Pag-Uwi ng Dalaga mula sa Ibang Bansa ay May Bitbit na Itong Bata; Hindi Niya Akalaing Tunay na Pag-Ibig pa rin ang Kaniyang Matatagpuan
“Donna, ang tagal ko nang nanliligaw sa iyo. Bata pa lang tayo ay alam mo namang ikaw lang ang laman nitong puso ko. Baka naman p’wede mo na akong sagutin? Hindi naman sa naiinip ako pero ako ang magiging pinakamasayang tao sa mundo kapag naging tayo na,” saad ni Jack sa dalaga.
“Sa totoo lang naman ay mabait ka, Jack. Nasa iyo na siguro ang lahat ng katangiang nais ko sa isang lalaki. Ngunit alam mo namang hindi pa ako handa sa mga relasyon na ‘yan. Mahirap ang pamilya namin at ako lang ang inaasahan nila. Marami pa akong responsibilidad,” sagot naman ni Donna.
“Nauunawaan ko naman ‘yun. Pinapangako ko namang hindi ako gagawa ng kahit anong ikakadagdag ng problema mo. Sa katunayan nga ay tutulungan pa kita. Dalawa tayong magsisikap para maiahon ang pamilya mo sa hirap,” dagdag pa ng binata.
“Ayaw kong maging pasanin mo, Jack. Darating din ang panahon natin. Kung tayo talaga para sa isa’t isa ay gagawa ang tadhana ng paraan upang matupad ito,” wika muli ni Donna.
“Maghihintay ako, Donna. Hindi ako magsasawang ipaalala sa iyo na mahal kita araw-araw.”
Unang pag-ibig ni Jack itong si Donna. Wala na rin siyang ibang babaeng pinag-alayan pa ng pagmamahal kung hindi ito lang.
Ngunit hindi madali ang naging buhay ng dalaga. Siya ang inaasahan ng kaniyang pamilya. Hindi na nga siya nakapagpatuloy pa ng pag-aaral dahil kailangan niyang magtrabaho agad. Tanggap na niyang kailangan niyang talikuran ang sariling kaligayahan para sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Kaya kahit na may pagtingin rin siya kay Jack ay hindi pa niya p’wedeng sundin ang kaniyang puso.
Subalit hindi pabor ang ina ni Jack na si Aling Myrna sa nararamdaman ng kaniyang anak.
“Huwag mong sabihing nagmumukmok ka na naman riyan, Jack, nang dahil lang kay Donna? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tigilan mo na ang paghabol-habol sa babaeng iyan? Mababang uri ang katulad niyang babae. Hindi siya nababagay sa iyo!” galit na sambit ng ginang sa kaniyang anak.
“’Nay, huwag na kayong makialam sa nararamdaman ko. Alam n’yo namang noon pa man ay si Donna na ang gusto ko. Saka kung masaktan naman ako ay tanggap ko na ‘yun. Gusto ko lang namang patunayan sa kaniyang mahal ko talaga siya,” sagot naman ni Jack.
“Aba’y nasisiraan ka na talaga ng ulo, ano? Gagamitin ka lang ng babaeng ‘yan dahil alam niyang mahal na mahal mo siya. Kung may pagtingin rin siya sa iyo’y ‘di sana’y noon ka pa niya sinagot. Pinapaasa ka lang niya. Hindi ka lang niya madiretso dahil nga may napapala siya sa iyo!” bulyaw pa ni Aling Myrna.
“Kahit kailan ay hindi ako makakapayag! Kahit na sagutin ka pa niyan ay hindi pa rin magbabago ang tingin ko. Kaya kung ako sa iyo ay itigil mo na ang kahibangan mo, Jack! Hindi magiging madali ang buhay mo sa piling niya!” saad muli ng ina.
Ngunit hindi pa rin nagpapigil itong si Jack. Patuloy pa rin ang panliligaw niya kay Donna sa kabila ng pagtanggi nito sa kaniyang pag-ibig.
Isang araw ay nagpunta si Jack upang ipag-igib si Donna ng tubig sa malapit na balon. Pagkakita sa kaniya ng nililigawan ay diniretsa na siya nito.
“Jack, tama na. Wala ka talagang aasahan sa akin sa ngayon. Aalis na ako patungong ibang bansa. Doon na ako magtatrabaho. Apat na taon ang magiging kontrata ko roon. Humanap ka na lang ng ibang makakapagbalik sa iyo ng pagmamahal na kaya mong ibigay. Sa ngayon ay hindi ako ang babaeng iyon,” pag-amin ni Donna.
“Kahit gaanong katagal, Donna, maghihintay ako. Papatunayan ko sa’yong totoo ang pag-ibig ko. Pero hindi mo naman kailangan pang umalis. Tutulungan kita sa kahit anong pangangailangan ng pamilya mo. Basta hayaan mo lang ako,” giit pa ni Jack.
Kahit ano pang sabihin ng binata ay wala nang makakapigil pa kay Donna sa pag-alis papuntang ibang bansa para maging isang domestic helper doon. Ito lang kasi ang tanging paraan para maiahon niya ang pamilya sa kahirapan.
Labis ang lungkot ni Jack nang tuluyan nang umalis si Donna. Inis na inis tuloy ang kaniyang ina sa tuwing makikita niyang nalulumbay ito.
Lumipas ang limang taon at hindi na makapaghintay si Jack nang mabalitaan niyang uuwi raw ng Pilipinas ang iniibig. Sa loob kasi ng mahabang panahon ay hindi pa rin siya nagkakaroon ng kasintahan. Talagang hinihintay niya ang pagbabalik ni Donna.
Ngunit nang makita niya ito ay may bitbit na itong bata. Gulat na gulat siya nang tawagin nito si Donna na “mama”.
“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na tantanan mo na ang pahihintay d’yan kay Donna? Kaya pala hindi ka magawa-gawang sagutin ay porener ang gusto! Siyempre nga naman mas marami siyang mahihita sa banyaga kaysa sa isang katulad mo. O, ano ngayon ang napala mo? Nagsayang ka lang ng panahon sa babaeng malandi na ‘yan!” bwelta ni Aling Myrna.
“‘Ma, huwag n’yo naman pong husgahan agad si Donna. Kung talagang may asawa na siya ay bakit hindi niya kasama?” pagtataka ni Jack.
“May nabalitaan nga ako sa mga kumare ko. Ang sabi nga ay may anak na raw iyang si Donna dahil nabuntis ng amo at hindi pinanagutan. Siguro kaya uuwi na rito ay kakasuhan ng tunay na asawa ng lalaki. Alam mo naman ang tulad niyang babae na ‘yan. Gagawin ang lahat, kakapit kahit kanino, kahit maging kabit basta magkaroon lang ng salapi. Baka nga pati magandang lahi ay habol niya!” pangangantiyaw pa ng ginang.
Hindi na nakatiis pa si Jack. Nang makahanap siya ng tiyempo ay siya na mismo ang nagtanong sa dating nililigawan.
“Anak mo ba talaga ang batang iyan, Donna?” tanong ni Jack.
Tumango naman si Donna.
“Nasaan ang tatay niya?” tanong muli ng ginoo.
“Jack, ayaw ko nang pag-usapan pa ang nakaraan. Baka marinig pa ng anak ko. Ayaw ko na siyang masaktan pang muli.”
“Huwag mong kalimutang nandito pa rin ako, Donna. Handa akong tulungan ka sa kung ano man ang pinagdaraanan mo. Hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang nandito sa puso ko,” sambit muli ni Jack.
“Pero iba na ngayon, Jack, may anak na ako. Hindi na ako ‘yung dating Donna na kilala mo. May mas matindi na akong pananagutan. Saka hindi mo ba naririnig ang mga sinasabi ng ibang tao? Disgrasyada ako. Wala akong pakialam sa tingin nila sa akin. Ang mahalaga ay kasama ko ang anak kong si Misha,” wika naman ni Donna.
“Magbago man ang lahat, Donna, ay hindi nagbabago ang pagtingin at pagmamahal ko sa iyo. Wala akong pakialam sa sasabihin nila sa akin. Handa akong maging ama ng anak mo. Hayaan mo lang akong patunayan ito sa iyo.”
Nagpumilit si Jack na muling manligaw kay Donna. Wala naman nang nagawa pa ang dalaga kung hindi hayaan na lang ito. Nakita niya na talagang pursigido itong mapasagot siya. Maging ang anak nga niyang si Misha ay napalapit na rin dito.
Habang tumatagal ay natutunaw na ang pusong bato ni Donna. Lalo na kapag nakikitang niyang labis din ang pagmamahal ni Jack sa kaniyang anak.
Kaya naman hindi nagtagal ay muling nahulog ang loob niya sa binata, at tuluyan na rin niya itong sinagot. Hindi nagtagal ay niyaya na rin siya ng nobyo na magpakasal nang palihim. Itinago nila ito kay Aling Myrna.
Nang malaman naman ito ng ginang ay labis itong naghimagsik. Sinugod niya agad si Donna upang komprontahin.
“Ang kapal rin ng mukha mo! Ngayon mo talaga sasagutin ang anak ko. Para saan? Para ipaako ang paglalandi mo sa iba? Ibang klase ka talagang babae ka!” sigaw ng ginang nang makita nito si Donna.
Patuloy ang pagtatalak nito upang iskandaluhin ang dalaga. Hanggang sa lumapit na si Jack upang pigilin ang kaniyang ina. Hindi naman nagtagal at lumabas na rin ang ilang kaanak ni Donna upang siya ay ipagtanggol. Nangunguna na rito ang kaniyang inang si Edna.
“Ang kapal rin ng mukha mong pagsalitaan ang anak ko nang ganyan! Hindi mo naman alam ang lahat ng tungkol sa kaniya! Ilang beses na niyang pinalayo ang anak mo pero siya ang lapit nang lapit sa anak ko! Bakit kasi hindi mo na lang tanggapin ang relasyon nila? Matanda na ang anak mo at kaya na niyang magdesisyon para sa kaniyang sarili!” pagtaas ng boses ng nanay ni Donna.
“Paanong hindi siya titigilan ng anak ko? Lagi siyang nagbibigay ng motibo para maghabol ‘tong si Jack! Matapos niyang paghintayin ay ipapaako naman ang anak sa iba. Mahiya ka naman, Donna! Tigilan mo nang gamitin ang anak ko!” giit pa ni Myrna.
“Hindi ipapaako ni Donna sa kaniya ang bata dahil mas mapera pa ang anak ko kaysa sa inyo! Hindi tunay na anak ni Donna si Misha. Hindi siya disgrasyada at higit sa lahat ay hindi siya naging kabit. Kayo lang ang gumawa ng kwento tungkol sa kaniya!” sambit pa ni Aling Edna.
Dito na labis na nagtaka si Jack. Ang buong akala niya kasi ay tunay na anak ni Donna ang bitbit nitong bata. Ang akala niya ay anak ito mula sa isang pagkakamali.
“Donna, totoo ba ang sinabi ng nanay mo? Hindi mo totoong anak si Misha? Ang akala ko ba ay ayaw mo nang pag-usapan ang tatay niya dahil ayaw mo nang maalala ang mapait na nakaraan? Ang akala ko ay pinagsamantalahan ka nito o basta na lang iniwan,” sambit ni Jack.
“Tama ang narinig mo, Jack, hindi ko tunay na anak itong si Misha. Mga amo ko ang tunay niyang mga magulang. Ngunit nasa kulungan na ang tunay niyang ama dahil sa pagp*sl@ng nito sa asawa niya. Bago malagutan ng hininga ang amo kong babae ay ipinagkatiwala niya sa akin si Misha at ang lahat ng kaniyang ari-arian. Alam na niyang isang araw ay mangyayari ang kalunos-lunos na insidenteng iyon. Wala na siyang mga kamag-anak pa at tanging ako na lang ang nag-iisa niyang pinagkakatiwalaan sa bata. Ipinangako ko sa amo ko na mamahalin at ituturing kong tunay na anak itong si Misha. Kahit na ang kapalit pa noon ay talikuran ko ang sarili kong kinabukasan at kaligayahan. Pero dumating kang muli at pinatunayan mo sa akin na kaya mo akong mahalin kahit ano pa ang nangyari sa akin. Kaya napatunayan kong tunay ang pag-ibig mo, Jack. Ito ang dahilan kung bakit nagpakasal ako kaagad sa iyo. Mahal kita at kailangan din ni Misha ng isang mabuting ama,” lumuluhang sambit pa ni Donna.
Napahiya ang lahat sa pagsiwalat ng buong katotohanan. Maging si Aling Myrna ay napahiya rin dahil sa panghuhusga niya kay Donna at sa mga masasakit na salitang kaniyang nabitawan.
Samantalang hindi naman nagbago ang pagtingin ni Jack kay Donna kahit pa naglihim ito sa kaniya. Lalo pa ngang tumindi ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang misis.
Ngayon ay naging malinaw na sa lahat ang tunay na nangyari kay Donna at sa anak nitong si Misha. Tuluyan nang tinanggap ni Aling Myrna ang relasyon ng dalawa.
Sa wakas ay nagtagpo rin ang pagmamahalan nila Donna at Jack sa tamang panahon. Ngayon ay kasalukuyan silang naninirahan sa iisang bubong kasama ang anak nilang si Misha.