Inday TrendingInday Trending
Inalipusta at Ipinahiya ng Sales Man ang Matanda dahil Simple lang ang Suot Nitong Damit; Sa Pagbabalik Nito’y Mapapahiya Pala Siya

Inalipusta at Ipinahiya ng Sales Man ang Matanda dahil Simple lang ang Suot Nitong Damit; Sa Pagbabalik Nito’y Mapapahiya Pala Siya

“Tatang, hindi nga ho kayo p’wedeng pumasok dito! Tingnan n’yo ’yang hitsura n’yo!” nakangiwing sabi ng sales man sa tindahang iyon ng mamahaling mga relos at alahas sa matandang akma sanang papasok doon kasama ang kaniyang apo. “Saka, tingnan n’yo ’yang batang kasama n’yo. Guwapong-guwapo at mukhang malinis tingnan. Kaano-ano n’yo ba ’yan?” tanong pa nito.

“Apo ko ito. Bibilhan ko sana siya ng relos, hijo,” mahinahon pa ring sagot ng matanda sa nasabing sales man na si Lance, ngunit patuloy niya pa rin itong hinarang.

“Pasensiya na talaga kayo, tatang. Nag-iingat lang kami. Marami nang masasamang loob ngayon na nagpapanggap na kostumer,” ngunit giit pa rin ni Lance sa matanda.

“Ano’ng ibig mong sabihin? Mukha akong kawatan dahil lamang simple ang suot kong damit?” Halata ang labis na pagkainsulto sa tinig ng nasabing matanda. Hindi naman sumagot sa tanong na ’yon si Lance bagkus ay nagkibit balikat lang siya at tinalikuran ang matanda.

Mangiyak-ngiyak pa ito sa inis nang umalis ito sa naturang tindahan, habang si Lance naman ay natatawa pang ikinuwento sa kaniyang mga kasamahan ang nangyari…

“Ang sama mo, Lance! Bakit naman gano’n ang naging trato mo sa matanda? Pinagbintangan mo pang masamang loob, e, wala ka namang ebidensya,” naiiling na sabi ng kasamahan niyang si Daryl nang marinig ang ginawa niya.

“Hitsura pa lang no’n, Daryl, mukha nang magnanakaw. Sino ba ang matinong tao na magpapapasok sa mamahaling tindahang katulad nito ng isang matandang ganoon ang hitsura? Wala man lang ka-class-class! Isa pa, kahit naman papasukin ko siya rito’y sigurado naman akong hindi niya kakayaning bilhin ang mga paninda rito. Siguradong wala siyang pera,” dagdag pa ni Lance na lalong ikinailing ni Daryl.

“Paano kung magsumbong ’yon sa management nitong building? Lahat tayo rito, mawawalan ng trabaho at kasalanan mo ’yon!” naiiinis pang dagdag niya ngunit humalakhak lamang si Lance.

“Masiyado ka namang natatakot. Sino naman ang makikinig sa isang matandang katulad niya?” tatawa-tawa pang sabi niya nang biglang sumali sa kanilang usapan ang isang lalaking hindi nila napansing nakapasok na pala sa kanilang tindahan.

“Ako!” anito.

Nagulat ang mga empleyado ng nasabing tindahan nang makitang ang kapapasok lang na lalaki ay ang assistant pala ng may-ari ng mall na kinalalagyan ng kanilang tindahan. Sa likod nito ay naroon ang matanda na kasama pa rin ang apo nito.

“S-sir, a-ano pong ginagawa n’yo rito?” tanong ni Lance na halatang biglang namutla sa sitwasyon.

“Nandito ako para sabihin sa inyo na gusto ng may-ari ng mall na ito na tanggalin na ang tindahan n’yo rito! Walang puwang para sa lugar na ito ang mapang-alipustang mga tindero!” galit pang sabi nito na ikinabigla naman ng lahat.

“Sir, teka, bakit naman naniniwala kayo sa kwento ng matandang ’yan? Tingnan n’yo ang hitsura n’yan. Baka namemera lang ’yan,” imbes na magpakumbaba ay muli pa niyang saad.

“Dahil ang matandang ito na inalipusta at ipinahiya mo ay walang iba kundi ang may-ari ng mall na ito! Nagpunta lang siya nang nakapambahay dito, ganoon na ang naging trato mo! Ibig sabihin, tama ang natatanggap naming mga reklamo mula sa ibang kostumer na nagpupunta rito tungkol sa paraan ng pagtrato n’yo sa kanila, kaya naman napagdesisyunan naming tanggalin na ang tindahang ito!” sagot pa ng nasabing assistant na ikinapanlambot naman ng tuhod ni Lance.

Hindi na nakaumang pa ang iba pang empleyado dahil sa naging desisyon ng may-ari ng mall. Dahil doon ay galit na galit tuloy kay Lance ang kasamahan nitong si Daryl na nang gabing iyon ay inabangan siya sa labas ng kanilang tindahan para lang bigyan ng isang malakas na suntok!

“Sa susunod, matuto kang rumespeto sa ibang tao para walang nadadamay sa kasamaan ng ugali mo!” sabi pa nito bago pa siya iwanan nitong nakahandusay sa sahig.

Mabuti na lamang at hinayaan pa rin ng may-ari ng mall na mag-apply muli ng trabaho roon ang iba pang mga empleyado ng tindahang iyon na wala namang ginawang kasalanan. Maliban na lang kay Lance na matapos ang pangyayaring iyon ay nahirapan na ulit maghanap ng trabaho dahil napabalita ang ginawa niyang kalokohan. Dahil doon ay napilitan na lamang siyang lumipat sa ibang lugar para makapag-umpisa ulit, dala ang leksyon ng mga naging kasalanan niya noon sa dati niyang pinagtatrabahuhang tindahan.

Advertisement