Isang Estrangherong Babae ang Tumawag sa Bahay ng Amo ng Kasambahay na Ito; Ano Kaya ang Pakay Nito?

Isang Estrangherong Babae ang Tumawag sa Bahay ng Amo ng Kasambahay na Ito; Ano Kaya ang Pakay Nito?

KarmaMysteryStories

Huminto sa kaniyang paglilinis ng mga muwebles si Anita, 22 taong gulang, isang kasambahay, nang biglang tumunog ang telepono.

“Hello?”

“Hello… kamag-anak ka ba ni Mrs. Lilia Quindoza?” tanong ng babaeng nasa kabilang linya.

“Bakit po? Hindi niya po ako kamag-anak, kasambahay po nila ako…”

“Naku, mabuti na lang at nakausap kita. Kasi ang amo mo, nabangga yung kotse niya kanina, at nandito siya ngayon sa ospital, walang malay. Ako ang nagmagandang-loob na dalhin siya rito sa ospital. Mabuti na lang nakita namin itong numero ng telepono niya sa loob ng bag niya,” saad ng babae sa kabilang linya.

“Ha? Naku ho… talaga po ho ba? Kawawa naman po pala si Madam. Ano pong gagawin ko? Pupuntahan ko po ba siya?” nag-aalalang tanong ni Anita sa kaniyang kausap.

“Sabi niya, huwag na raw kasi walang bantay diyan sa bahay. Pero may mga bilin siya eh. May mga utos siya.”

“A-Anong utos niya? Sige, titingnan ko ho kung magagawa ko,” wika ni Anita.

“Sabi ng amo mo, wala siyang cash o ATM card na dala rito kaya wala siyang maipambabayad sa ospital. Kaya sabi niya, pumunta ka raw sa kuwarto niya, may mga pera daw siyang nakalagay sa kaniyang kaha de yero,” sabi nito.

“Naku… hindi ko po alam ang password ng kaha de yero ni Madam, saka hindi po kasi ako basta-basta nakakapasok doon. Mabuti pa kaya ay puntahan ko na lang siya? Saan po bang ospital naroon si Madam, para masabihan ko rin po ang amo kong lalaki…”

“Sabi nga niya, huwag kang aalis diyan kasi wala raw bantay sa bahay,” medyo tumaas ang boses ng babaeng kausap ni Anita. Maya-maya, parang nahimasmasan ito at bumaba ulit ang tinig. “Kabilin-bilinan niya, huwag na huwag ka raw aalis. Kaya nga, pinapakuha niya yung pera sa kaha de yero niya kasi nandiyan daw ang mga pambayad niya.”

“Eh hindi ko nga po alam kung ano ang password, paano po kaya ‘yun?”

“Ganito na lang. Pumunta ka sa kusina. Tapos hanapin mo kung may palakol kayo. Kapag nakahanap ka ng palakol, palakulin mo na!”

“Ha? Naku, magagalit po si Madam talaga. Baka magalit din po ang amo kong lalaki,” sabi naman ni Anita.

“Aba, kailangan mo nang gumawa ng paraan at bilisan kasi baka maubusan ng dugo ang amo mo, kailangan niyang maoperahan kaagad. Eh sabi ng doktor, hindi raw magsisimula ang operasyon hangga’t hindi nakakabayad.”

“Naku, ganoon po ba? Sige po, pupunta po ako ngayon din sa kusina para kunin ang palakol. Papalakulin ko na po yung kaha de yero ni Madam. Tumawag po kayo ulit, siguro mga pagkatapos ng 10 minuto,” nag-aalalang sabi ni Anita. Pumayag naman ang kaniyang kausap.

Makalipas ang 10 minuto, muling tumawag ang babae.

“Napalakol mo na ba?”

“Opo, napalakol ko na po… ang dami palang pera ni Madam! Ang galing,” sabi ni Anita. “Ano pong susunod kong gagawin? Paano n’yo po makukuha ang pera?”

“Ganito. Nakausap ko ulit ang amo mong naghihingalo. Gusto niya, ikaw ang magdala ng pera dito sa ospital. May cellphone number ka ba? Puwede ko bang makuha nang sa gayon ay mai-text ko na lamang sa iyo kung saan itong ospital na ito?”

“Ay ‘di ba po sabi ninyo bawal akong umalis ng bahay dahil iyon ang bilin ni Madam?”

Natigilan ang babae sa kabilang linya.

“Ay oo nga. Sige, magpapapunta na lamang ako diyan ng kukuha ng pera, o kaya naman ay ako na lamang,” sabi ng babae.

“Teka, ibibigay ko ang address namin…”

“Hindi na, alam ko na, kasi ibinigay ng Ma’am mo. Pupunta na ako diyan para kunin ang perang pinapakuha ng amo mo.”

“Sige po…” sabi ni Anita.

Makalipas ang 30 minuto, may pumindot ng door bell sa labas. Naghanda na si Anita. Lumabas siya ng bahay, dala-dala ang isang bag na para bang punumpuno ng laman.

“Hello, ako nga pala yung kausap mo kanina. Iyan na ba ang lahat ng pera ng amo mo?” tanong ng babae na palagay niya ay nasa 45 taong gulang pataas. Nakasakay ito sa isang owner-type na sasakyan. Ang nagmamaneho nito ay isang lalaking may suot na sumbrero at para bang hindi mapakali.

“Oo, nandiyan na ang lahat… pakibigay na lang kay Madam…”

Nang buksan ng babae ang laman ng bag, nakita niya na puro papel lamang ang laman nito.

“Eh niloloko mo naman ako eh, puro papel ito!” galit na sabi nito.

“Taas ang kamay! Walang kikilos nang masama!”

Nagulat ang babae pati na ang kasama nito nang lumitaw mula sa pinagtataguan ang mga pulis. Binasahan sila ng Miranda rights at saka pinosasan.

Lumitaw naman ang isang babae na nagtatago pala sa likod ng tarangkahan.

“Ako si Lilia Quindoza, ako ang amo ng kausap mo, na tinutukoy mong nabangga ang sasakyan. Akala ninyo maloloko ninyo kami sa pambubudol ninyo? Sa presinto kayo magpaliwanag!”

At isinalaysay na nga ni Anita sa presinto ang lahat ng mga naganap. Noong una, akala niya ay totoong nasa ospital ang kaniyang amo, dahil pumasok nga ito sa opisina, at totoo namang nagmamaneho ito.

Nang humingi ng 10 minuto si Anita, saka niya tinawagan ang amo niya. Maayos naman itong nagtatrabaho sa opisina. Pagkatapos nito, sinabihan siya nito kung ano ang dapat gawin at mga susunod na hakbang upang masukol ang mga manlolokong ito. Tumawag na kaagad ito sa mga pulis at agad na umuwi sa kanila.

Natiklo at tuluyang nakulong ang babae at ang kasama nito na miyembro pala ng isang ‘budol-budol gang’. Napag-alaman din na ang dati nilang kasambahay ang kasabwat nito, kaya alam na nila ang address at may kaha de yero ang among babae sa loob ng kuwarto nito.

Mabuti na lamang at mautak si Anita!

More Stories