Namasukang Kusinera sa Isang Mansyon ang Isang Babaeng Gusgusin; Magustuhan Kaya ng mga Magiging Amo Niya ang Kaniyang Lulutuin?

Namasukang Kusinera sa Isang Mansyon ang Isang Babaeng Gusgusin; Magustuhan Kaya ng mga Magiging Amo Niya ang Kaniyang Lulutuin?

KarmaMysteryStories

“Betty, Betty, halika nga rito, lumapit ka sa akin…”

Lumapit naman ang kapwa kasambahay na si Betty kay Maricar.

“Tingnan mo ang babaeng gusgusin na nasa labas. Lagi ko ‘yang nahuhuling nakatingin dito sa bahay. Nakakatakot. Naisip ko, magnanakaw ‘yan,” wika ni Maricar.

Nakita nga nila ang isang babaeng napakarumi ng buong katawan, mahaba at tila napupuno ng agiw ang makapal na buhok, at nanlilimahid ang gula-gulanit na damit.

“Lapitan ko nga at nang mapaalis.”

Nilapitan ni Betty ang babaeng kanina pa sipat nang sipat sa loob ng bakuran ng bahay na kanilang pinaglilingkuran.

“Bawal ditong magtingin-tingin. Saka, hindi kami namimigay ng limos.”

Tinapunan lamang siya ng tingin ng babaeng gusgusin.

“Hindi naman ako manghihingi ng limos. Masama bang tingnan ang malaking bahay? Balang-araw magkakaroon din ako niyan.”

“Ahhh… nangangarap ka naman nang mataas. Oo naman. Magkakaroon ka ng ganyang kagandang bahay kung gagayahin mo ang amo naming lalaki na si Don Mariano at ang asawa niyang si Donya Elvira.”

Natigilan ang babaeng gusgusin.

“Kumusta naman ang mga amo ninyo? Mababait naman sa inyo? Hindi ba ako puwedeng mamasukan sa inyo bilang kasambahay?”

“Sa ngayon parehong nasa ibang bansa ang mag-asawa para yata sa bakasyon. Oo nangangailangan pa kami ng isang kasambahay, kailangan namin ng kusinera. Nagpapahanap nga sa akin eh, baka raw may kakilala akong puwedeng maipasok dito.”

“Miss, puwede bang ako na lamang ang ipasok mo? Sige na, nagmamakaawa ako. Kailangang-kailangan ko kasi ng trabaho para magkapera ako. Tingnan mo naman ang hitsura ko. Araw-araw ay nangangalakal ako, at minsan ay kulang pang pambili ng pagkain ang napagbebentahan ko. Sige na, parang awa mo na… kailangang-kailangan ko ng trabaho, ng pera, at matutuluyan,” pagmamakaawa ng babaeng gusgusin.

Sinulyapan ni Maricar mula ulo hanggang paa ang kausap.

“Kusinera ang hanap namin, sa tingin mo ba papayag ang mga amo namin kung makikita nilang…”

“Eh ‘di maliligo ako, magpapalit ng damit. Sige na, parang awa mo na… ako na lamang ang ipasok mo bilang kusinera. Gagawin ko ang lahat upang mapaligaya ko ang mga amo natin sa pamamagitan ng mga luto ko,” muling pakikiusap ng babaeng gusgusin.”

Dahil sa awa, pinagbigyan nina Maricar at Betty ang pakiusap ng babaeng gusgusin na manilbihan doon.

Dahil walang mga damit, ipinahiram muna nila ito ng damit at pinayagang gumamit ng palikuran.

Nagulat sila sa malaking transpormasyon nito.

Paano’y kahit may edad na ang babaeng nagpakilalang si Mercedes, mababakas pa rin ang likas nitong kagandahan.

“Aba, kay ganda mo pala Mercedes. Ano’ng nangyari sa iyo at naging palaboy-laboy at naging taong grasa ka?” usisa ni Betty.

“Naku, mahabang kuwento. Teka muna, puwede na ba akong magluto? Gagawan ko kayo ng sample para naman matiyak ninyo mismo na talaga namang marunong at masarap akong magluto. Ano’ng gusto ninyong ulam?”

Parehong sumagot sina Betty at Maricar na ‘adobo’.

Habang pinagmamasdan nina Betty at Maricar ang mga kilos ni Mercedes, lihim silang natataka dahil tila alam na alam nito kung saan matatagpuan ang sandok, kawali, siyanse, pati mga condiments na kailangan niya.

Para bang kabisado nito ang loob ng kusina.

Sabagay, hindi naman nakapagtataka iyon dahil hindi naman ganoon kalaki ang kusina para hindi malaman kung saan nakalagay ang mga bagay-bagay.

Nagkatinginan sina Betty at Maricar nang matikman ang adobo ni Mercedes.

“N-Napakasarap!” bulalas ni Betty.

“Oo nga, ang sarap… parang may kakaibang lasa na pang-sosyal. Saan mo natutuhan ang pagluluto nito?” untag ni Maricar.

“Ah… sa nanay ko lang din noon. Siguro naman hindi ako mapapahiya sa amo natin kapag natikman na niya ang luto ko, hindi ba?”

Makalipas ang tatlong araw, dumating na nga ang mag-asawang Don Mariano at Donya Elvira. Pagdating na pagdating pa lamang ni Don Mariano ay natigilan ito nang maamoy ang masarap na amoy ng ulam na nagmumula sa kusina. Alam niya na ito ay paborito niyang kare-kare.

“Ang bango naman niyon. Sino ang nagluluto?” tanong ni Don Mariano habang umiinom ng alam. Nakasanayan na nitong uminom ng alak sa tuwing uuwi ng bahay.

“Ay sir, may bago na po tayong kusinera. Hindi po ba sabi ninyo, humanap kami ng kapalit ni Aling Loleng? Naku, magugustuhan po ninyo ang luto niya,” pagmamalaki ni Maricar.

“Sige, magpapalit lang kami ng damit at kakain na kami’t nagugutom na kami.”

Nang makapagpalit na ng mga damit, dumulog na sa hapagkainan ang mag-asawa. Natigilan si Don Mariano nang malasahan na ang kare-kare. Pamilyar sa kaniya ang lasa.

“S-Sino ang nagluto nito? Sino pala ang kusinera?”

“Ay oo nga po pala. Tatawagin ko po. Mercedes! Mercedes! Halika’t gusto kang makilala ni Sir.”

Natigilan sina Don Mariano at Donya Elvira nang marinig ang pangalan ng kusinera. At lalo silang napatda nang makita ito. Napatayo si Don Mariano.

“M-Mercedes? B-Buhay ka?” namumutlang sabi ni Don Mariano.

“Nagulat ka ba, Mariano? Oo, buhay na buhay. And I’m back!”

Nagulat sina Betty at Maricar sa paraan ng pagsasalita ni Mercedes dahil para itong isang tunay na donya.

“Na-miss mo ba ang luto ko, mahal kong asawa? Walang papantay sa sarap ng luto ko. Tama ka, hindi nagtagumpay ang plano ninyong pagpapa-good job sa akin. Ibinaon ninyo ako nang buhay, para magsama kayo ng babaeng ito!” at idinuro nito si Donya Elvira.

“Matagal na panahon akong nagtiis, hindi ko alam kung paano ako makagaganti sa inyo, pero sa palagay ko, panahon na para ako naman ang mamayani. Hayop ka, Mariano. Pinagkatiwalaan kita. Pero gahaman ka sa pera, sakim ka sa kapangyarihan. Ngayong nandito na ako, sa akin na ulit ang bahay na ito.”

Maya-maya, sumakit ang tiyan nina Don Mariano at Donya Elvira.

“H-Hayop ka Mercedes, ano’ng inilagay mo sa kinain namin…”

“Sapat lang para sumakit ang mga tiyan ninyo, pero huwag kayong mag-alala, hindi ko naman kayo uutasin, hindi mo ako katulad Mariano. Pero magsilayas kayo sa pamamahay ko, mga taksil!”

Lumayas na nga sina Don Mariano at Donya Elvira sa bahay na iyon. Hindi inaasahan nina Betty at Maricar na parang nanonood sila ng teleserye sa naging istorya ni Mercedes at Don Mariano. Siya pala ang legal at tunay na misis ngunit pinagtaksilan ito ng mister upang mapasakamay nang solo ang kayamanan at magsama na sila ng kaniyang kabit, na si Donya Elvira.

At ngayon, nakabalik na si Donya Mercedes sa kaniyang bahay at napalayas na rin ang asawa at ang kabit nito.

Sinampahan ng kaso ni Donya Mercedes ang kaniyang asawa a kalaguyo, at batay sa kaniyang mga nakalap na ebidensya at saksi, nahatulang guilty ang mga ito at tuluyang nakulong.

Ang dalawang kasambahay naman ay nanatili sa bahay at pinagsilbihan ang tunay na senyora.

More Stories