Kinahihiya ng Binata ang Trabaho ng Ina; Bandang Huli’y Ihihingi Niya Rin Ito ng Tawad
Hatinggabi na at patuloy pa rin ang paglalakad ng mag-inang Remy at Joshua. Pagod na pagod na ang bata kaya naman panay na ang reklamo nito, pero para sa kaniyang ina ay hindi na opsyon sa kanila ang pagbalik sa kanilang bahay.
“‘Mama, umuwi na po tayo. Sigurado po akong hinahanap na rin tayo ni Papa. Pagod na pagod na po ako at nagugutom na. Saan po ba tayo pupunta talaga?” tanong ni Joshua sa kaniyang ina.
“Kaunting lakad na lang, anak, at makakarating na tayo sa ating pupuntahan. Tinawagan ko ang kaibigan ko para may masilungan tayo ngayong gabi. Anak, pasensya ka na at hindi na tayo p’wedeng bumalik sa bahay. Bubuhatin na lang kita nang sa gayon ay hindi ka na mapagod,” wika naman ni Remy.
Hindi maipaliwanag ng ginang sa kaniyang anak na hindi na sila babalik pang muli sa kanilang bahay dahil ayaw na nitong makasama ang haligi ng tahanan. Baon sa utang ang asawa niyang si Mando. Lulong pa ito sa alak at sa sugal at madalas siya nitong saktan kaya naman nagpasya siyang iwan na ito.
Isang oras pa ang lumipas at nakarating na rin ang mag-ina sa bahay na kanilang tutuluyan ng gabing iyon.
“Remy, inuunahan na kita, a. Hindi kayo p’wedeng magtagal ng anak mo rito. Pasensya na pero ayaw kasi ng asawa ko na madamay kami sa gulo ninyong mag-asawa. Pero hinanapan naman kita ng apartment. Pahihiramin na lang din kita ng unang bayad. Hindi nga lang ito kalakihan pero mabuti na iyon kaysa naman matulog kayo sa lansangan,” wika pa ng kaibigang si Nancy.
Nagpalipas lang ng magdamag ang mag-ina sa bahay na iyon. Kinabukasan ay maaga rin silang umalis upang lumipat sa naturang apartment.
Makipot lamang ang bahay at halatang luma na. Hindi rin maayos ang linya ng tubig kaya kailangan pa nilang mag-igib sa malayo. Ibang-iba ito sa bahay at buhay na pinanggalingan ng mag-ina.
“‘Ma, ayaw ko po sa lugar na ito. Umuwi na lang kasi tayo kay papa, e!” giit ni Joshua.
“Anak, hindi na talaga maaari. Hindi ko alam kung paano ipauunawa sa iyo ang lahat ngayon, pero pangako ko sa iyo na gagawin ko ang lahat upang mabigyan ka ng magandang buhay. Sa ngayon ay kailangan muna nating pagtiisan ang bahay na ito. Hahanap ako kaagad ng trabaho para makalipat tayo,” saad pa ni Remy.
Hindi nga nagtagal ay nagkaroon na ng trabaho itong si Remy. Naging ahente siya ng mga binebentang bahay at lupa. Pero hindi naman din kasi ganoong kadali ang trabahong ito. Tuwing umaga ay inihahatid niya sa paaralan ang anak at saka siya papasok sa opisina para mag-alok. Sapat lang ang kinikita niya para mabayaran ang mga pagkakautang at ang ibang gastos pa sa bahay.
Dahil nga nag-aaral itong si Joshua ay ayaw naman ni Remy na makompromiso ang edukasyon ng kaniyang anak.
Kaya pagkatapos ng trabaho niya sa opisina ay humanap pa siya ng trabaho sa gabi at sa mga araw na wala siyang pasok. Hindi niya iniinda ang pagod at hirap. Handa siyang gawin ang lahat para maging maganda ang kinabukasan ni Joshua.
Naging waitress na siya, tagalinis, tagalaba, tutor, at ngayon naman ay tagahugas ng mga kasangkapan sa isang restawran. Sa paglipas ng panahon ay nasanay na si Joshua sa dami ng trabaho ng kaniyang ina. Ngunit napansin din niya na kahit anong dami ng trabaho ng kaniyang ina ay hindi pa rin sila umaasenso.
Sa tuwing lumilipat sila ng bahay ay paliit ito nang paliit. Hindi pa rin niya nakakamit ang maginhawang buhay na naranasan niya noong kasama pa niya ang kaniyang ama.
Nasa hayskul na noon si Joshua. Komo laging wala nga ang ina at ayaw rin naman niyang manatili sa maliit nilang bahay ay napalapit ito sa mga barkada.
Isang araw habang nagbibilyar ang mga binata ay napag-usapan nila ang trabaho ng kanilang mga magulang.
“Sobrang yaman mo, Cedrick! Ano ba talaga ang trabaho ng mga magulang mo?” tanong ng isang kaklase.
“Naku, wala naman. Pagkain ang negosyo nila. Catering, ganyan. Huwag na nating pag-usapan. Kayo, ano bang trabaho ng mga magulang n’yo? Ikaw, Joshua? Ano ang trabaho ng mga magulang mo?” tanong naman ng binata.
“Ahente ng lupa ang mama ko. ‘Yung papa ko naman, hindi ko alam kung ano ‘yung tawag mismo pero pumapasok rin siya sa opisina,” sagot naman ni Joshua.
Nahihiya si Joshua na sabihin ang tunay na kalagayan ng kaniyang buhay. Inggit na inggit siya sa kaniyang mga kaklase na nakakariwasa at may magandang trabaho ang mga magulang.
“Nakakatamad nang magbilyar. Hindi pa ba kayo hinahanap sa inyo? Gusto n’yo ay pumunta muna tayo sa restawran namin? Bagong bukas lang iyon. Sa tingin ko ay nandoon rin ang mga magulang ko. Ipapakilala ko kayo,” wika muli ni Cedrick.
Hindi na nagdalawang-isip pa itong si Joshua. Agad siyang nagpaunlak dahil alam niyang tiyak na makakakain siya nang masarap sa gabing iyon. Isa pa, natitiyak din niyang wala pa naman ang kaniyang ina sa bahay dahil hatinggabi na rin itong nakakauwi.
Naging masaya ang biglaang salu-salo na iyon ng magkakaibigan. Ipinakilala ni Cedrick ang kaniyang mga kaklase sa kaniyang mga magulang. Bukod pa roon ay nilibot din niya ang mga ito sa kanilang bagong tayong restawran.
Ngunit hindi inaasahan ni Joshua ang kaniyang nakita. Naroon ang kaniyang ina at naglilinis ng mga kasangkapan. Napansin ni Remy ang anak ngunit nang tatawagin sana niya ito ay agad na umalis si Joshua at nagpaalam na pupunta ng palikuran. Doon ay nakutuban na ng ginang na umiiwas ang kaniyang anak.
Pag-uwi sa bahay ay matiyagang hinintay ni Joshua ang kaniyang ina na makauwi rin. Kakapasok pa lang ni Remy ay agad na siyang kinompronta ng anak.
“Sa dami-dami ng trabaho, ‘ma, bakit sa restawran pa ng kaibigan ko? At talagang tatawagin mo pa ako? Muntik na akong mapahiya kanina! Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa kanila kapag nalaman nilang ang ina ko pala ay isa lang dishwasher sa restawran ng kaklase ko?!” galit na sambit ng binata.
“P-pasensya ka na, anak, at hindi ko naman alam na sa pamilya pala ng kaklase mo ang lugar na iyon. Hayaan mo at aalis na lang ako kaagad at hahanap ng iba. Kaso nanghihinayang ako dahil mababait sila. Hinahayaan nila akong magtrabaho ng ilang oras lang. Dagdag kita rin sana para sa atin,” wika pa ni Remy.
“Sarili n’yo lang ang iniisip n’yo, ‘ma, e! Kung ayaw n’yo talaga akong mapahiya ay umalis na kayo sa trabaho n’yong iyan! Hindi ba’t isa kayong real estate agent? Bakit hindi na lang kasi ‘yun ang maging trabaho n’yo? Bakit kailangan n’yo pang humanap ng ibang trabaho? Mapapahiya ako!” bulyaw pa ni Joshua.
Naiiyak si Remy dahil sa kabila ng lahat ng kaniyang sakripisyo ay ito lang pala ang mahalaga sa kaniyang anak.
“Bakit kasi hindi na lang ako kunin ni papa? Nang sa gayon ay hindi ganitong buhay ang dinaranas ko!” dagdag pa nito sabay alis ng bahay.
Naiwang luhaan ang ina.
Kinagabihan ay umuwi rin naman si Joshua ngunit malamig na ang pakikitungo nito sa kaniyang ina.
Ilang araw ang lumipas at laging isinasama si Joshua ni Cedrick sa kanilang restawran. Lagi naman niyang iniiwasan na makita ang ina upang hindi mahalata ng kaibigan ang relasyon nito sa kaniya.
Isang araw ay kinakailangan ni Remy na tumulong sa pagsisilbi ng mga pagkain sa mga kostumer. Ito rin ang nag-abot ng pagkain nina Cedrick at Joshua.
“Salamat, Manang Remy!” wika ng anak ng may-ari.
Naging matipid naman ang ngiti ni Joshua sa ina.
Pagtalikod ng ginang ay agad na nagkwento itong si Cedrick.
“Alam mo ang sabi sa akin ng mga magulang ko ay ibang klase daw ‘yang si Manang Remy. Hinahangaan nila ‘yan kasi ang dami raw trabaho. Ahente sa umaga, pagdating ng hapon ay umeekstrang assistant sa daycare center. Tapos pagdating naman ng gabi ay dito nagtatrabaho sa amin bilang isang dishwasher. Mahilig din siyang tumulong dito sa restawran. Tulad ngayon, hindi naman niya trabaho ang maging isang waitress pero ginagawa niya. Lahat daw ng ito ay para sa anak niya. Ayaw daw kasi niyang makompromiso ang pag-aaral nito kaya naman kahit na nahihirapan siya ay pilit niyang iginagapang ang matrikula nito. Ang dami rin niyang binabayaran na utang dahil sa asawa niyang lasinggero. Ang balita pa nga namin ay umalis daw siya at sinama ang anak dahil niligtas niya ito sa mapang-abusong mister niya. Ngayon ay todo ang pagtitipid na kaniyang ginagawa dahil gusto daw niyang masiguro na makapagkolehiyo ang nag-iisa niyang anak. Ibang klase siya, ano? Nakakahanga talaga! Napakaswerte ng anak niya!” pahayag pa ni Cedrick.
Napansin na lang ng binata na tumutulo na ang mga luha nitong si Joshua.
“A-ayos ka lang ba? May nasabi ba akong hindi maganda? Naantig ka ba masyado sa kwento ko?” natatawang tanong pa ng binata.
Hindi na sumagot pa si Joshua. Agad na lang niyang tinungo ang inang naghuhugas ng pinggan ng mga sandaling iyon. Sinundan naman siya ni Cedrick, at saka nito natunghayan ang buong katotohanan.
Niyakap ni Joshua ang ina at saka humingi ng tawad.
“‘Ma, patawad po! Patawarin mo ako sa lahat ng maling inasal ko at sa lahat ng masasakit na sinabi ko. Patawarin n’yo po ako kung hindi ko naunawaan ang lahat ng ginagawa ninyo ay para sa akin,” patuloy sa pagluha si Joshua.
Nagulat naman si Cedrick nang malamang mag-ina pala ang dalawa.
“Si Manang Remy ang nanay mo, Joshua?” wika ng kaibigan.
“Oo, siya ang nanay ko. At tama ka, Cedrick, napakaswerte ko at siya ang binigay ng Diyos sa akin para maging nanay ko. Malaki ang pagkakamali ko sa kaniya dahil kinahiya ko siya. Hindi ko man lang naisip na ang lahat ng sakripisyo niya ay para sa akin. Maraming salamat din sa inyo dahil binigyan n’yo siya ng trabaho rito sa restawran. Dahil dito ay nakakaraos kami kahit paano,” pahayag pa ni Joshua.
Napayakap naman si Remy sa kaniyang ina.
“Hinding hindi ko kayang magtanim ng sama ng loob sa iyo, anak. Dahil ikaw naman ang dahilan kung bakit ninanais ko pang lumaban sa buhay na ito. Nais kong mabigyan kita ng magandang buhay kahit hindi natin kapiling ang papa mo. Pasensya ka na kung ito lang ang buhay na kaya ko sa ngayon. Pero pangako ko naman na hindi kita pababayaan kailanman,” saad naman ng ginang.
“Hindi, ‘ma, sobra-sobra na po ang lahat ng ito. Pagsusumikapan ko po ang pag-aaral ko nang sa gayon ay ako naman ang makatulong sa inyo, ‘ma. Maraming salamat sa lahat. Maraming salamat din sa Diyos at binigay ka niya sa akin,” saad pa ng binata.
Simula nang araw na iyon ay hindi na kinahiya pa ni Joshua ang trabaho ng kaniyang ina. Mas naunawaan na rin niya ang hirap ng buhay na dinaranas nila. Ngayon ay higit na siyang nagpapasalamat dahil walang kapantay ang pagmamahal na binibigay ng kaniyang ina.
Madalas ay nagpupunta si Joshua sa restawran upang tulungan ang ina sa mga gawain. Nagkakaroon rin siya ng sweldo na kahit paano ay nakakatulong sa kanilang gastusin. Lalong naging malapit ang mag-ina sa isa’t isa. Dalangin nila na sana ay isang araw ay magbago rin ang takbo ng kanilang buhay.
Hanggang dumating ang araw na iyon ay mananatili silang magkaagapay sa anumang pagsubok na kanilang kakaharapin.
Iba ang puso ng isang ina. Gagawin ang lahat para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak, kahit na ang kapalit nito minsan ay talikdan siya o ikahiya. Lahat ng ito ay kaya niyang pansanin basta masigurado niyang ang anak niya ay may magandang hinaharap.