Inday TrendingInday Trending
Isang Pipitsuging Karinderya ang Inihahalintulad sa Mamahalin Niyang Restawran, Ano ang Gagawin Niya para Makalamang?

Isang Pipitsuging Karinderya ang Inihahalintulad sa Mamahalin Niyang Restawran, Ano ang Gagawin Niya para Makalamang?

“Ate Janica, mukhang mali ang desisyon mo na magtayo ng negosyo sa lugar na ‘to. Tingnan mo, halos walang katao-tao. Kapag nagpatuloy pa ito, siguradong malulugi ka,” komento ng nakababata niyang kapatid na si Jennifer.

Ito kasi ang pansamantalang nagbabantay sa bagong tayo niyang negosyo habang hindi pa sila nakakahanap ng sapat na bilang ng tauhan.

Nilibot ni Janica ang tingin. Gaya ng sinabi ng kapatid niya, mabibilang lang sa daliri kung ilang kustomer ang mayroon sila sa araw na ‘yun.

Napabuntong-hininga na lang ang dalaga, hindi niya inaasahan na ganito ang kalalabasan ng negosyong masinsinan niyang pinlano. Ang akala ay papatok agad ang negosyo pero mukhang nagkamali siya.

Sa unang araw lang kasi maganda ang kita niya, ng mga sumunod ay unti-unti nang nabawasan ang kostumer, bagay na ikinadismaya niya. Napakalaki kasi ng binuhos niyang pera para sa negosyo na iyon.

“Waiter!” sigaw ng isang customer na agad namang dinaluhan ng isa sa mga empleyado niya.

Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang komento ng babae.

“Ano ba naman ‘tong pagkain n’yo! Walang kalasa-lasa! Ang mahal pa. Maganda lang pala rito, pero walang-wala ‘to sa karinderya ni Lolo Jose!” inis nitong reklamo.

Nagpanting ang tenga ni Janica nang marinig kung paano nito kinumpara ang restawran niya sa isang hamak na karinderya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na narinig niya ang tungkol sa nasabing lugar. Ito ang numero uno niyang kakumpitensiya sa negosyo.

“O, ate, bakit nakasimangot ka riyan? Anong nangyari?” usisa ni Jennifer.

“Nakakainis ‘yung kustomer! Ikumpara ba naman ang negosyo ko sa pipitsuging karinderya ni Mang Jose? Hindi ko talaga alam kung anong meron sa lugar na ‘yun at patuloy na binabalik-balikan ng mga tao,” iritable niyang kwento.

“Sigurado naman akong may dahilan, ate. Imbes na magalit ka diyan, bakit ‘di ka na lang pumunta roon nang magka-ideya ka?” suhestiyon nito.

Agad niyang sinang-ayunan ang naisip ng kapatid.

Oo nga naman, dapat lang na pumunta siya sa lugar para mag-obserba. Kapag may nakita siyang kahit na katiting na mali sa lugar, kukunin niya ang pagkakataong iyon para magreklamo.

“Para mawala na rin sa landas ko,” sa isip-isip pa ng dalaga.

Kinabukasan din ay nagpunta siya sa karinderya ng matandang tinatawag na si “Lolo Jose.”

Napangiwi siya nang masilayan iyon. Napakaliit ng lugar, napakaluma, at napakasikip lalo pa’t maraming taong kumakain sa loob. Malayong-malayo iyon sa restawran niya.

“Magandang hapon, Ma’am. Pasok po kayo!” bati ng isang matandang lalaki na may malawak na ngiti sa labi.

Ginantihan niya ito ng isang pekeng ngiti saka tumuloy sa loob. Um-order siya ng pagkain para hindi siya magmukhang kahina-hinala sa paningin nito, kahit na ang totoo palihim niya lang na ino-obserbahan ang paligid—magmula sa mga pagkaing hinahain, ang mga empleyado, at ang serbisyo.

Nailing na lang siya dahil wala siyang makitang espesyal sa lugar para patuloy na tangkilikin ng mga tao.

“Ma’am, ito na po ang order niyo. Enjoy po,” anang isang binatilyo, saka nilagay sa harap niya ang pagkain.

Wala siyang kaplano-planong tikman ang pagkain subalit nanuot sa ilong niya ang masarap na amoy noon. Wala sa loob na kinuha niya ang kubyertos ang tinikman ang nakahain.

Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang malasahan ang pagkain sa unang pagkakataon. Totoo nga na napakasarap ng pagkain sa lugar na iyon, malayong-malayo sa mga pagkain na inihahain niya sa kaniyang restawran.

Tumingin siya sa paligid. Kagaya niya, halata sa mukha ng mga tao na sarap na sarap ang mga ito sa kinakain.

Hindi kagandahan ang lugar, kaya sino bang mag-aakala na dito siya makakakain ng masarap na pagkain? ‘

Isang ideya ang pumasok sa isipan ng dalaga.

“Pwede ko bang malaman kung sino ang nagluluto nitong mga pagkain? Gusto ko lang sana siya makausap,” tanong niya sa isa sa mga empleyado.

“Ah, si Lolo Jose po ba? Nasa kusina, sandali lang at tatawagin ko,” alanganing sagot nito saka pumasok sa isang maliit na pinto

Maya-maya ay isang pamilyar na matandang lalaki ang lumapit sa kaniya, ang matandang bumati sa kaniya kanina.

“Hija, gusto mo raw akong makausap? Anong maitutulong ko sa’yo?” magiliw na tanong nito.

Nagpakilala siya sa matanda at ipinagtapat ang tunay niyang pakay sa pagpunta sa lugar. Ang akala niya ay magagalit ito pero ngumiti lang ito.

“Ano sa palagay mo? Nagbago na ba ang isip mo tungkol sa lugar na ito?” usisa nito.

Nahihiya siyang tumango.

“Sobrang sarap po ng luto niyo. Sa katunayan po, gusto ko sana kayong alukin na magtrabaho na lang sa restawran ko. Kapag tinanggap niyo po ang alok ko, mas mataas po ang sahod at kikitain niyo kaysa rito. Mas malaki po ang kusina, hindi limitado ang gamit kaya hindi na kayo mahihirapan pa,” walang paligoy-ligoy na alok niya. Iyon lang kasi ang naisip niyang paraan para hindi malugi ang negosyo niya.

Ilang sandaling natahimik ang matanda bago ito magalang na tumanggi.

“Pasensya ka na at tatanggihan ko ang alok mo, hija. Hindi ko kasi pwedeng basta-basta na lang isara ang negosyo ko lalo na’t marami pang umaasa rito,” sagot nito.

“Anong pong ibig niyong sabihin?” usisa niya.

Itinuro ang mga empleyado na noon niya lang napansin na pawang mga binatilyo at mga dalagita.

“Kung ako lang ang nandito, siguradong hindi papatok ang negosyo. Minsan na kasi akong nalugi at iniwan ng mga empleyado pero ang mga batang iyan ang lumapit sa akin para mag-boluntaryo. Ang sabi hindi nila kailangan ng sweldo, kahit panglaman tiyan lang. Lumaki kasi silang lahat sa lansangan. Hindi ko naman natiis kaya nagpasya akong subukan ng isang beses pa… mabuti na lang at pumatok ngayon,” kwento nito.

Natahimik siya sa narinig. Hindi niya maalis ang tingin sa mga kabataang abala sa pag-aasikaso ng mga kustomer.

Napabuntong hininga na lang siya, dismayado man ay wala ring magawa. Alam niya na hindi niya mababagon ang isip ng matanda.

“Naiintindihan ko po. Sorry po ulit kung pinag-isipan ko kayo ng masama. Aalis na po ako,” malungkot na paalam niya.

Aalis na sana siya nang magsalita itong muli.

“Hindi ko matatanggap ang alok mo pero… pwede naman akong bumisita paminsan-minsan para tumulong sa pagluluto kung gusto mo,” alanganing alok nito.

Nanlaki ang mata niya at nabuhayan siya ng pag-asa sa narinig.

“Talaga po? Ayos lang po sa inyo?”

Ngumiti ito at tumango.

“Hindi naman tayo magkalaban dito. Pareho lang natin gustong magtagumpay ang mga negosyo natin, kaya bakit naman hindi?”

Masayang-masaya si Janica nang lumabas sa lumang restawran ni Lolo Jose. Imbes na kaaway ay kakampi ang nasumpungan niya. Napagtanto niya na hindi lang ang masarap na pagkain ang susi sa pag-unlad ng negosyo ni Lolo Jose, kundi ang bukal sa loob nitong pagtulong sa ibang tao.

Advertisement