Kailanman ay Hindi Raw Makikiusap ang Nanay na Ito sa Kahit na Sino; Lulunukin Niya Pala ang Lahat ng Sinabi Niya
“Wala ka na namang kasambahay? Paano ngayon si Jonas niyan? Ano na naman bang ginawa ng kasambahay mo at bakit pinalayas mo na naman?” namomroblemang wika ni Aling Teodora, ang nanay ni Rica habang kausap ito sa telepono.
“Ayaw ko lang, hindi ko lang gusto. Basta, pakiramdam ko ay masyadong malaki ang ulo niya na hindi ko siya pwedeng pagalitan. Masyado raw akong mayabang, e aba, natural, pinapasahod ko siya kaya dapat lang magyabang ako sa kaniya. Pwede ko siyang utusan, sigawan at kung ano-ano pa! Kaya ayon, sinesante ko na,” mabilis na sagot ni Rica sa kaniya ina.
“Paano kayo ngayon niyang apo ko? Bakit kasi hindi ka na lang umuwi rito sa probinsiya natin para maalagaan kita at maasikaso ko ‘yang apo ko? Hindi naman kita ganyan pinalaki, anak. Huwag ka naman masyadong brut*l sa mga nangangamuhan sa iyo,” malungkot na pahayag muli ng ale sa kanya.
“Hay naku, ‘ma, ‘yung tatay nga ni Jonas hindi ko hinabol, mga kasambahay pa kaya?! Hello, sampalin ko pa sila ng pera! Isa pa, strong and independent woman ako at malaki na rin si Jonas. Kapag may trabaho ako ay pagyu-Youtube -in ko na lang siya. Kaya ko ‘to. Huwag kang masyadong mag-alala sa akin,” kampanteng balik ng babae at mabilis na siyang nagpaalam sa kaniyang ina.
Nasa sinapupunan pa lang niya si Jonas ay hindi na ito kinilala ng tatay ng bata. Kaya naman simula noon ay pinangako ni Rica sa sarili na wala siyang papakiusapan na kahit sino o maghahabol sa kanino man. Sa pamilya man niya, sa kaibigan o sa trabaho. Simula rin noon ay walang humpay na rin ang pagpapalit ng babae sa kasambahay lalo na nga ‘pag nararamdaman niyang pinapangunahan na siya ng mga ito.
Ilang araw pa ang lumilipas at unti-unti ay kinakaya naman ni Rica ang mag-isa, pinagbababad na lang niya sa selpon ang anak kapag may trabaho siya. Makalat man ngunit para sa kaniya ay kaya naman daw nilang mag-ina.
“Mommy, mommy, mommy,” paulit ulit na tawag ni Jonas sa kaniya.
“Anak, may work na ngayon si mommy, manood ka nalang sa selpon mo, please. May meeting ako ngayon,” naiirita niyang pakiusap sa limang taong gulang na anak.
“Mommy, masakit po ang tummy,” wikang muli ng bata sa kaniya.
“Anak, kainin mo nalang lahat ng gusto mong kainin diyan. Huwag mo na akong guluhin!” panlalaki ng mata niya sa bata.
Mabilis na natahimik si Jonas at bumalik nalang sa pagseselpon.
Halos magtatatlong buwan na rin na walang makitang kasambahay si Rica ngunit kahit gaano kahirap ay hindi pa rin siya humihingi ng tulong. Nariyang iniipis na lang ang mga hugasin niya sa lababo at palagi niyang napapagalitan ang kaniyang anak dahil sa pagod at dami ng trabaho.
Hanggang sa napansin niyang tahimik lang ang anak ni Jonas at nagkumot din ito. Napansin niyang naglagay ang bata ng bimpo sa kaniyang noo.
“Nilalagnat ka ba, Jonas? Bakit may bimpo ka?” pasigaw na tanong ni Rica sa anak.
Hindi naman sumagot ang bata kaya naman mabilis siyang tumayo upang lapitan ito.
“Inaapoy ka ng lagnat, anak, bakit hindi ka nagsasabi?!” kinakabahang sabi ni Rica at mabilis na binuhat ang kaniyang anak.
“Mommy, nag-medicine na po ‘ko, ‘yung nasa ref po. Inubos ko para mawala na po ang sakit ko,” nanghihinang sabi ng bata sa kaniya at napapikit na ito.
Biglang kabog ang puso ni Rica at tinakbo ang gamot na sinasabi ng anak, nanginginig siya nang makitang expired na ito kaya itinakbo niya kaagad ang anak sa ospital.
“Mabuti na lang mommy at nadala n’yo siya agad sa ospital, bukod sa ulcer ay hindi naman nakaapekto masyado ang gamot na nainom nya. Wala po bang nagtitingin sa bata?” tanong ng nurse nag-aasikaso ng mga papel ng kaniyang anak.
“Wala, kaya ko naman. Kaya naman namin, masyado lang talaga akong naging busy,” matigas niyang sagot sa babae.
“Naku, mahirap ‘yan, mommy. Ganyan din ako dati pero inamin ko sa sarili ko kailangan ko ng tulong. Hanap ka ng yaya o kamag-anak na magtitingin sa bata lalo na kapag may trabaho tayo dahil ‘yung edad ni Jonas ay edad ng kakulitan talaga,” dagdag pa ng nurse.
Hindi naman nagsalita si Rica at hinawakan ang kamay ng kaniyang anak saka lihim na naluha. Ngayon niya nakikita na ang kayabangan niya at pagtrato nang hindi maganda sa mga kasambahay ay ang anak pala niya ang aani. Inamin niya sa sarili na hindi siya maaaring huminto sa trabaho kaya kailangan niyang makisama lalo na nga sa mga kasambahay.
Kaagad niyang kinuha ang telepono at tinawagan si Nanay Belen na dati niyang katulong saka niya pinakiusapan na bumalik ito. Ito ang unang pagkakataon na humingi siya ng tulong at nakiusap, hindi para sa kaniya kung ‘di para sa anak niya. Simula rin noon ay natutuhan niyang magkontrol ng galit at makinig sa mga suhestiyon ng mga kasambahay at itrato ito nang maayos.
Ngayon ay limang taon na sa kaniya si Nanay Belen at laking pasasalamat niyang may mga kasambahay na handang magmahal ng bata na hindi nila kaano-ano. Sa huli, mas napatunayan niyang kahit gaano pa kalaki ang kinikita niya ay kung siya mismo ang hindi makikisama ay hindi siya magkakaroon ng maayos na kasambahay na maasahan kagaya ni Nanay Belen.