Inday TrendingInday Trending
Pinilit Niyang Iire ang Bata Kahit Gusto na ng Doktor na Siya’y Biyakin; Ligtas Niya Kaya Itong Maisilang?

Pinilit Niyang Iire ang Bata Kahit Gusto na ng Doktor na Siya’y Biyakin; Ligtas Niya Kaya Itong Maisilang?

Buwan na ng Nobyembre. Ito na ang pinakahihintay na buwan ng soon-to-be mom na si Agnes. Bago pa man dumating ang takdang araw ng panganganak niya, lahat ng kailangan ng kaniyang anak simula sa mga damit nitong pinakuluan niya pa sa tubig para masigurong malinis hanggang sa iba pang mga gamit na kakailanganin nito sa ospital kagaya ng lampin, alcohol, baby oil, diaper, at marami pang iba ay agad na niyang hinanda.

Ang batang dinadala niya ngayon ay ang una nilang anak ng kaniyang asawa. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya makaramdam ng kasabikan sa pagdating nito sa kanilang mundo.

“Siguradong mas sasaya ang buhay natin kapag lumabas na si baby!” ngiting-ngiti niyang sabi sa kaniyang asawa habang sila’y naghahanda sa pagpunta nila sa ospital.

“Sinabi mo pa! Sana makuha niya ang kagwapuhan ko at ang katalinuhan mo!” tugon nito na bahagyang ikinakunot ng noo niya.

“Para mo namang sinabing pangit ako!” singhal niya rito dahilan para ito’y matawa.

“Hindi sa ganoon, mahal! Napakaganda mo kaya! Ikaw lang yata ang babaeng kahit nagdadalang-tao, blooming pa rin!” pambobola nito na ikinatawa niya na rin, “Teka lang, mahal, talaga bang kailangan nating magpa-admit na sa ospital kahit sa isang linggo pa ang due date mo? Ni hindi pa nga humihilab ang tiyan mo, ‘di ba?” tanong nito nang mapalinga sa kanilang kalendaryo.

“Ano’ng gusto mo? Saka mo lang ako dadalhin sa ospital kapag pumutok na ang panubigan ko?” pagtataray niya rito.

“Hindi naman sa ganoon, mahal. Lalaki kasi ang gastos natin kapag maaga kang nagpadala sa ospital,” pag-aalala nito.

“Ayos lang na gumastos tayo nang malaki kung masisiguro naman natin ang kaligtasan ng baby natin! Kaysa naman makakatipid nga tayo, nasa hukay naman ang parehas naming paa!” sabi niya na agad naman nitong sinang-ayunan kaya matapos nilang mag-ayos, agad na rin silang nagtungo sa naturang ospital.

Habang naghihintay na siya’y maipasok sa isang silid sa ospital, narinig niya ang usapan ng ilang ginang na nagpapatingin ng kanilang dinadalang bata.

“Sisiguraduhin kong maino-normal delivery ko ‘tong anak ko para wala na akong tahi sa tiyan, maliit pa ang bill na babayaran ko rito sa ospital!” sambit ng isang ginang na tingin niya’y malapit na ring manganak.

“Ako nga rin, eh, gusto ko rin talagang iire na lang ‘tong anak ko! Kaya naman, eh, ‘yong dalawa ko ngang anak, parehas ko lang inire, ayos naman! Hindi naman putol ang kamay o paa!” biro ng isa pang ginang na kahit siya’y napatawa.

“Makakapag-bikini ka pa pagkatapos mong manganak, ano?” sabat pa ng isa, kaya ganoon na lang niya tinatak sa kaniyang isipan na kailangan niyang maiire ang kaniyang anak.

“Sa bagay, magandang karanasan sa isang babae ang makapagbigay ng buhay sa isang sanggol sa pamamagitan ng pag-ire. Kaya ko rin ‘yon!” sambit niya sa sarili saka na siya tuluyang dinala ng kaniyang asawa sa silid na nakuha nito.

Habang naghihintay na lumipas ang mga araw, wala siyang ibang ginawa sa kaniyang silid kung hindi ang maglakad-lakad, mag-ehersisyo, at kumain nang masustansiyang pagkain upang masiguro niya na walang magiging aberya sa kaniyang pag-ire.

Ngunit habang siya’y naglalakad-lakad isang umaga, bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan kaya dali-dali niyang tinawagan ang kaniyang ina upang ibalita ito at sabihing malapit na siyang manganak.

“Anak, kapag sinabi ng doktor na bibiyakin na ang tiyan mo, pumayag ka na agad, ha? Huwag ka nang makipagsapalaran!” bilin nito.

“Pero, mama, gusto kong mai-normal delivery ang anak ko!” giit niya rito.

“Pupwede mo namang subukang iire ang bata, anak, pero kapag sinabi na ng doktor mo na biyakin ka na, makinig ka na agad, ha?” pakiusap nito na ikinailing niya.

“Oo na, sige na, mama, baka anumang oras, pumutok na ang panubigan ko!” tangi niyang sabi saka agad nang binaba ang tawag.

Kahit pa siya’y pinayuhan na ng ina, hindi niya pa rin ito sinunod. Nang siya’y dalhin na sa delivery room, agad na siyang pinakiusapan ng doktor na biyakin na lang ang kaniyang tiyan dahil malaki ang kaniyang anak at maaari pa itong masakal ng pusod.

Ngunit dahil nga gusto niyang iire lang ito, siya’y nagmatigas at sinabing, “Kaya ko po siyang iire, dok!” dahilan para siya’y sundin ng doktor.

Ilang beses niyang pilit na inire ang bata ngunit ayaw talaga nitong lumabas.

“Ma’am, bibiyakin na kita, mawawalan ng buhay ang bata kapag inire mo pa siya!” sabi nito sa kaniya.

“Ayoko! Ayokong magpabiyak! Ayokong magkapeklat! Kayang-kaya ko siyang iire!” sigaw niya saka siya umire nang buong lakas, doon na niya tuluyang nailabas ang bata.

Pero kahit ano’ng tapik ng doktor dito, wala siyang marinig na iyak. Doon na siya nagpumilit na bumangon para makita ang anak at agad siyang nanlumo nang makitang kulay ube na ito’t may dumi na sa bibig.

“Nalason na siya ng dumi mo, ma’am,” malungkot na sabi ng doktor saka dineklara ang pagkawala nito.

Gustuhin man niyang maiyak habang yakap-yakap ang walang buhay na sanggol, wala siyang mailabas na luha dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya.

“Bakit ba kasi sarili ko ang inisip ko? Bakit ako nakinig sa mga ginang na iyon? Bakit hindi ako nakinig sa nanay ko? Mahal, anong gagawin natin ngayon?” ngalngal niya sa asawa niyang tuliro na rin sa bigat na nararamdaman.

Katakot-takot na paghingi ng tawad ang ginawa niya sa katawan ng kaniyang anak. Hindi man niya ito nakitang may buhay dahil sa pagiging makasarili niya, nagpapasalamat pa rin siya dahil sa loob ng siyam na buwan, sumaya siya habang dinadala ang anak.

“Sa susunod na pagbubuntis ko, pangako, ang bata na ang iisipin ko, mahal, patawarin mo ako,” sabi niya sa umiiyak na asawa matapos nilang ilibing ang kanilang anak.

Advertisement