Pinagtawanan ang Binatang Ito nang Magpagawa siya ng Maliit na Bahay sa Maliit ding Lupang Nabili Nito; Sa Paglipas ng Panahon ay Hahangaan Pala Nila Ito
Halos bumagsak na ang katawan ng binatang si Orlando matapos ang maghapong paggawa sa kaniyang maliit na tahanan, katulong ang kapatid na si Tristan. Halos isang buwan na mula nang umpisahan nilang tapusin ang bahay na iyon sa maliit na loteng nabili nila, sa tuwing walang pasok si Orlando sa kaniyang trabaho.
Naririnig niya ang impit na tawanan ng mga kapitbahay nila sa tuwing mapaparaan ang mga ito sa tapat ng bahay na ginagawa nila. “Ang yabang kasi. Gagawa ng bahay, kakaunti lamang pala ang pera. Ang liit tuloy! Pagkatapos ay sila lang din ang gumagawa,” anang isa sa kanilang mga kapitbahay na noon ay nakaistambay sa tapat ng kanilang bahay.
“Sinabi mo pa. Tingnan mo ang itinatayo, kubo?! Sana’y ibinili na lamang nila ng bigas ang ipinagawa nila riyan. Napakaliit na’y napakapangit pa. Nag-aaksaya lang ng pera itong si Orlando, e. Isang bagyo lang, wasak ’yang bahay na ’yan!” sagot naman ng kausap nito.
“Ganoon talaga kapag likas na mayabang. Mula nang makapagtapos ’yan ng kolehiyo’t makakuha ng magandang trabaho’y naging mataas na ang lipad. Pagbagsak ng mga iya’y masasaktan lamang sila,” natatawang komento pa ng mga ito na mas pinili na lamang na huwag pansinin ni Orlando.
Ngunit hindi iyon nagustuhan ng kapatid niyang si Tristan kaya naman napasimangot ito. “Kuya, bakit kasi ang liit ng bahay na ginagawa natin? Nakakahiya tuloy,” nakahalukipkip pang sabi nito.
Ngumiti naman si Orlando sa kapatid at marahan niyang ginulo ang buhok nito. “Ito ang tatandaan mo, Tristan… lahat ng bagay, nag-uumpisa sa maliit. Walang nag-umpisang mataas na agad o malaki,” makahulugan pang dagdag niya na tila agad namang nakapagpalubag sa loob ng kapatid.
“Tama ka, kuya. Balang araw, mapapalaki rin natin ang bahay natin,” sagot pa nito na ikinatuwa ni Orlando.
Ilang taong nagsikap si Orlando na makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo, hanggang sa siya ay makapagtrabaho na… at ang kaniyang unang sweldo ay inilaan niya sa pagbili ng maliit na loteng iyon na ibinenta sa kanila ng kaniyang kapitbahay sa mababang halaga lamang. Sunod ay bumili siya ng materyales upang ipagawa ang maliit na tahanang iyon para sa kanila ng kapatid, lalo’t nangungupahan lamang sila sa lugar na iyon.
Matagal nang ulila sa magulang ang magkapatid kaya naman ganoon na lang ang pagsisikap ni Orlando. Pangarap niya noon pa man na magkaroon sila ng sariling bahay ni Tristan at sa wakas ay matutupad na niya iyon! Maliit man sa una ay ipinapangako niyang palalakihin niya iyon.
Naging bingi si Orlando sa lahat ng pangungutya ng ibang tao sa kanila. Unti-unti niyang tinapos ang kaniyang bahay hanggang sa tuluyan na nila iyong matirhan ng kapatid. Simula noon ay itinuon pang lalo ni Orlando sa kaniyang trabaho ang kaniyang sarili, kaya naman hindi rin nagtagal ay na-promote siya sa trabaho.
Lalong nagkaroon ng pagkakataon si Orlando na mag-umpisang pagandahin pa ang kanilang maliit na tahanan na kalaunan ay naging mas maganda pa sa lahat ng bahay na naroon sa kanilang lugar. Ang dating pinagtatawanan, ngayon ay hinahangaan na at nagsisilbing inspirasyon sa kaniyang mga kaedad na mag-umpisa nang maglaan para sa kanilang kinabukasan.
“Ang galing mo talaga, kuya! Ang ganda na ng bahay natin!” masayang sabi ni Tristan sa kaniyang kuya habang pinagmamasdan ang ngayon ay tapos na nilang tahanan. Isang magara at magandang tahanang hindi mo aakalaing nag-umpisa lang sa maliit na kubo noon.
“Gusto kong makuha mo ang lahat ng leksyong natutunan natin habang binubuo ang bahay na ’yan, Tristan. Sa maliit man tayo nag-umpisa ay napagsikapan nating buuin iyan upang maging mas maganda at mas malaki,” natutuwa namang sagot ni Orlando sa kapatid.
Simula noon ay lalo pang umangat nang umangat ang buhay ng dalawang magkapatid na Orlando at Tristan, hanggang sa muli nilang mabili ang kabuuan ng loteng kinatitirikan ng kanilang bahay. Ngayon ay hindi na lang isa, kundi dalawa ang tahanang nag-umpisa lang sa maliit na kubo noon.
Bukod doon ay nakapagbigay din sila ng leksyon sa mga taong noon ay nagtatawa lamang sa kanila. Malaki ang naging epekto ng tagumpay nina Orlando dahil simula noon ay dumami na ang kabataang nagsisikap na abutin ang kanilang pangarap sa lugar na ’yon, ’tulad ng ginawa ng magkapatid, dahil sila ang buhay na patunay na kayang makamtan ng lahat ang pangarap nila kahit sa maliit lamang sila mag-umpisa.