Inday TrendingInday Trending
May Gumagalang Nakakatakot na Elemento sa Isang Baryo; Sino ang Unang Mabibiktima?

May Gumagalang Nakakatakot na Elemento sa Isang Baryo; Sino ang Unang Mabibiktima?

Takot ang bawat tao sa bayan ng San Isidro. May napapabalita kasing isang hindi pangkaraniwang nilalang ang pagala-gala sa gabi, naghahanap ng mabibiktima.

“Oo, itim na itim daw ang kulay, pumasok sa kakahuyan,” naulinigan ni Sita na kwento ni Lucy, kasama ang ilan pang mga kababaihan.

“Nakakatakot naman. Kaya maaga pa lang, dapat nakauwi na ang mga bata. Wala na sanang aabutin sa daan,” sabi naman ni Minerva.

Bakas ang takot sa mata ng bawat isa. Lahat ay nais mag-ingat nang hindi mabiktima.

“Naku, mabuti at narito ka, Sita. Malapit lang kayo sa kakahuyan. Mag-iingat kayo ng mga anak mo, lalo pa’t rumoronda rin sa gabi ang asawa mo,” baling sa kaniya ng isa sa mga babae sa umpukan.

Tipid siyang tumango. Ang totoo, dahil laking probinsya siya ay naniniwala siya na may ibang nilalang nga na kasama natin na naninirahan sa mundo.

Kaya naman gusto niya rin na mahuli na ang kinatatakutang elemento, para naman makatulog na ulit sila nang mahimbing.

Mabilis na natapos ang araw. Nang kumagat ang dilim ay bumuhos ang isang napakalakas na ulan.

“Roman, ‘wag ka na kayang tumuloy? Ang lakas ng ulan, makakapagronda ba kayo niyan?” nag-aalalang usisa niya sa asawa.

Bigo itong umiling.

“Kailangan kong mag-ronda. Sayang din ang tatlong daang sweldo,” giit nito.

Naunawaan naman ni Sita iyon. Alam niya naman na kapos na kapos silang mag-anak. Sa huli ay wala rin siyang nagawa kundi ang paulit-ulit na pagbilinan ang asawa.

“‘Wag kang magpapaulan, baka magkasakit ka.”

“Kayo rin, ilagay mo ang mga bawang at asin sa bulsa ng mga bata. Mabisa ‘yun na pangontra sa aswang. Ikandado n’yo ang lahat ng pinto bago kayo matulog,” bilin naman nito.

Nang makaalis ang asawa ay pilit na inalis ni Sita ang nararamdamang takot. May pipi siyang panalangin na sana ay walang kakatwang mangyari sa gabing iyon.

Patuloy ang pagbuhos ng ulan. Dahil sa malamig na panahon ay nakatulog na rin si Sita sa papag.

Nagising na lang siya nang makarinig ng mga tila kaluskos na nagmumula sa labas ng kanilang bahay. Tila may naglalakad sa labas ng bahay nila!

Agad na kumabog ang dibdib niya. Awtomatikong kinuha niya ang itak na nakatago pa sa ilalim na papag nila.

Dumakot na rin siya ng asin mula sa lagayan.

“Diyos ko. Nandito pa yata ‘yung aswang…” nahihintakutang bulong niya bago sinulyapan ang dalawang anak niya na pawang mahimbing ang tulog.

Sandali siyang nakiramdam bago naglakas loob na sumilip sa siwang ng bintana. Madilim sa labas, ngunit sa paggalaw ng mga kagamitang nakatambak sa labas ng bahay ay nasiguro niya na may tao nga roon.

Nang kumidlat at lumiwanag ang paligid ay nanghilakbot siya sa nakita—tama nga ang mga sabi-sabi! Gaya ng sabi-sabi, maitim na maitim ang balat ng nilalang, kaya naman labis na nakakatakot ang itsura nito.

Hindi niya lang nakita ang mukha ng nilalang.

Napaantanda si Sita. Nananalangin na sana ay hindi sila saktan ng nilalang. Na sana ay umalis na ito sa bahay nila.

Ilang sandali siyang nanatili sa tapat ng bintana. Nakikiramdam. Handang protektahan ang kaniyang mga anak sa nakakatakot na nilalang. Sa awa ng Diyos, mukhang hindi naman ito nananakit.

Maya-maya ay isang kakatwang tunog ang narinig niya. Tunog iyon ng isang tao na dinadalahit ng matinding ubo.

Hindi na sana iyon papansinin ni Sita, ngunit napansin niya na halos hindi na tumigil ang malalang pag-ubo ng nilalang. Tumigil na ang ulan kaya naman mas rinig niya na ang ingay mula sa labas.

“Inuubo rin pala ang mga engkanto?” sa loob-loob ng ginang.

Matapos ang ilang segundo, isang nanghihinang boses ang narinig niya.

“Tulong, tulungan niyo ako, maawa kayo sa akin…”

Napamulagat si Sita. Noon niya napag-isip-isip ang posibilidad na tao, at hindi engkanto ang nasa labas ng bahay niya ngayon.

Bitbit pa rin ang maliit na flashlight at matalas na itak ay lakas-loob siyang lumabas ng bahay. Nanginginig ang kamay na ininspeksyon niya ang maliit nilang bakuran.

At sa isang gilid ay nakita niya ang isang nilalang na basang-basa sa ulan at nangangaligkig sa lamig.

Patuloy itong dinadalahit ng malalang ubo. Sa nakikiusap na tono ay may sinabi ito.

“Tubig…”

Noon napagtanto ni Sita na tao, at hindi nakakatakot na nilalang ang nasa bakuran niya. Marungis lang ito, ngunit hindi ito isang halimaw! Isa itong matandang lalaki na naghahanap ng masisilungan sa gitna ng malakas na ulan.

Patakbo siyang pumasok ng bahay upang kumuha ng tubig, na agad na tinungga ng matanda. Inabutan niya rin ito ng tuyong tuwalya.

“Salamat…” namamaos na wika nito.

“Ano po ba ang nangyari? Bakit kayo naririto?” takang usisa niya.

Sa paputol-putol na boses ay nagkwento ang matanda. Kahabag-habag pala ang sitwasyon nito!

“Taga-kabilang baryo ako. Pinalayas ako ng mga sarili kong kamag-anak at kinamkam nila ang lupain ko. Hindi naman ako makalaban dahil mga edukado sila. Ano namang alam ng isang mangmang na gaya ko?” malungkot na kwento ng matanda.

Sa huli ay nagpalaboy-laboy na lamang ang matanda dahil wala sa mga tao sa baryo nito ang nais tumulong dito.

“Pasensya na kayo at mukhang natakot pa yata kayo. Pwede naman sana akong manatili sa kakahuyan, ang kaso ay napakalakas ng ulan. Hindi kinaya ng malalagong puno ang patak ng ulan, kaya nakisilong muna ako sa labas n’yo. Pasensya na talaga, hija. Huminto na naman ang ulan, aalis na rin ako,” anang matanda.

Nabasag ang puso ni Sita para sa pobreng matanda. Kaya imbes na paalisin ito ay pinapasok niya ito sa bahay. Ramdam niya kasi na hindi ito masamang tao.

Binigyan niya ito ng tuyong damit ng asawa niya. Ipinagtimpla niya rin ang matanda ng mainit na kape, at ipinaghanda ng payak na makakain.

“Salamat, hija. Salamat at hindi ka natakot sa akin. Karamihan kasi sa mga naeengkwentro ko eh kumakaripas ng takbo, natatakot sa itsura ko,” nahihiyang kwento ng matanda.

Noon niya nakumpirma na ang matanda nga ang kinatatakutang “nilalang” sa baryo nila.

“Pasensya na ho kayo, hayaan niyo ho’t lalapit tayo kay Kapitan bukas at hihingi tayo ng tulong,” pangako niya sa matanda.

Kinaumagahan din ay kumonsulta sila sa pamunuan ng kanilang bayan. Doon ay nabigyang linaw na ang kinatatakutang “nilalang” na nagdulot ng takot sa taumbayan ay isa lang palang matanda na palaboy-laboy. Nakahinga nang maluwang ang bawat isa.

Sa awa ng Diyos ay nakahingi sila ng tulong sa isang abogado na maaaring tumulong sa matanda. Nabawi ng matanda ang lupa na ninakaw rito.

Abot-abot ang pasasalamat ng matandang si Tatay Rene. Bumalik naman ang kapayapaan sa bayan ng San Isidro dahil sa wakas, wala na ang kinatatakutang aswang.

Si Sita naman ay masayang-masaya. Wala na ang kaba sa dibdib niya sa t’wing kumakagat ang dilim. Ngunit higit sa lahat, siya ang naging daan upang matulungan ang pobreng matanda na si Tatay Rene.

Advertisement