Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Lalaki ang Kaniyang Nobyang Siyang Nagpaaral sa Kaniya; Pagsisisihan Niya pala Iyon sa Kanilang Muling Pagkikita

Iniwan ng Lalaki ang Kaniyang Nobyang Siyang Nagpaaral sa Kaniya; Pagsisisihan Niya pala Iyon sa Kanilang Muling Pagkikita

Umuwi sa ‘Pinas ang OFW na si Anastasia para lang siya ay makadalo sa mismong pagtatapos ng kaniyang nobyong si Eric. Sa wakas ay natapos din ang pagsasakripisyo niya sa ibang bansa nang mahabang panahon para lang ito ay makatapos ng pag-aaral.

Nang maging sina Anastasia at Eric noong sila ay hayskul pa lang ay ipinangako ni Eric sa kaniya na agad siya nitong pakakasalan oras na makatapos na ito ng kolehiyo. Sabi kasi nito ay malaki at mataas daw ang pangarap niya para sa kanilang bubuuing pamilya, kaya naman paniwalang-paniwala roon si Anastasia hanggang sa magdesisyon siyang makipagsapalaran na lamang sa abroad at magpaubaya sa kaniyang nobyo.

Pinaaral niya ito ng kursyong business management, habang siya naman ay nagtatrabaho bilang caregiver sa ibang bansa upang suportahan ito at ang kaniyang pamilya, dala ang pag-asang tutuparin ng kaniyang nobyo ang mga pangako nito sa kaniya.

Ngunit tila nag-iba yata ang ihip ng hangin… dahil sa muling pag-uwi ni Anastasia mula sa ibang bansa upang sorpresahin ang kaniyang nobyo ay naabutan niya ito sa apartment na siya mismo ang nagbabayad na may kahalikang ibang babae!

“Ano’ng ibig sabihin nito, Eric?!” galit na tanong ni Anastasia sa nobyo na ikinagulat naman nang makita siya.

“A-Ana? Kailan ka pa umuwi? M-magpapaliwanag ak—” Ngunit hindi na nagawang tapusin pa ni Eric ang sasabihin nang isang malakas na sampal mula sa palad ni Anastasia ang dumapo sa kaniyang mukha.

“Nakita ko na ang lahat, Eric. Manloloko ka! Hindi ko akalain na pagkatapos ng lahat ng sakripisyo ko para sa ’yo ay ito pa ang igaganti mo sa akin! Napakawalang utang na loob mo!” hiyaw pa niya habang tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata.

Bumuntong-hininga naman si Eric. “Sige!” sabi nito. “Aamin na ako. Ang totoo ay hindi na ako nagagandahan pa sa ’yo, Ana. Masiyado ka nang simple para sa isang katulad ko ngayon. Ang isang propesyonal na katulad ko ay hindi na nababagay pa sa isang katulad mo lang,” sabi pa nito na nagpailing talaga nang husto kay Ana.

Simula noon ay pinutol na ni Anastasia ang anumang relasyon niya kay Eric. Pinilit niya ang sariling magsikap, ngunit ngayon ay para naman sa kaniyang sarili, hanggang sa makatapos din siya ng dalawang taong kurso sa kolehiyo.

Nagtrabaho si Anastasia bilang sekretarya ng isang binatang nagmamay-ari ng isang kompaniya ng mga appliances. Dahil sa natural na angking ganda at kabaitan ni Anastasia, hindi naiwasang nahulog ito sa kaniya, na agad din namang nadama ng dalaga.

Nagkamabutihan ang dalawa, hanggang sa alukin na ng naturang binatang si Joey ng kasal si Anastasia. Malugod naman iyong tinanggap ng dalaga at hindi nagtagal ay nagpakasal sila.

Sa tulong ni Anastasia ay lalo pang umangat ang kompaniya ni Joey. Hindi man kasi nakapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo si Anastasia ay talaga namang nakabibilib din ang taglay nitong katalinuhan. Ang dating maliit lamang tuloy na kompaniya at nakaungos at nagawang makipagsabayan na sa malalaking kalaban nito at isa na ngayon sa pinakamalaking kompaniya sa bansa.

Sa unang anibersaryo ng kanilang kasal ay inimbitahan nina Joey at Anastasia ang lahat ng mga kapwa nila negosyante upang doon ay makahanap sila ng iba’t ibang personalidad na maaari nilang makatransaksyon sa negosyo. Ang hindi akalain ni Anastasia ay darating din pala roon si Eric… ang dati niyang nobyo, bilang assistant ng isa sa mga negosyanteng bisita rin nila ngayon.

Agad na nanliit si Eric nang magtama ang mga mata nila ni Anastasia… ang dati niyang nobya na sinayang niya, dahil lamang nagsawa siya rito. Minaliit niya ang naging trabaho nito na siyang bumuhay sa kaniya at nakapagpatapos sa kaniya ng pag-aaral kaya naman siguro ay nakarma siya ngayon.

Walang anumang negosyong sinimulan ni Eric ang nagtagumpay, kaya naman sumuko siya agad at nagkasya na lamang sa pagiging isang empleyado. Ngayon, ang dating iniwan at minaliit niya ay hindi hamak na mas mataas na sa kaniya ngayon at nasa maayos at maganda nang buhay, kasama ang lalaking tunay na nagmamahal sa kaniya.

Huli na para pagsisihan pa ni Eric ang kaniyang mga nagawa, dahil nasa kamay na ng iba ang babaeng noon ay sinayang niya lang. Ang magagawa na lamang niya ngayon ay maging masaya para dito, habang siya ay patuloy pa ring nanghihinayang.

Advertisement