Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan ng mga Katrabaho ang Binata na May Puso Itong Babae; Ikagugulat Nila ang Tunay na Pagkatao Nito

Pinaghinalaan ng mga Katrabaho ang Binata na May Puso Itong Babae; Ikagugulat Nila ang Tunay na Pagkatao Nito

Si Edgar ang pinakamakisig na binata sa opisina kung saan siya nagtatrabaho pero wala siyang nobya. Napakaraming babae ang humahanga at nagkakandarapa sa kanya ngunit tinatanggihan lang niya ang mga ito. Palagi niyang sinasabi na hindi pa siya handang umibig.

“Sayang naman ‘yang si Edgar kung hindi makakapag-asawa. Aba’y napakaguwapo at matipuno, hindi man lang maikakalat ang lahi,” wika ni Lani na kasamahan ni Edgar sa trabaho.

“Oo nga e, gusto yatang magpakatandang binata na lang habambuhay,” natatawang sabi naman ng kasamang si Miriam.

“Baka naman b*ding siya kaya ayaw manligaw at palaging umiiwas sa mga babae? Baka lalaki rin ang hanap!” sabad naman ni Madel.

“Hindi naman siguro. Sayang naman ang kaguwapuhan niya kung ganoon,” napapailing na sabi ni Lani sa mga katrabaho.

Maya-maya ay biglang dumating at nakisali sa usapan ang mga kasama nilang sina Ricky, Joed, at Marvin.

“O, kayong mga lalaki kayo, kung gusto ninyo ng challenge, e hinahamon namin kayong tatlo. Kung sino sa inyo ang makakapanghikayat kay Edgar na magkaroon ng nobya ay may matatanggap na biyaya mula sa amin!” paghahamon ni Madel sa mga lalaking kasamahan.

“Tama si Madel. Pilitin niyo si Edgar na manligaw. Tutal close niyo naman iyon, ‘di ba?” gatong ni Miriam.

Natawa ang tatlong binata.

“Eh, paano magkakaroon ng girlfriend si Edgar, eh mukhang b*ding naman iyon?” wika ni Ricky.

“Ano? Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” gulat na tanong ni Lani.

“Maniwala kayo, kami ang palagi niyang kasama kaya nahahalata namin. Guwapo nga iyang si Edgar pero may pagka-malansa,” sabi naman ni Marvin.

“Pansin ko rin iyon, hindi mahilig sumama sa gimik at hangout naming mga lalaki ang taong iyon. Palaging nagmamadaling umuwi sa tuwing sasapit ang alas singko nang hapon. Ayaw raw niyang magpagabi. Akala mo babae,” wika pa ni Joed.

“Napapansin ko rin na hindi rin yan nakiki-join sa mga hangout naming mga babae. Talagang umiiwas sa amin. Marahil ay lalaki nga ang tipo ng Edgar na iyon,” sabi ni Madel.

Nakaisip ng magandang ideya ang mga lalaki.

“Huwag kayo mag-alala, aalamin namin ang totoong lihim niyang si Edgar,” sabi ni Ricky.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Lani.

“Kami ang tutuklas sa totoong pagkatao ng Edgar na iyon. Aalamin namin ang kanyang pinakatatagong lihim,” hayag ni Ricky sa mga kasama.

Isang araw ay nilapitan ng tatlong lalaki si Edgar sa mesa nito.

“Edgar, pare!” nakangiting bungad ni Joed.

“O, mga pards, kung yayayain niyo na naman akong gumimik, sorry pero hindi ako makakasama sa inyo” sagot agad sa kanila ng binata.

“A, eh, hindi naman ngayon, eh. Sa susunod na linggo kasi ay birthday nitong si Marvin. Yayain ka namin na mag-inom tayo sa bahay niya pagkatapos ng trabaho. Makakasama natin dun sina Lani,” sambit ni Ricky na ang tinutukoy ay ang mga babae nilang katrabaho.

“A, e h-hindi talaga ako puwede. Kailangan kong makauwi nang maaga sa bahay. Ayokong nagpapaabot ng gabi. Pasensya na kayo,” pagtanggi ni Edgar.

Walang nagawa ang tatlong lalaki ngunit bahagi talaga iyon ng plano nila. Susundan nila ito sa pag-uwi sa bahay nito para makita kung anuman ang itinatagong lihim sa pagkatao ng kanilang kasama.

Paglabas sa opisina ay palihim na sinundan ng tatlo si Edgar habang pauwi ito sa bahay. Halos isang oras lang nang marating nito ang tinutuluyang maliit na paupahan. Napansin pa nila na may lumabas na isang lalaki sa loob ng tinitirhan nito.

“O, may lalaking lumabas. Kasama niya kaya iyon sa bahay?” tanong ni Ricky.

“Baka naman iyon ang lalaki niya. Kaya palaging nagmamadaling umuwi ay dahil may dyowa ang b*ding na iyan,” wika naman ni Joed.

Ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang pumasok si Edgar sa bahay, napagpasyahan na ng tatlo na katukin na ang pinto nito.

Hindi nagtagal ay pinagbuksan sila nito ng pinto. Laking gulat ni Edgar nang makita sila.

“A-anong ginagawa ninyo rito?!” gulat na tanong ng binata.

“Pasensya na, pero sinundan ka talaga namin dito. Gusto naming malaman kung ano ba ang lihim mo at palagi kang nagmamadaling umuwi at….” hindi pa man natatapos sa pagsasalita si Marvin ay ikinagulat nito ang nagsalita sa harapan nila.

“Sino sila anak, mga kaibigan mo?” tanong ng isang matandang babae na nakaupo sa wheelchair. Sa tantiya nila ay nasa edad sitenta na ang matanda na halatang may karamdaman.

“Opo, inay, mga kasama ko po sa opisina, mga kasamahan ko po sa trabaho!” sabi ni Edgar sa ina.

“Ano kamo mabaho? Hindi ako mabaho ah, ang bango-bango ko nga, e!” wika ng matanda sabay hagalpak nang tawa.

“Pagpasensyahan niyo na si inay, may sakit siya, eh, nag-uulyanin na siya. Siya ang dahilan kung bakit palagi akong nagmamadaling umuwi at hindi sumasama sa inyo sa mga gimik o hangout. Hindi rin ako makapanligaw o makapag-asawa dahil mas prayoridad ko siya sa ngayon. Hindi ko maiiwan si inay sa gan’yang kalagayan. Sa tuwing papasok ako sa opisina ay ipinagkakatiwala ko siya sa mabait naming kapitbahay. Kapag umuuwi naman ako galing sa trabaho ay ako na ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa kanya. Nag-iisa lang akong anak at mula nang pumanaw ang aking ama ay ako na ang umako sa responsibilidad ng pag-aalaga sa kanya. Mahal na mahal ko ang inay, minahal at pinag-aral nila ako ni itay kahit hindi nila ako totoong anak. Higit pa sa tunay na anak ang turing nila sa akin at kahit kailan ay hindi nila pinaramdam sa akin na hindi nila ako kadugo. Hinding-hindi ko maiiwan si inay kaya nga hindi ko pa maipasok ang pakikipagrelasyon sa buhay ko dahil para sa’kin, si inay ang pinakaimportante. Nagkaroon na rin ako ng mga girlfriend noon pero hiniwalayan din nila ako dahil tumatanggi ako sa gusto nila na iwan ko ang aking ina kapalit ng kanilang pag-ibig ngunit kahit kailan ay hinding-hindi ko iyon magagawa. Kung iibig man ako sa isang babae, gusto kong tanggap niya ang sitwasyon ko at tanggap at pakamamahalin din niya ang aking ina gaya ng pagmamahal niya sa akin,” paliwanag ni Edgar.

Hindi nakakibo ang tatlong lalaki. Napagtanto nila na hindi pala totoo ang mga hinala nila kay Edgar. Napakabusilak pala ng puso nito na handang isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa pinakamamahal nitong ina.

Ipinaalam nila sa opisina ang totoong kalagayan ni Edgar at ang lahat ng kasama nila sa trabaho ay labis na naantig sa binata. Mula noon ay mas lalo nilang hinangaan si Edgar ‘di lang dahil sa pagiging makisig nito kundi dahil sa pagiging mapagmahal nitong anak.

Advertisement