Inday TrendingInday Trending
Pilit na Pinapalayas ng Ginang ang Kasambahay dahil sa Nawawalang Pera; Ang Anak Niya ang Mismong Pipigil Nito

Pilit na Pinapalayas ng Ginang ang Kasambahay dahil sa Nawawalang Pera; Ang Anak Niya ang Mismong Pipigil Nito

Alas siyete pa lang ng umaga ay patuloy na sa pag-alarm ang orasan ng binatang si Carl. Sinadya niyang gumising nang maaga kahit na hapon pa naman ang klase niya. Dali-dali siyang bumaba patungong kusina at nadatnan n’ya roon ang kasambahay na si Rita.

“Yaya, nakita n’yo po ba si mommy? Nasa kwarto pa po ba siya?” tanong ng binata.

“Naku, nakaalis na kanina pa, Carl. Ang sabi ay may importanteng lakad daw siya,” sagot naman ng ginang.

“Sabi pa naman niya sa akin ay sabay daw kaming mag-aalmusal ngayon. Babawi raw siya dahil lagi na kaming hindi nagkikita,” wika pa ni Carl.

“Kaya pala maagang gumising at nagluto. Ito at pinaglutuan ka nga ng paborito mong tocino. Sinangag pa nga niya ang kanin dahil gustong-gusto mo raw ‘yun. Paakyat na sana siya ng silid mo para gisingin ka kaso may tumawag sa kaniya, e. Hindi bale, kumain ka na at sigurado naman akong uuwi agad ang mama mo. Baka talagang may importante lang siyang kailangang ayusin,” saad pa ni Manang Rita.

Palaging abala sa trabaho ang ina ni Carl na si Ellen. Kaya naman ganoon na lamang ang pagnanais ng binata na maka-bonding muli ang ina. Noon kasi ay talagang malapit sila sa isa’t isa, ngunit simula nang ma-promote ang ina at lumipat sila sa mas malaking tahanan ay madalang niya na itong makita.

Kinagabihan ay hinintay ni Carl ang ina na makauwi. Hatinggabi na nang makarating ito sa bahay. Agad niya itong sinalubong dahil nais niyang makipagkwentuhan.

“‘Ma, sa makalawa po ay may basketball game kami. Finals na po namin, e. Sana po ay makapunta kayo,” sambit ng binata sa ina.

“Sige, sige, Carl. Ipaalala mo na lang sa akin, a. Pero p’wede bang bukas na nating pag-usapan? Kailangan ko na kasi talagang magpahinga. Pagod na pagod ako. Pasensya ka na, anak,” sagot naman ni Ellen.

Wala nang nagawa pa si Carl kung hindi hayaan na lang ang ina na magpahinga. Umaasa siya na sana, sa mga susunod na araw ay magkaroon sila ng pagkakataon ng kaniyang ina na makapag-bonding.

Dumating ang araw ng finals. Nilibot niya ang mga mata sa mga manonood ngunit wala pa rin ang kaniyang ina. Nagulat na lang siya nang makita si Manang Rita.

“A-ano po ang ginagawa n’yo rito, yaya?” tanong ng binata.

“Pinapunta kasi ako ng mommy mo rito. May emergency raw kasi sa opisina at kanina pa niya pinipilit na umalis doon pero hindi talaga niya kinaya. Kaya naman inutusan na lang niya ako. Pinadala niya rin ang mga inuming ito para daw sa’yo at sa team mo. Ang sabi pa niya ay galingan mo raw. Ire-record ko na lang ang laro mo nang mapanood niya. Pero susubukan daw niyang humabol,” wika pa ni Rita.

Kahit paano ay natuwa na rin si Carl dahil naalala ng ina ang kaniyang basketball game. Buong laro na naghintay ang binata ngunit hindi man lang niya nakita ni anino ng ina.

“Talaga bang naalala ni mommy ang laro ko, yaya? Sayang at hindi niya nakita na ako ang nagpapanalo sa koponan namin! Lagi na lang kasi siyang busy sa trabaho,” pagtatampo ng binata.

“Huwag ka nang magtampo sa mommy mo. Ganoon lang ang mommy mo pero naaalala niya ang lahat ng mga mahahalagang tagpo sa buhay mo. Tulad ngayon, siya nga ang nagpapunta sa akin dito. Hindi mo naman sinabi sa akin na may basketball game ka, ‘di ba? Alalang-alala nga ang mommy mo nang sinasabi sa akin. Gusto talaga niyang magpunta ngunit hindi naman inadya ng pagkakataon,” pahayag pang kasambahay.

Masayang pinagsaluhan ng koponan ni Carl ang pinadalang inumin ng kaniyang ina. Maya-maya ay nariyan na ulit si Manang Rita at may dala-dalang pagkain.

“Tumawag kasi ang mommy mo, Carl. Ang sabi sa akin ay naipit na raw siya sa trapik. Sayang kako at hindi na siya nakadalo. Nagpadala na lang ng pera para bilhan ko raw kayo ng mga kaibigan mo ng makakain. Heto at pagsaluhan n’yo na!” muling sambit ng ginang.

Tuwang-tuwa naman ang mga kaibigan ni Carl.

“Ang bait talaga ng mommy mo, Carl! Pakisabi sa kaniya na salamat!” wika ng mga binata.

Kinabukasan ay nais sana ni Carl na ipakita sa kaniyang ina ang tropeyong napanalunan ngunit nagmamadali na naman ito. May mga dala itong maleta at mukhang matagal na hindi makakauwi.

“Aalis po ba kayo, ‘ma? Saan na naman po ba ang tungo niyo?” pagtataka ng binata.

“Nag-expand kasi ang kompanya namin at ako ang inatasang pumunta ng ibang bansa. Pasensya ka na at hindi ko na nasabi sa iyo. Pero binilin ko na naman ang lahat ng kailangan mo dito kay Manang Rita. Siya na muna ang bahala sa iyo, ha. Tatawag naman ako sa inyo palagi. Huwag matigas ang ulo mo at sinabi ko kay yaya na isumbong ka sa akin!” sambit naman ni Ellen.

“Pero, ‘ma, nakakalimutan n’yo po bang –”

“I-text mo na lang sa akin ang sasabihin mo, anak. Nariyan na ang taxi ko at mahuhuli na rin ako sa flight ko. Sige na at kayo nang bahala rito ni Manang Rita. Huwag matigas ang ulo!” saad pa ng nagmamadaling ina.

Pinanood na lang ni Carl kung paano umalis ang taxi lulan ang kaniyang ina. Kitang-kita naman ni Manang Rita ang lungkot sa mga mata ng binata.

“Ilang araw lang naman daw ang mommy mo sa ibang bansa. Huwag ka nang malungkot. I-text mo na lang sa kaniya ang lahat ng gusto mong pasalubong kung ako sa iyo,” biro naman ni Manang Rita.

Panay ang hintay ni Carl sa tawag ng ina. Ngunit dalawang araw na ay wala pa rin itong paramdam.

Tiningnan niya ang kalendaryo. Dalawang araw na lang kasi ay kaarawan na niya. Malakas ang kutob niyang hindi makakauwi ang ina sa araw ng birthday niya. Tanggap na niyang nakalimutan nito ang mahalagang araw na ito.

Hindi na nag-abala pa si Carl na tawagan ang kaniyang ina. Unti-unti na rin naman siyang nasasanay na laging wala ito.

Ngunit sa mismong kaarawan niya ay laking gulat niya nang makita ang sala na puno ng dekorasyon. Mayroon ding cake at regalo.

“Maligayang kaarawan, Carl!” bati ni Manang Rita.

“Narito po ba ang mommy ko?” tanong agad ng binata.

“Hindi nga raw makakauwi pero ilang araw na namin itong pinag-uusapan. Supresahin nga raw kita. Hayan at nagpadala pa siya ng regalo. Buksan mo na at gusto ko ring makita!” nasasabik na wika pa ng kasambahay.

Pagbukas ni Carl ay nagulat siya nang makita ang pinaka asam-asam na sapatos na pang basketball.

“Babawi raw talaga ang mommy mo sa iyo pag-uwi niya. Sa ngayon ay ‘yan na muna. Huwag ka nang magtampo sa kaniya dahil ginagawa naman niya ang lahat para mapunan ang lahat ng pangangailangan mo. Kung wala man siya ngayon ay dahil sa nais niyang masiguro na ayos ang kinabukasan mo. Kapag naging magulang ka na ay mauunawaan mo rin ang sinasabi kong ito. O siya, tama na ang drama! Papuntahin mo na ang mga kaibigan mo rito at marami akong ilulutong pagkain!”

Naging masaya naman ang kaarawan ni Carl kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Kinabukasan ay hindi inaasahan ang pagbalik ni Ellen mula sa ibang bansa.

Pagkapasok pa lang nito sa bahay ay rinig na ang boses nito sa buong kabahayan dahil sa labis na galit.

“Manang Rita! Manang Rita!” sigaw ng amo.

Nagmamadali naman ang kasambahay na tumugon sa tawag nito.

“Madam, narito na pala kayo. Hindi man lang po kayo nagsabi sa akin nang sa gayon po ay napaghanda ko po kayo ng makakain,” saad naman ni Rita.

“Ano ‘tong natanggap ko? Puro disconnection notice sa kuryente, tubig at internet? Hindi ba’t nagbigay ako ng pambayad sa iyo? Dalawang buwan na tayong hindi nakakabayad? Nasaan ang pera?!” bulyaw pa ng ginang.

“Madam, magpapaliwanag po ako,” sambit ng kasambahay.

“Huwag ka nang magpaliwanag, Manang Rita. Ninakaw mo ang pera ko! Akala mo ba ay hindi ko malalaman ang lahat ng ito? Kapag hindi mo nilabas ang pera ay ipapapulis kita! Nagtatrabaho ako nang matindi para magkaroon ng magandang buhay tapos ay nanakawin mo lang?! Pinapasweldo naman kita sa tamang araw, a! Pinapautang pa nga kita, ‘di ba? Bakit kailangan mong gawin ito?” pagtataas pa ng boses ng amo.

“Lumayas ka na rito! Hindi ako nagpapatira ng magnanakaw sa bahay ko!” dagdag pa ni Ellen.

Pinagtutulakan ng ginang ang kasambahay palabas ng bahay nang bigla siyang awatin ng anak.

“Hindi n’yo po dapat paalisin si yaya dito sa bahay. Hindi po niya ninakaw ang pera, ‘ma!” sambit ni Carl.

“Kung hindi niya ninakaw ay nasaan ang pera? Bakit hindi bayad ang mga gastusin sa bahay?” wika pa ni Ellen.

“Yaya, matagal ko na itong nais itanong sa iyo. Pero ngayon lang naging malinaw sa akin ang lahat. Ginamit mo po ba ang pera para ipambili ng sapatos na sinasabi mong niregalo sa akin ni mommy noong kaarawan ko? Ang pera rin po ba na iyon ang ginamit mong pambili ng handa at noong nanlibre ako sa mga kaibigan ko ng pagkain at inumin nang manalo kami sa basketball game? Alam ko namang pinagtatakpan mo lang si mommy sa lahat ng pagkukulang niya sa akin. Noon pa lang na sabihin mo sa akin na si mommy ang nagluto ng tocino na almusal ko ay alam ko nang pinagtatakpan mo lang siya. Kahit kailan ay hindi humawak ng panluto ang mommy ko dahil ayaw niyang magalusan ang kamay niya. Saka alam kong hindi naalala ni mommy ang kaarawan ko, dahil wala man lang akong natanggap na tawag o text mula sa kaniya,” naluluhang wika ni Carl.

Napayuko ni Manang Rita at saka dahan-dahang tumango.

“Wala rin kasi akong ekstrang pera. Ayaw ako namang isipin mong nakalimutan ng mommy mo ang kaarawan mo kaya ginawa ko ang bagay na ‘yun. Ayaw kong magtampo ka sa kaniya at magtanim ng sama ng loob kaya nagawa ko ang lahat ng iyan. Patawad kung nagalaw ko ang perang pambayad. Balak ko namang bayaran ‘yun kapag nakasweldo na ako,” umiiyak ring pagpapaliwanag ng kasambahay.

Dito na natauhan si Ellen. Hindi niya matanggap na nakalimutan niya ang kaarawan ng kaniyang nag-iisang anak nang dahil lang sa labis na pagkaabala sa trabaho. Napagtanto niyang marami ngang mahahalagang pagkakataon sa buhay ng binata na kaniyang napalagpas at hindi nabigyang prayoridad.

Lalo pang ikinahabag ng damdamin ng ginang nang malamang pilit na pinagtatakpan ni Manang Rita ang kaniyang mga pagkukulang sa anak. Kaya naman humingi agad siya ng tawad dito pati na rin sa kaniyang anak.

“Pasensya na kung mabilis kitang hinusgahan, manang. Matagal ka nang nagtatrabaho sa amin at dapat ay pinagkatiwalaan kita. Dapat ay pinakinggan muna kita. Maraming salamat sa mga ginawa mo para sa amin ni Carl. Hindi ko napapansin nasa sobrang paghahangad ko ng magandang buhay ay hindi na ako nagiging mabuting ina sa anak ko,” saad ni Ellen.

“Mahal ko kayong mag-ina kaya naman ginawa ko ang bagay na iyon. Ayaw kong magkaroon ng lamat ang relasyon ninyong dalawa dahil mahalaga kayo sa akin,” sambit naman ni Manang Rita.

Nanatili si Manang Rita sa tahanang iyon. Simula nang araw na iyon ay pilit namang bumawi si Ellen sa lahat ng pagkukulang niya sa binatang anak.

Ngayon ay hindi na ang trabaho ang prayoridad ni Ellen kung hindi ang anak na si Carl at ang kanilang pagsasama. Maraming salamat kay Manang Rita at naging mas matatag pa ang relasyon ng mag-ina.

Advertisement