Inday TrendingInday Trending
Tadhana ang Siyang Nagtagpo sa Sekyu at Batang Lansangan na Ito; Ano Kaya ang Plano ng Maykapal Para sa Kanila?

Tadhana ang Siyang Nagtagpo sa Sekyu at Batang Lansangan na Ito; Ano Kaya ang Plano ng Maykapal Para sa Kanila?

Matapos maiayos ang kaniyang polo, sinuot na rin ni Tacio ang kaniyang sinturon. Nang masigurong maayos na ang kaniyang hitsura, kinuha na niya ang susi ng kaniyang bisikleta at nagtungo na rin sa bangko kung saan siya nagtatrabaho bilang isang gwardiya. Ilang dekada na rin siyang sekyu at dahil na rin sa hirap ng buhay, patuloy pa rin ang kaniyang paghahanapbuhay.

Isang tanghali, naisipan ni Tacio na lapitan ang isang bata na Onyok pala ang pangalan. Araw-araw kasi niya itong nakikita na nakaupo, naglalakad-lakad sa harap ng bangko na binabantayan niya. Tinawag niya ang bata at naantig ang puso ni Tacio nang makita niyang may hawak na putol na krayola ang bata at maliit na papel sa isang kamay nito.

“Ano’ng gusto mong gawin diyan, ‘toy?” mahinahong tanong ni Tacio sa bata.

“Wala ho, gusto ko lang gumuhit ng bundok kasi hindi ko naman alam paano isulat pangalan ko,” sagot naman nito. Dahil dito, agad na nagdesisyon si Tacio na turuan ang bata kung paano man lang isulat ang kaniyang pangalan pati na ang magbasa.

Araw-araw magkasama ang dalawa. Hinahatian niya rin ito ng kaniyang pagkain na binabaon niya. Kung minsan pa nga ay mayroon itong dalang sobra upang may kainin sa hapunan si Onyok. Bawat araw ay sadyang masaya ang kalooban ng dalawa sa isa’t isa na para na ring mag-ama.

Pagkalipas ng tatlong buwan, matagumpay si Tacio na maturuan si Onyok kahit na saglit lamang ang oras ng kanilang pag-aaral. Sa mismong araw din na iyon, hinimok ni Tacio na bumalik si Onyok sa kaniyang pag-aaral.

“Sige na, aral ka na ulit para naman maisakay mo naman ako kapag nakabili ka na ng kotse mo,” biro pa ni Tacio.

Sa araw-araw na pinipilit ni Tacio ang bata na mag-aral, napapayag niya rin ito. Kung kaya naman noong araw na kailangang mag-enroll ni Onyok, sinamahan niya ito sa eskwelahan na nasa tapat lamang ng bangko na pinagtatrabahuan ni Tacio. Binilhan niya ang bata ng mga gamit pang eskwela pati na uniporme. Sa kabila ng kaniyang pagiging mapagbigay ay may sariling problema na kinakaharap ni Tacio bilang ama sa kaniyang pamilya.

“Kaya naman pala ang liit ng binibigay mong sweldo sa akin, binibigay mo lang pala diyan sa batang lansangan na ‘yan!” talak naman ng asawa ni Tacio. Tahimik lamang siyang pinapakinggang ang sermon ng asawa dahil sa hirap ng buhay.

Gayunpaman, hindi tumigil si Tacio na humanap ng paraan upang makatulong pa rin kay Onyok. Ayaw kasi niyang tumigil ito dahil nagsimula na ang batang mangarap at magsumikap para sa sarili. Para kay Tacio, wala nang mas mahalaga pa kaysa pag-aaral ng isang bata.

Pagkalipas ng mahigit sampung taon, naging madali para kay Onyok ang kaniyang pag-aaral dahil bukod sa tulong na nanggaling kay Tacio ay natutulunagn din siya ng mga guro niya. Patuloy na nagsumikap at nangarap si Onyok hanggang sa araw ng kaniyang pagtatapos sa hayskul.

“Mang Tacio! Mang Tacio! Heto na ang diploma ko, gradweyt na ako sa wakas!” masayang balita ng ngayon ay binata na.

“Sobrang proud ako sa’yo, Onyok! Sabi ko naman sa’yo sisiw lang ‘yan! Oh, pano ba ‘yan? Kolehiyo naman! Magiging enhinyero ka na!” tugon naman ni Tacio kay Onyok.

Muling nagpatuloy si Onyok, dahil sa kaniyang katalinuhan, nakakuha siya ng maraming mga iskolarsyip. Nakaya na rin niya na manirahan sa isang paupahan habang sinusustentuhan ang sarili. Subalit wala ni isang araw ang lumipas na hindi niya pinupuntahan si Tacio para lamang kumain sila nang sabay.

Muling nagdaan ang apat na taon at malungkot man na hindi makapunta si Tacio sa araw ng kaniyang pagtatapos, masaya pa rin ang puso niya dahil tapos na niya ang kolehiyo. Matapos ang seremonya, agad na nagtungo si Onyok sa bangko upang ipakita sa matanda ang kaniyang diploma. Subalit nang siya ay makarating doon, wala roon ang matanda. Naghintay pa siya ng hanggang gabi subalit hindi pumasok si Tacio.

Kinabukasan, muli siyang bumalik at naghintay. Ngunit wala siyang nadatnan na Mang Tacio doon. Tinanong niya ang mga kasamahan at sinabing hindi na raw ito nagtatrabaho doon. Labis itong ikinalungkot ni Onyok.

Nagpatuloy si Onyok sa kaniyang buhay hanggang sa makahanap siya ng magandang trabaho. Habang kumikita siya nang malaki, hindi kailanman nawaglit sa isip niya ang paghahanap sa bahay ni Mang Tacio. Hanggang isang araw, naibalita sa kaniya na nakita na nila ang parehong pangalan na kaniyang hinahanap.

Mabilis na nagmaneho si Onyok papunta sa bahay na iyon. Mabait ang pagtanggap sa kaniya roon ng mga anak ni Tacio. Nang kaniyang tanungin ang matanda, ipinakita sa kaniya ang payat na payat na katawan ng matanda na na-stroke pala noong mismong araw ng kaniyang pagtatapos.

Labis ang pagtangis ni Onyok habang niyayakap ang kamay ni Tacio. Makikita rin sa matanda ang mga luhang nanggagaling sa mga mata nito matapos makita ang batang noon ay batang kalye subalit ngayon ay isa nang matagumpay na enhinyero.

“Heto na po ako… Dahil po sa inyo ito, Mang Tacio. Maraming, maraming salamat po sa inyo!” patuloy pa rin ang pag-iyak ni Onyok at hindi matapos ang kaniyang pagyakap sa kamay ng matanda.

Nagpasya si Onyok na kupkupin ang buong pamilya dahil parang pamilya na rin niya ang mga iyon. Lalo namang humanga ang buong pamilya ni Tacio sa kaniya dahil sa kabutihan nito. Dinala niya naman sa isang mahusay na ospital ang matanda upang maipagamot na ito sa mga espesyalista. Hindi rin naman nagtagal at himalang bumalik na sa dati ang malusog na pangangatawan ng matanda. Tila ba binigyan pa sila ng pagkakataon ng Maykapal upang namnamin nang magkasama ang tagumpay ni Onyok.

Ngayon, sa wakas ay makakamtan na ni Onyok ang tunay na tagumpay dahil natutulungan na niya ang taong naging susi upang siya ay magsimulang mangarap at magsumikap sa buhay.

Advertisement