Gipit na Gipit ang Ginoo Lalo pa’t May Sakit ang Nag-iisa Niyang Anak; Dahilan ba Ito para Ignorahin Niya ang Nangangailangan?
“Balitaan mo ko kapag may alam kang trabaho, ha? Kailangang-kailangan ko kasi ng raket ngayon. Alam mo naman ang sitwasyon ko,” ani Jomar sa kaibigan habang naglalakad sila papunta sa terminal ng bus.
“Oo naman, pare. ‘Wag ka nang mag-alala masyado. Siguradong makakahanap ka rin ng pambili sa gamot ni Angel. Ang mahalaga ngayon ay makauwi ka muna sa inyo dahil kailangan ka roon ng asawa’t anak mo. Susubukan ko ring manghiram sa mga kakilala ko para makatulong sa’yo,” sagot naman nito.
Bahagya pa nitong tinapik ang balikat niya, tila ba binibigyan siya ng lakas ng loob na harapin ang problema.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Jomar nang makaupo siya sa bus. Ilang araw na kasi ang nakalipas simula noong tawagan siya ng asawa na nasa probinsya para ibalita na isinugod nito sa ospital ang nag-iisa nilang anak.
Hindi sila handa sa biglaang gastusan. Gustuhin man niyang umuwi ay hindi niya magawa dahil wala rin naman siyang perang maibibigay kaya’t nanatili siya sa syudad, nagnanais na gumawa ng paraan.
Hindi pa rin sana siya uuwi pero ang anak niya na mismo ang nakiusap dahil gusto raw siya nitong makita. Hindi niya naman ito matiis kaya napilitan siyang umuwi.
Heto siya ngayon, pauwi sa probinsya, dala ang kakarampot na halaga na alam niya namang hindi man lang makababawas sa gastusin nila.
Maya-maya ay unti-unti nang napuno ang bus. Isang matandang lalaki ang umupo sa tabi niya. Nakasuot ito ng itim na sombrero at makapal na salamin, kaya halos hindi niya na maaninag ang mukha nito.
“Maniningil na muna ang konduktor bago tayo umalis para wala nang problema mamaya,” sigaw ng driver.
Naglibot na nga ang konduktor at nagsimulang maningil. Nang huminto ito sa harap niya, agad siyang dumukot ng pambayad.
“Manong, bayad niyo po?” anito sa katabi niyang matanda na noon ay tuluyan nang nakaidlip.
Tinapik pa ito ng kundoktor para magising.
Naging malikot ang paningin ng matanda. Tumayo ito, bitbit ang mga gamit.
“Pasensya na kayo, pero ang totoo ho niyan ay wala akong pambayad. Baka pwede namang ‘wag mo na ako singilin? Kahit tumayo na lang ako buong biyahe, ayos lang sa akin. Kailangang-kailangan ko na kasing makauwi sa probinsya,” pakiusap nito sa konduktor.
Hindi na nagulat ang konduktor sa narinig, napailing na lang, na tila ba sanay na sanay na ito sa mga ganoong sitwasyon.
“Naku, hindi pwede ang gusto n’yo! Kami naman ang makakagalitan kung sakali. Kung wala kayong pangbayad, bumaba na kayo ngayon at ‘wag kami ang abalahin niyo rito,” sagot nito sa matanda.
“Pakiusap naman. Kailangan na kailangan lang talaga,” pagpupumilit ng matanda, pero matigas ang naging pagtanggi ng konduktor.
Nanatiling nakatayo ang matanda. Mahigpit ang kapit nito sa hawakan.
“Manong, bumaba na kayo! Hindi kami makakaalis hangga’t nand’yan kayo. Aba’t dumidilim na! Nakakaabala na kayo sa’min!” galit na saway ng isang pasahero.
Sa huli ay wala ring nagawa ang matanda. Laylay ang balikat nito na naglakad paalis.
Matinding awa ang naramdaman ni Jomar, lalo pa’t pareho silang nangangailangan na umuwi. Sigurado siya na mabigat din ang dahilan nito.
Hindi niya kayang tiisin na lang ang matanda kaya’t tumayo siya para pigilan ito.
“Manong, maupo na po kayo. Ako na po ang magbabayad ng pamasahe niyo,” alok niya.
Nanlaki ang mata ng matanda. Hindi ito makapaniwala sa narinig.
“Talaga? Maraming salamat, hijo! Hulog ka ng langit!” bulalas nito.
Ngumiti na lang siya at dumukot muli ng pera sa bulsa. Binilang niya ang ilang daan na meron siya, na nakalaan sana para sa gamot ni Angel. Gayunpaman, gusto niya pa ring tulungan ang matanda. Kung siya kasi ang nasa posisyon nito, nanaisin niya rin na may tumulong sa kaniya.
Halos hindi matapos-tapos ang pasasalamat ng matanda.
“Salamat talaga. Galing pa kasi ako sa kabilang bayan, halos dalawang araw na akong naglalakad. Wala kasi akong pamasahe, nagbakasakali lang ako na makakalusot ako rito. Mabuti na lang at tinutulungan mo ako kaya maraming salamat,” pagkukuwento nito.
“Wala ho ‘yun. Ako man ho ay kailangang-kailangan umuwi. Kaya naiintindihan ko ho kayo,” aniya.
“E ikaw, bakit parang problemado ka?” usisa ng matanda.
Gusto rin niyang mabawasan ang bigat ng dibdib ay nagsimula siyang magkwento. Estranghero naman ang matanda at magaan ang loob niya rito.
“Pakiramdam ko wala akong kwentang ama. Hindi ko man lang matugunan lahat ng pangangailangan ng anak ko,” mabigat ang loob na pahayag niya.
“Naku, kailangan mo pala ng pera, tapos sinagot mo pa ang pamasahe ko? Nabawasan pa tuloy ang pera niyo!” hiyang-hiyang wika ng matanda.
Ngumiti na lang siya.
“Ayos lang po iyon. Pare-pareho lang tayong nangangailangan. Hahanap na lang po ako ng ibang paraan. Hindi naman din kaya ng konsensya kong hayaan na lang kayo,” maagap niyang sagot.
Bakas ang paghanga sa mata ng matanda. Matamis na ngiti ang ipinukol nito sa kaniya.
“Napakabuti mong tao, hijo. Sigurado akong pagpapalain ka ng Diyos,” anito.
Buong byahe ay nagkwentuhan lang sila ng matandang nagpakilala na si Mang Jaime.
Nang makarating sila sa babaan ng bus, akala niya ay doon na maghihiwalay ang landas nila ng matanda. Paalis na siya nang magsalita ito.
“Sandali lang! May ibibigay ako sa’yo, Jomar!” anito.
Tatanggi sana siya pero hindi ito nagpatinag. May kinuha ito sa bag na sukbit. Nilagay nito iyon sa mga kamay niya.
Nang tingnan niya ay nakita niya ang makapal na sobre. Nang buksan niya ay naglalaman iyon ng pera!
Naguguluhan niyang ibinalik ang tingin sa matanda na noon ay nakangiti na sa kaniya.
“P-paano po ito nangyari? Akala ko po ba ay wala kayong pera?” naguguluhang tanong niya.
Doon nito tinanggal ang suot na sombrero at salamin. Natigagal siya nang mabistahan ang mukha nito.
“Hindi po ba’t kayo si Jaime de Leon? ‘Yung beteranong artista?” gulat na tanong niya nang makilala niya kung sino ito.
Nakangiti itong tumango.
“Oo. Hindi totoo ang lahat ng sinabi ko. Naisip kasi naming tingnan kung may tutulong ba sa akin kung sakaling naroon ako sa ganoong sitwasyon, at isa lang akong ordinaryong tao,” paliwanag ng matanda.
“Ikaw lang ang nag-iisang tumulong sa akin, kaya gusto kong magpasalamat. Tumulong ka, kahit na nangangailangan ka rin,” anito.
Itinuro nito ang mga kakuntsaba nito. Kasama roon ang ilang pasahero na palihim na kinukuhanan ang lahat ng nangyayari. Maging ang pasahero na sumigaw kanina ay kasabwat pala!
Napasulyap siya sa sobre na ibinigay ng lalaki.
“Totoo po bang ibibigay niyo na sa akin ‘tong pera? Malaking halaga po ito!” naniniguradong tanong niya.
“Oo naman. Hangang-hanga kami sa kabutihan mo. Susuko na sana kami, akala namin ay wala talagang tutulong. Pero dumating ka. Kaya dapat lang na sa’yo na ‘yan. Isipin mo, hulog ng langit. Sana hindi ka magbago, Jomar,” litanya ng lalaki.
Bahagyang namasa ang mata ni Jomar. Hindi niya inaasahan na may darating na tulong sa kaniya.
“Salamat, hijo. Isa kang inspirasyon. Sana ay parati mong tatandaan na ang tulong na ipinagkakaloob ng walang hinihintay na kapalit ay awtomatikong ibinabalik ng langit,” nakangiting paalala ng matanda.
Tuluyan nang napaluha si Jomar. Masayang-masaya siya natamong pagpapala na nag-ugat sa simple niyang pagtulong. Sa wakas, hindi niya na poproblemahin ang gamot ng anak niya!