Inday TrendingInday Trending
Lumaki sa Kalye ang Binata Dahilan Upang Siya’y Magsikap Para Umasenso Subalit Kapalit ay ang Pagkakawalay sa mga Kapatid; Magkasama Pa Kaya Silang Muli?

Lumaki sa Kalye ang Binata Dahilan Upang Siya’y Magsikap Para Umasenso Subalit Kapalit ay ang Pagkakawalay sa mga Kapatid; Magkasama Pa Kaya Silang Muli?

Walang ibang maririnig mula sa tahanan ng pamilya Gonzales kung ’di ang iyakan ng tatlong magkakapatid na sina Lucio, Andrea, at Armando dahil sa pagpanaw ng kanilang nag-iisang magulang na ina. At dahil wala nang ibang kukupkop sa kanila, nagpresinta ang kanilang tiyahin upang alagaan daw sila. Kapalit nito ay ang pagtira nito sa kanilang bahay.

Matapos mailibing ang kanilang ina, nagpatuloy ang buhay ng magkakapatid. Subalit napansin nila ang hindi maayos na trato sa kanila ng tiyahin.

“Hoy, mga bata kayo, magsigising kayo! Sanay na sanay kayong tanghali na kung magising!” unang sambit nito kinabukasan nang maaga. Dahil sa gulat, mabilis na nagsikilos ang magkakapatid. Buong akala nila’y mayroon nang umagahan na naghihintay sa kanila subalit walang nakahanda na pagkain sa hapag.

“Hinihintay niyo ba na pagsilbihan ko kayo? Walang almu-almusal! Maglinis kayong tatlo dito!” sigaw muli ng kanilang tiyahin.

Hindi lamang ang malalakas na sigaw mula sa tiyahin ang natatanggap ng tatlong magkakapatid. Sila rin ang gumagawa ng mga gawaing bahay tulad ng paglilinis ng bahay, paglalaba, pagluluto at paghuhugas ng plato. Sa tuwing magkakamali sila ay agad silang ginug*lpi ng tiyahin.

Isang gabi, ginising ni Lucio ang dalawa pa niyang mga kapatid. Ito ay matapos silang hindi pakainin ng tiyahin dahil nadatnan nitong marumi ang kusina. Dahil naisip ni Lucio na sobra na ang pang-aalipusta ng tiyahin, kinuha niya ang dalawang kapatid at tumakas sa pamamahay na iyon.

Dala ni Lucio ang ilang libo upang may magamit sila panggastos habang sila ay naghahanap ng matutuluyan.

“Ale, baka po pwede kami magrenta dito kahit isang maliit na kwarto lang po…” ito ang paulit-ulit na paalam ni Lucio habang nakikiusap sa mga may-ari ng paupahan na sila ay patuluyin. Subalit dahil silang tatlo ay puslit pa, wala sinuman ang nagtiwala sa kanila.

Kung kaya naman, nagpasiya si Lucio na sa tabi na lamang ng isang tindahan matulog. Bumili siya ng mga karton at kanin pati na ulam na kanilang pinagsalu-saluhan na magkakapatid. Noong gabi rin na iyon ay ang simula ng araw na sila ay titira na pala sa lansangan.

Hindi rin nagtagal ay naubos ang perang hawak ni Lucio. Napilitan ang magkakapatid na mamalimos upang may makain sila. Habang si Lucio naman, bilang pinakamatanda ay naghanap ng paraan kung paano niya mapapakain ang mga kapatid. Dahil dito, sumama si Lucio sa mga kabataan na nagnanakaw sa mga pasahero at mamimili sa isang palengke.

Tumagal din sila ng mahigit isang taon na ganito ang sistema sa kanilang buhay. Para sa kanila, mas gugustuhin nila ang mamalagi sa lansangan kumpara naman sa kamay ng kanilang tiyahin na mas masahol pa sa daga ang turing sa kanila.

Isang araw, muling naghanap ng pera si Lucio sa isang palengke dahil inaapoy ng lagnat si Andrea. Dahil kailangang kailangan niya, siya lang mag-isa ang dumiskarte ng kikitain. Dito niya nakita ang isang magarbong sasakyan. Sinilip niya ang loob nito at nakakita siya doon ng selpon pati na libo-libong pera. Humanap lamang siya ng tiyempo at agad na binasag ang salamin nito. Mabilis niyang nakuha ang selpon at pera kaya naman mabilis din siyang tumakbo.

Subalit habang siya ay tumatakbo, bigla na lamang siyang dinakma ng isang malaking lalaki na siyang may-ari pala ng sasakyan. Pilit na kumakawala si Lucio mula sa pagkakahawak sa kaniya ngunit sadyang sobrang lakas ng lalaking iyon. Dinala siya nito sa isang karinderya imbes na sa presinto. Nagulat na lamang si Lucio sa isinaad sa kaniya ng lalaki.

“Gusto mo bang sumama sa akin? May malaking bahay ako, maraming pera, pag-aaralin pa kita!” imbita nito sa kaniya. Muling nakita ni Lucio ang magandang buhay na naghihintay sa kaniya at sa mga akaptid. Subalit hindi pumayag ang lalaki na isama niya ang mga kapatid. Kung kaya’t sumama na rin si Lucio habang ipinangako sa sariling siya ay babalik para sa mga kapatid.

Simula noon, namuhay nang marangya si Lucio sa tulong ng lalaking umampon sa kaniya. Lumipas ang pitong taon at tuluyan na ngang naging matagumpay si Lucio na maging isang ganap na pulis. Habang siya ay nagtatrabaho, patuloy ang kaniyang paghahanap sa mga kapatid na hindi na niya nahanap pa.

Isang tanghali, ipinatawag sina Lucio sa presinto dahil mayroon daw silang operasyon na hulihin ang mga pasugalan sa isang lugar sa lungsod. Sumunod naman doon si Lucio kung saan matagumpay nilang nahuli ang mahigit sampung katao.

Isa-isa nilang tinanong ang pagkakakilanlan ng mga ito, subalit isang tao ang nagpaluha kay Lucio. Nalaman niya na isa sa mga taong kanilang nahuli ay ang kapatid na si Armando. Nang matapos ang proseso, kinuha niya si Armando upang kausapin sa isang silid upang sila ay makapag-usap.

“Armando, Armando… ako ‘to si Kuya Lucio…” mangiyakngiyak na wika niya sa kapatid na nakayuko. Tiningnan siya nito sa mga mata at malakas siya nitong itinulak.

“Anong kuya kuya ka diyan? Wala akong kuya! Wala na akong kapatid!” sambit nito habang mapapansin ang namumuong luha sa mga mata.

“Patawad, patawad, Armando…” kahit patuloy ang pagtulak sa kaniya ni Armando, pilit na niyakap ni Lucio ang kapatid na matagal na niyang hinahanap. Niyakap din siya nito pabalik habang pareho nang tumatangis ang dalawa.

Pagkalipas ng isang buwan, tinulungan ni Lucio na makalabas ng bilangguan ang kapatid. Doon nila agad na binisita ang puntod ng kanilang ina at sa tabi nito ay ang puntod ni Andrea na agad raw binawian ng buhay dahil wala silang maipambili noon ng gamot nang ito’y magkasakit.

Nais man ibalik ni Lucio ang mga panahon at araw, hindi na niya ito magawa. Ang tanging magagawa na lamang nila ay muling mag-umpisa, at ito ay magsisimula sa paglimot ng mapait na nakaraan.

Advertisement