Nais Bilhin ng Mag-asawang Ito ang Patpating Anak ng Isang Pulubi; Masama pala ang Planong Nasa Likod Nito
“Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ko ipinagbibili ang anak ko?” pagalit na ani Tasya sa mag-asawang mayaman na halos araw-araw na lamang pumupunta sa kanilang tahanan. Hindi niya alam kung bakit nagtitiis ang mga ito na magpabalik-balik sa maliit at masikip nilang tahanan sa ilalim ng tulay para lang kumbinsihin siyang ipagbili sa kanila ang kaniyang nag-iisang anak, gayong ilang beses na niyang sinabi sa mga ito na ayaw niya!
“Isipin mo na lang kung paanong gaganda ang buhay mo kapag ipinagbili mo sa amin ang anak mong ’yan, Tasya. Nakikiusap kami sa ’yo. Matagal na naming gustong magkaanak at ang anak mo ang napili naming ampunin dahil hindi ako maaaring magbuntis,” sagot pa sa kaniya ng babae.
“Marami namang bata riyan, a! Bakit ang anak ko pa? Patpatin siya at sakitin! Huwag ninyong kunin sa akin ang anak ko. Hindi ako papayag! Siya na lang ang natitirang alaala sa akin ng asawa kong sumakabilang buhay noon lamang isang buwan!” mariin pa ring tanggi niya. “Kaya makakaalis na kayo, at sana’y huwag na kayong bumalik pa.”
Bakas ang inis sa mukha ng mag-asawa dahil sa ginawa ni Tasya, ngunit wala siyang pakialam. Hinding-hindi ipagpapalit ni Tasya sa pera ang kaniyang anak, kahit gaano pa iyon kalaki.
Buhat nang mawala ang asawa ni Tasya ay naging palaboy at pulubi na ang mag-ina. Ganoon pa man ay sinikap pa rin niyang buhayin ito kahit pa kinailangan nilang tumira sa ilalim ng tulay at doon ay ipagpatuloy ang kanilang buhay. Kaya naman hindi niya alam kung ano ba ang naisip ng mag-asawang ’yon at pagkakita sa anak niya’y gusto nila itong ampunin! Isang malaking palaisipan ’yon kay Tasya.
“Hindi talaga makuha sa pakiusapan ang babaeng ’yon, Rodolfo!” inis na ani Milagros sa asawa nang makauwi sila galing sa marumi at masikip na tahanan ng mag-inang Tasya at Troy. Dahil doon ay agad naman siyang pinakalma ng kaniyang mister.
“Wala tayong magagawa. Hindi natin makukuha ang bata sa kaniya, Milagros,” pang-aalo pa ng lalaki na ikinainis pang lalo ng babae.
“Magagawa natin, Rodolfo! Kung hindi natin makukuha si Troy hangga’t buhay si Tasya, edi tapusin na natin ang babaeng ’yon! Ipaligpit natin siya!”
Kasabay ng pagsinghap ni Rodolfo ay napatakip din sa kaniyang sariling bibig si Mr. Filotimo, ang abogado ng kanilang nasirang uncle na noon ay hindi sinasadyang narinig ang kanilang pag-uusap. Dahil doon ay hindi na niya itinuloy pa ang balak na pakikipag-usap sa mga ito at agad na lamang umalis.
Kakukuha lamang niya ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mag-ina ng nag-iisang anak ni Don Frederico na kapapanaw lamang noong isang buwan, kasabay din ng pagpanaw ng kaniyang anak. Hindi niya akalaing matagal na palang alam ng mag-asawang Milagros at Rodolfo na pamangkin ni Don Frederico ang impormasyong iyon at tinangka na siya nitong unahan.
“Sino ka na naman? Bakit ba kami pinupuntahan ng mayayaman dito?” inis na tanong ni Tasya sa isa na namang lalaking dumalaw ngayon sa kanila ng anak.
“Ako si Atty. Filotimo, Tasya, at narito ako para sabihin sa ’yo na ang anak mo ang siyang nag-iisang tagapagmana ni Don Frederico na ama ng asawa mong namayapa… at ang mag-asawang gustong umampon sa ’yong anak ay interesado lamang sa pamanang iyon! Kaya sumama kayo sa akin dahil narinig kong may masama silang balak sa inyong mag-ina!” mabilis namang pagbubulgar ni Atty. Filotimo sa lahat ng kailangan niyang malaman.
Ikinabigla man ni Tasya ang lahat ng kaniyang nalaman ay mabilis siyang nagdesisyon dahil sa takot na baka mapahamak silang mag-ina sa kamay ng nasabing mag-asawa. Sumama sila kay Atty. Filotimo at itinago sila nito sa isang ligtas na lugar.
Labis ang galit ni Milagros nang hindi na maabutan pa ang mag-ina sa ilalim ng tulay nang gabing iyon. Balak sana niyang isagawa ang masamang plano niya, kasama ang mga inupahan niyang tauhan, ngunit imbes ay mga pulis ang doo’y kanilang inabutan.
Timbog ang mag-asawang mukhang pera, habang ang mag-inang Tasya at Troy naman ay pormal nang ipinakilala sa madla bilang tagapagmana ng isa sa pinakamayamang tao sa bansa. Ngayon ay hindi na nila kailangan pang mabuhay sa hirap. Salamat sa paninindigan ng butihing inang si Tasya na inilaban ang kaniyang anak hanggang sa huli.