanggalaiti niya na talaga.
“Pumikit ka na lang kapag dadaan ka rito dahil kahit ano’ng gawin mo, ayoko sa Pasko!” bulyaw niya rito saka ito agad na tinulak palayo upang masarhan na niya ang kaniyang pintuan.
“Sa totoo lang po, ayoko rin po talaga sa Pasko. Iyon po kasi ‘yong araw na nawala ang nanay at tatlong kapatid ko dahil sa sunog. Kaya nga po may peklat ako sa buong katawan ko, sinuwerte lang po talagang nabuhay pa ako. Pero naisip ko po, bakit ko naman kagagalitan ang araw na ‘yon? Iyon ang kaarawan ng Panginoong nagbibigay sa akin ng lakas para makayanan ang mapait na pangyayaring iyon,” kwento nito dahilan para siya’y mapatigil, “Kung ano man po ‘yong dahilan niyo kung bakit ayaw niyo sa Pasko, sana po matulungan niyo ang sarili niyong tanggapin ‘yon.”
“Karapatan niyo pong sumaya at magdiwang sa araw ng Pasko!” dagdag pa nito saka iniwan sa harap niya ang dalang pangdekorasyon at agad na tumakbo palayo.
Hindi niya napigilang umiyak matapos ang pag-uusap nilang iyon ng binata. Tila ba may muling nagpalambot sa puso niya dahilan para maunawaan niya na siya’y nagsasayang lang ng panahon dahil sa galit na kaniyang nararamdaman.
Kaya naman pagkalipas ng ilang araw, nang matanggap na niya ang mapait na pangyayari sa pamilya niya, siya ay nagdesisyon na ring tuluyang tuldukan ang paghihinagpis at muling buksan ang kaniyang pintuan sa saya sa buhay.
Nilagay niya nga bilang pailaw ang Christmas lights na bigay ng binata sa kaniyang bahay, tinayo niya ang Christmas tree na bigay nito, at nagsimula na rin siyang mamili at magbalot ng mga regalong ibibigay niya sa mga kapitbahay niya, mga batang nangangaroling, at lalo na sa binatang nagbigay pag-asa sa kaniya.
Sa ganoong paraan, muli siyang nakaramdam ng tunay na saya. Hindi man niya kasama ang asawang minahal niya nang lubos at ang pamilyang kaniyang pinagkatiwalaan, masaya niyang pinagdiwang ang Kapaskuhan kasama ang binata at ang ama nito na hindi kalaunan, naging pangalawa niyang asawa. Doon na nagsimulang gumanda at sumaya ang buhay niya na hindi niya lubusang inakala.