Inday TrendingInday Trending
Tinatanggihan Niya ang Hiling ng Inang Baldado na Magpakarga at Magpasayaw; Nang Tugunan Niya Ito, Luha ang Umagos sa Kaniyang Mata

Tinatanggihan Niya ang Hiling ng Inang Baldado na Magpakarga at Magpasayaw; Nang Tugunan Niya Ito, Luha ang Umagos sa Kaniyang Mata

Inis ang palaging nararamdaman ng binatang si Kiko tuwing naglalambing ang kaniyang ina na wala nang buhay ang ibabang bahagi ng katawan. Madalas kasi nitong hinihiling na kargahin niya ito at isayaw kagaya ng ginagawa nito sa kaniya noong bata pa lamang siya.

Kahit na tandang-tanda niya pa kung paano siya kumakalma sa tuwing kinakarga at sinasayaw siya ng kaniyang ina noong siya’y bata pa kasabay ng isang paborito nitong awitin, hindi niya pa rin ito pinagbibigyan. Bagkus, kung hindi niya ito matinding sesermunan upang magtigil sa kakangutngot, hindi niya ito papansin hanggang sa mapagod na lang ito at tumigil.

Noong mga unang buwan ng pagkabaldado nito, naaalagaan niya itong maigi sa tulong ng kaniyang kapatid. Pati nga paglilinis ng pribadong parte ng katawan nito, siya pa ang gumagawa para matuwa ang panganay niyang kapatid at siya’y ipadala sa abroad kung saan na ito nakatira.

Sa mga araw ding iyon, halos araw-araw niyang kinakarga ang kaniyang ina para isayaw na talaga nga namang nagbigay ng kasiyahan dito.

Ngunit dahil dito, natuwa rin ang kaniyang kapatid at siya’y pinakiusapan na siya na ang mag-alaga sa kanilang ina.

“Tutal, alam mo naman, bunso, kung paano alagaan at pasayahin si mama, ikaw na lang muna ang mag-alaga sa kaniya, ha? Alam mo namang hindi ko maiiwan ang mga anak ko sa States. Pero huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa lahat ng gastusin niyong dalawa pati mga gamot ni mama,” pakiusap ng kapatid niyang ito na hindi naman niya natanggihan dahil wala na talagang pupwedeng mag-alaga sa kanilang ina.

Kaya naman, noon bumalik na sa abroad ang kapatid niyang ito, ganoon na lang siya nawalan ng gana na pasayahin ang ina. Katwiran niya palagi sa ina tuwing ito’y namimilit na magpakarga, “Pagod na nga ako sa pag-aasikaso sa buong bahay at pag-aalaga sa inyo, tapos magpapakarga pa kayo? Hindi mo ba alam na doble ang bigat mo ngayon dahil wala nang buhay ang kalahating parte ng katawan mo? Sana nga hindi ko na pinakita kay ate na kaya kitang alagaan para hindi ako nahihirapan nang ganito! Tumatanda kang paurong, mama!” dahilan para ito’y manahimik na lang sa kinahihigaang kama buong araw habang nagbabasa ng kung ano mang libro.

Ngunit isang araw, siya’y labis na nagtaka sa kilos ng kaniyang ina. Kahit kasi palagi niya itong tinatanggihan sa kagustuhan nitong magpakarga at magpasayaw, kinabukasan ay kukulitin siya nito ulit. Pero ngayong araw, tahimik lang itong kumain ng pagkaing binigay niya at muli na ring natulog dahilan para siya’y mag-alala at usisain na niya ito.

“Ayos lang ka ba, mama? Bakit parang ang tahimik mo ngayong araw? May iba ka bang nararamdaman sa katawan mo? Bakit hindi mo ako kinukulit na kargahin ka?” tuloy-tuloy niyang tanong dito nang makita niyang gising na ito.

“Ayos lang ako, anak. Wala lang siguro akong lakas ngayon para mangulit sa’yo. Saka, hindi mo rin naman ako pinagbibigyan. Nakakapagod din palang mangulit. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit sobrang kulit mo dati pero kapag hindi kita pinagbibigyan, tatahimik ka na lang dahil sa pagod,” kamot-ulo nitong sabi na labis niyang ikinakonsensya.

“Kinokonsensya mo pa ako! Halika na nga, kakargahin at isasayaw na kita!” napilitan niyang sabi para lang muling magkagana ang ina.

“Talaga ba, anak? Naku, maraming salamat!” sabik na sabik na sabi nito saka itinaas ang dalawang kamay na para bang batang handa nang mapakarga.

Pagkakarga niya rito, agad niya itong sinayaw kagaya nang pagsasayaw sa kaniya nito noong kabataan niya. Inawit niya rin ang paborito nitong kanta upang lalo itong sumaya.

“Sa wakas, makakapagpahinga na ako,” bulong nito sa tainga niya, nakaramdam man siya ng pagkabasa sa balikat niya kung saan ito nakahilig, hindi niya ito kinibo.

“Bakit, mama? Hindi ka ba nakakapagpahinga sa kama mo? Ni hindi ka nga kumikilos, eh, napapagod ka pa niyan?” sarkastiko niyang sabi kaya lang, ni isang salita, wala siyang natanggap bilang sagot dito, “Mama? Nakatulog ka na ba? Kakagising mo lang, ha?” kabang-kaba na niyang sabi saka niya ito muling hiniga sa kama.

Pagkababang-pagkababa niya, lumaylay na ang kamay nito sa kama na nagbigay sa kaniya ng labis na panghihina.

“Mama! Ano ‘to, ha? Hinintay mo lang akong kargahin at sayawin ka para makapagpahinga ka na? Mama naman! Huwag ka namang gan’yan! Ganoon mo ba talaga pinapahalagahan ang kagawian nating iyon? Mama ko!” hagulgol niya habang pilit na ginigising ang wala nang buhay na matanda.

Pagsisisi ang bumalot sa buong katawan niya simula noong araw na iyon hanggang sa tuluyan na itong mailibing. Umuwi man ang kapatid niya para siya’y tulungan sa pag-aasikaso sa libing ng kanilang ina, hindi pa rin nito naalis ang kalungkutang mayroon sa puso niya.

“Sana pala hindi ko pinalampas ‘yong mga araw na gusto niyang magpakarga at magpasayaw. Sana, lahat ng paglalambing niya’y sinang-ayunan ko. Sana bago siya nawala, naisayaw ko pa siya nang maraming beses,” iyak niya sa puntod nito.

“Ganoon talaga, bunso, nasa huli talaga ang pagsisisi. Kahit ako, nagsisisi ako bakit hindi ko siya nagawang maalagaan nang matagal bago siya nawala,” hikbi rin ng kaniyang kapatid saka sila nagyakapang dalawa kasama ang litrato ng kanilang ina.

Madalas nating pinasasawalang bahala ang mga mahal natin sa buhay, lalo na kung kailangan nating maglaan ng oras at lakas para sa kanila. Lagi nating isipin na walang kasiguraduhan ang bukas. Baka ito na ang huling araw nila sa mundo kaya atin na itong sulitin.

Advertisement