Malaki ang Tuwang Naramdaman ng Batang Pulubi sa Maagang Pamasko sa Kaniya ni Santa; Ano Kaya ang Regalong Tinutukoy Nito?
“Santa, hinihiling ko po na sana ay magkaroon na ako ng matatawag kong pamilya. Sana po ay magkaroon ako ng tahanan na mayroong ama at ina, pati na rin mga kapatid, katulad ng ibang batang nakikita kong masayang namamasyal sa tuwing sasapit ang Pasko. Santa, kailan n’yo po ba tutuparin ang hiling ko?”
Magkasalikop ang mga palad ng batang si Arturo habang humihiling sa tapat ng isang matabang lalaki. Nagmamakaawa ang kaniyang maruming mukha at nakaluhod siya sa lupa na animo nagdarasal, kaya naman napataas ang kilay ng nasabing lalaki.
“Ikaw na bata ka, ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na hindi ako si Santa?!” inis na sabi ng may edad nang may-ari ng isang kainan sa gilid ng kalsadang iyon na si Mang Garry. “Naka-costume lang ako ng Santa Claus, dalawang taon na ang nakalilipas bilang pangtawag ng kustomer sa aking kainan! Pero hindi ako ang totoong Santa Claus, Arturo. Tandaan mo ’yan!” kunot-noo pang dagdag niya na agad namang ikinalungkot ni Arturo.
“E, hindi po ba at mataba si Santa Claus? Saka may mahabang balbas katulad n’yo? Edi kayo si Santa. Huwag n’yo na po akong lokohin. Alam kong kayo ’yan. Hindi ko naman po ipagkakalat, e. Pramis!” Itinaas pa ni Arturo ang kaniyang kanang kamay na animo nanunumpa.
Dahil doon ay napabuntong-hininga na lamang si Mang Garry sa sinabi ng bata. Dalawang taon na niyang kinukumbinsi ito na hindi naman talaga siya ang inaakala nitong ‘Santa’ ngunit talagang ayaw nitong maniwala. Kaya naman katulad ng dati ay hinayaan na lamang niyang maghintay ito buong maghapon sa tapat ng kaniyang tindahan hanggang sa magsawa ito.
Kilala niya ang batang si Arturo bilang isang ulila at palaboy na bata. Bagama’t naaawa rito si Mang Garry ay mas pinili na lamang niyang huwag nang mapalapit ang loob niya rito. Buhat kasi nang mawala dahil sa isang aksidente ang kaniyang mag-ina ay naging miserable na ang kaniyang buhay kaya naman ipinangako niya na hindi na siya magmamahal ulit. Iyon ang dahilan kung bakit noon pa man ay masama na ang trato niya kay Arturo.
Nang gabing ’yon ay nakita ni Mang Garry ang batang si Arturo na nakaupo sa tapat ng kaniyang kainan. Nanlilimos ito upang may maipanglamang tiyan.
Isang babae ang napadaan sa tapat ng bata at nahulog ang pitaka nito na agad namang nakita ni Arturo. Akala nga ni Mang Garry ay kukunin iyon ng bata, ngunit laking gulat niya nang pagkatapos nitong pulutin iyon ay hinabol nito ang babae upang isauli ang pitaka!
Napakabuting bata ni Arturo at noon lamang iyon napansin ni Mang Garry. Akmang lalapitan niya na sana ito, ngunit hindi sinasadyang bigla na lamang nahagip ng isang humaharurot na motorsiklo si Arturo habang pabalik ito sa kaniyang puwesto! Animo nanumbalik ang lahat ng masasakit na alaala sa pagkawala ng kaniyang mag-ina dahil sa nangyaring iyon.
Biglang dumagundong ang dibdib ni Mang Garry nang makitang nakahandusay na sa kalsada ang walang malay na katawan ng bata. Dali-dali niyang tinakbo ang puwesto nito at isinugod ito sa ospital! Mabuti na lamang at bukod sa kaunting galos ay wala nang malalang nangyari dito dahil agad itong nadala roon.
“Santa, bakit nandito po kayo? Wala pong bantay sa tindahan n’yo,” anang bata sa naluluhang si Mang Garry nang mamulatan niya ito. Hindi niya akalain na kahit na anong pigil pala niyang mapalapit ang loob sa bata ay hindi niya pa rin iyon maiiwasan. Talagang nag-alala siya nang todo kay Arturo.
“Nandito ako para tuparin ang hiling mo, Arturo. Nandito ako para maging bagong tatay mo,” sagot ni Mang Garry na labis na nagpangiti sa bata.
“T-talaga po?! Sinasabi ko na nga ba at kayo talaga si Santa!”
Walang pagsidlan ang tuwa ng bata. Napayakap ito kay Mang Garry na noon ay maluha-luha namang sinagot ang yakap nito. “Napakabait mo kasing bata kaya tutuparin ko ang hiling mo. Halika na at umuwi na tayo para maasikaso na natin ang legal na pag-ampon ko sa ’yo.”
Mula noon ay hindi na kailan man naging mag-isa tuwing Pasko ang dalawa. Naging isang buong pamilya sila sa piling ng isa’t isa. Nakamit ni Arturo ang matagal na niyang hiling habang si Mang Garry naman ay muling nagkaroon ng dahilan upang magpatuloy at maging masaya sa kaniyang buhay.